Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 10

 


Hindi kinaya ni Daniel ang pagkatuklas sa itinagong lihim ng ina. Agad siyang umalis. Alas-singko na iyon ng hapon. Ni hindi na nga siya nakapagkape.

Sa isang kabayanan niya natagpuan ang sarili. Ayaw niya pang umuwi kina Lorenzana. Nais niya munang pag-isipan lahat ang mga pangyayari sa buong maghapon. Gusto niyang ikonekta ang nakaraan at kasalukuyan.

Hindi niya alam kung bakit sa isang coffee shop siya napanumbalikan ng ulirat. Malapit iyon sa bahay ng kanyang mga biyenan. Limandaang metro lamang ang layo nito, kaya hindi na siya mamamasahe.

Binilang niya ang tira niyang pera. Forty-three pesos. Aniya, maaari pa siyang makabili kahit ng pinakamurang kape. Agad siyang pumasok at nag-order ng caffe Americano.

Habang naghihintay sa inorder na kape, pinanuod niya ang performer ng spoken word poetry. Muntik siyang maiyak sa mahusay na performance niyon. Naisip niya, hindi lamang pala siya ang dumaranas ng sakit. Pakiramdam niya ay magkarugtong ang mga puso nila. Nadama niya ang sugat sa puso ng manunula.

Hindi niya napigilang lumuha, habang pumapalakpak. Hindi niya first time makapanuod ng ganung pagtatanghal. Matagal na rin siyang nagluluto ng mga salita at tugma sa kanyang isip upang kapag may pagkakataon ay aakyat siya sa entablado at bibigkas ng kanyang tula.

"Thank you, Sir! It was indeed a heart-twisting performance. Bravo," sabi ng crew. "Sino pa po ang nais magparinig ng kanyang puso at damdamin. Ang sarap humugot, tama ba? Lalo na kapag may kasalong kape. Anybody?"

Nagtaas ng kamay si Daniel. Tutal wala pa ang kanyang order... Nais niyang ilabas ang kanyang nararamdaman sa mga taong hindi naman nakakaalam kung gaanong nagdurugo ang puso niya.

"Oy, si Sir! Come here, Sir."

Biglang nahiya si Daniel. Na-conscious siya sa kanyang pisikal na anyo, pero nilakasan niya na lang ang loob niya. Umubo muna siya upang matanggal ang bara sa kanyang lalamunan.

"Please, give him a round of applause," pagbati ng crew, saka ibinigay sa kanya ang entablado.

Tinantiya muna ni Daniel ang kanyang sarili. Unang beses niya itong gagawin. Tinantiya niya ang audience. Walo katao lahat ang mga nasa table, maliban sa mga crew at cashier. Lahat sila ay matamang nag-aabang sa kanyang pagsisimula.

"Pasensiya na po kayo... this' my first time," aniya. Narinig niya ang mga salitang, Okay lang. kaya, nagsimula na siya.

"Ama, patawad po...

Patawarin mo ako sa kabiguang dinulot ko

Patawarin Niyo ako. Patawarin Niyo ako..."

Tumigil siya ng ilang Segundo. Nakatingin lahat sa kanya.

"Ina, patawad po...

Patawarin mo ako sa mga kakulangan ko

Bilang anak ninyo, 'di tumupad sa pangako,

Patawarin niyo ako dahil hindi ko natupad ang nais ninyo."

Ginanahan na ang mga naroon. Tinuloy-tuloy na niya.

"Patawad, Beh ko...

Patawad dahil naghihirap ka sa piling ko,

Patawad dahil hindi ko maibigay ang ginhawa sa'yo.

Patawad dahil lugmok na lugmok ako."

Luhaan na siya pagkatapos nito. Nangangatla na nag boses niya. Medyo, nadala na rin halos ang mga nakikinig.

"Anak, patawarin mo ang Daddy mo,

Mahina ako, mahina ako...

Nasaan na ang silbi ko?

Wala na, anak ko, wala na...

Hindi na kita mabibilhan ng gatas mo...

Paano na ang iba pang pangangailangan mo?

Patawad, anak, bigo ang Daddy mo."

Yumugyog ang mga balikat niya, bago niya naipagpatuloy ang tula. Hindi na niya napansin ang mga nakikinig, kung paano sila na-carried away. Guminhawa ang pakiramdam niya. Feeling niya ay nabawasan ang nakadagan sa kanyang dibdib. Pakiramdam niya ay nalaglag ang lima sa sampung punyal na nakatarak sa puso niya.

"O, Diyos ko! Paano na ako?

Nais kong umamot ng kaunting awa sa'yo...

Gusto kong humingi ng kapatawaran sa'yo.

Diyos ko! Diyos ko! Patawad po..

Durog na durog na ang puso ko.

Durog na durog na ang pagkatao ko.

Durog na durog na ang buhay ko.

Durog na duro na ako, Diyos ko.

Tulungan Niyo po ako,

Iahon Mo ako sa kumunoy na ito.

Iahon Mo ako, Diyos ko..."

Humina na ang tono niya. Napagod siya sa pagbulalas ng bawat salita, ngunit buo pa rin ito sa pandinig ng mga kapwa niya customer, gayundin sa mga trabahador doon.

"Ang pamilya ko,

Ang mga kapatid ko,

Ang ama ko,

Ang ina ko,

Ang asawa ko,

Ang anak ko,

Lahat sila ay nasasaktan ko,

Lahat sila ay napaluha ko...

Paano na ako? Paano na, Diyos ko?"

Bahagya niyang iniyuko ang kanyang ulo, hudyat ng kanyang pagtatapos. Kasabay niyo ang pagkalaglaga ng mg huling luha sa kanyang mga mata at ang paglaya niya sa kapighatian. Pakiramdam niya ay kaya na niyang haraping muli ang masalimuot niyang buhay.

"Maraming salamat! Ipagpaumanhin ninyo..." Bumaba na siya sa entablado. Sinablubong siya ng isang crew at kinamayan, habang ang host-crew ay nagpasalamat sa kanyang performance.

"Thank you, Sir, for sharing your heart with us! God bless..." Kinamayan siya nito nang mahigpit at tinapik-tapik ang kanyang likod.

Tumango-tango lamang si Daniel. at saka pa lamang siya nakapagpunas ng mata.

Maya-maya pa, inihain na sa kanya ang kanyang order. "Enjoy your caffe Americano, Sir," masuyong sambit ng babaeng crew.

Tinanguan at nginitian lang uli ni Daniel ang crew.

"Sir, in behalf po ng Café Perry-Rina, natutuwa po kami sa inyong performance. Sa tulad niyong first timer, napakahusay po ng inyong delivery. Kaya po... ang inyo pong kape ay inihahandog na po namin sa inyo, free."

Namilog ang mga mata ni Daniel. "Talaga?"

"Yes, Sir. 'Yan po ang promo namin dito... Welcome po kayo rito, anytime. Enjoy!" Yumukod pa nang bahagya ang magandang crew.

Sa unang higop pa lamang ni Daniel sa kanyang kape, tila naglaho ang kanyang mga problema.



No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...