Agosto 1, 2022
May faculty meeting kami bandang 9 am hanggang 11:30. Since paalis na ang principal, inayos na niya ang mga grade and room assignments namin, gayundin ang mga coordinatorship. Ako, Coop Chairman pa rin. Inaasahan ko nang hindi na niya ako hihikayating maging journalism coordinator.
After faculty meeting, wala na akonhgsinayang na oras. Nag-digital illustrate na ako. Ang kaso, nagpa-meeting naman ang GL at MT namin tungkol sa class program namin. Okay lang naman. At nagkayayaang pumunta sa school bukas para i-meet ang bago naming kasamahan sa Grade 4-- si Sir Dave. Past 4 na kami natapos magmiting.
Gabi ko na natapos ang illustration. Past 7:30, may voiceover na. At past 8:30, uploaded na sa YT at FB pages.
Nakakaadik na ang digital illustration. Hiindi na ako mapakali. Hindi na kompleto ang araw ko kung hindi ako makagawa. Sana mahaba pa ang bakasyon.
Agosto 2, 2022
Alas-4 pa lang, gising na ako kasi ubo ako nang ubo. Umepekto na naman ang First Vita Plus Revitalized Forte na ininom ko kagabi bago ako natulog. Natuklap ang mga plema ko. Kaya, six o' clock, bumangon na ako para maghanda sa pagpunta sa GES. At bandang 7:30, bumiyahe na ako. Napakaaga kong dumating sa school. Okay lang naman.
Past 10:30, dumating si Sir Hermie. Nag-stay kami sa room namin ni Mareng Lorie.
Before 12, nakipag-brainstorm kami kay Ma'am Amy tungkol sa pagbubukas ng canteen. May tatlong options kaming nabuo.
After lunch, bumalik kami sa classroom at naghintay sa mga kasamahan namin. Past 2 na yata dumating si Marekoy. Nang nasa kabilang room na kami, dumating na si Ma'am Jo. Nagkuwentuhan na kami. Isa sa mga pinag-usapan namin ang pagbubukas ng canteen. Mas nagustuhan ko ang suggestion niya.
Past 4 na kami umalis sa school.
Dumaan ako sa MOA para bumili sana ng Liwayway Magazine sa NBS. Ang kaso, hindi ko na roon nakita. Dati, nasa harapan lang iyon. Nagsisi ako kung bakit dumaan pa ako. Sayang ang oras. Pasado alas-7 na tuloy akong nakauwi. Gutom na gutom ako kasi hindi na ako nagmeryenda sa PITX.
Habang nagkakape, nag-digital illustrate ako. Ni-rerecord ko sana ang paggawa ko para mai-send ko kay Ma'am Joann. Iyon kasi ang request niya. Ang problema, hanggang 5 minutes lang ang recording. Nabibitin ako. Hindi pa nga tapos ang isang image, huminto na. Kaya, itinigil ko na lang. Bukas na lang siguro. Pagod na rin naman ako.
Agosto 3, 2022
Pagkatapos mag-almusal, digital illustration na kaagad ang ginawa ko. Madugo ang style ko ngayon sa kuwentong "Hindi Ako Mahal ni Mama." Madetalye ang mga buhok. May mga shadings na rin akong nilagay. At ang pinakamatindi, ang baybayin.
Ngayong araw, nakapag-illustrate ako ng tatlong pahina. Mabagal, pero worth it. Pinuri nga ako ng teacher na nakilala ko sa digital illustration workshop kamakailan. Follower ko raw siya sa Youtube. Ang galing ko raw kasi hindi halatang gawa lang sa Publisher ang mga output ko. Na-inspire tuloy akong lalo.
Nakapanood din ako ng 2 cartoons ngayong araw. Kahit paano, may natutuhan na naman ako at may mga nakuhang drawing styles.
Nai-upload ko naman ang vlog ni Emily ngayong gabi. Next week ko na uli siya gagawan ng vlog. Kailangan ko munang tapusing iillustrate ang isang kuwento.
Agosto 4, 2022
Pagkagising ko, nagdilig agad ako ng mga halaman, saka ako nagkape at nag-almusal. Then, humarap na ako sa laptop para mag-illustrate. Excited na ako sa magiging outcome. Kung nagandahan ang isang co-workshopper ko at si Bernard sa sample illustration ko, na pinost ko sa My Day, mas nagagandahan ako sa iba pang sumunod na illustrations. So far, ito na ang pinakamaganda kong gawa.
Maghapon hanggang gabi akong nag-illustrate. Nakasiyam na pages ako.
Bago matulog, nanood ako ng Japanese cartoon, na 'Ponyo.' Mas lalo akong na-inspire. Tinapos ko talaga, kaya 11:45 pm, gising pa ako.
Nga pala, nag-chat si Hanna kaninang 6 pm. Nanghingi ng pang-enroll. Mabuti P500 lang. At mas mabuti, may laman ang GCash ko. Saktong-sakto.
Agosto 5, 2022
Maaga akong bumangon kasi umalis si Emily. Hindi ko na siya naabutan. Agad akong lumabas para bumili ng almusal.
Bago ako humarap sa laptop, bandang 9 AM, naglinis muna sa kuwarto, sala, kusina, at hagdanan. Nagpunas lang ako ng mga sahig.
Nagagawa ko talagang maglinis kapag wala si Emily at habang hindi pa gising si Ion. Mas gusto kasing walang nakakakita sa akin habang naglilinis.
Masyado na akong na-hook sa ini-illustrate ko. Masyado na kasi akong nagiging metikuloso. Hindi na puwede ang 'puwede na.' Tinitingnan ko nang maigi ang maliliit na detalye.
Maghapon, kahit naging abala ako sa mga gawaing-bahay, nakaraming outputs din ako. Hindi man kasingdami ng kahapon, pero almost 65 % done na ako. Baka bukas, matapos ko na ito.
Tatlong beses akong lumabas ngayong araw para bumili ng ulam. Nakabawas pa sa oras ng pag-iillustrate ko. Idagdag pa ang pagsasaway kay Herming.
Hindi na rin ako nakaidlip kahit malamig ang panahon. Gising na gising kasi ang diwa ko. Kahit nga sa panaginip ko kagabi, para pa rin akong nag-didigital illustrate.
Past eight-thirty na dumating si Emily. Nakapag-dinner na kami. Nakapaghugas na rin ng mga pinagkainan.
Pagkatapos kong mag-shutdown ng laptop, nagsulat ako para sa Wattpad. May follower-reader kasi akong naghahanap na ng update.
Agostp 6, 2022
Past 8 na ako bumangon. Hindi pa kasi bumangon si Emily. Ako na lang ang naghanda ng almusal.
Bago ako nag-start sa digital illustration, nagsalin muna ako ng tubig-ulan sa mga buti ng wine at beer. Gagamitin ko ang mga iyon bilang pandilig sa mga halaman sa loob ng bahay at mga halamang hindi nauulanan.
Sinikap kong matapos ang illustration ngayong araw. Sobrang madetalye ang style ko ngayon, kaya natagalan ako. Past 11 pm na ako natapos. Hindi na nga ako nakapanood ng cartoons sa Netflix. Okay lang naman kasi worth it naman. Bukas, magbo-voiceover muna ako bago ako pumunta sa Antipolo.
Tinanong ako ni Jano kung pupunta ako. Tinanong ko muna siya kung may handa. Oo raw. Sumagot ako, pero hindi ako umoo. Talagang pupunta ako kahit walang handa.
Agosto 7, 2022
Quarter to 6, gising na ako. At dahil kailangan kong malagyan ng voiceover ang kuwentong 'Hindi Ako Mahal ni Mama,'' bumangon na ako bandang past 6. Ako na rin ang naglaga ng saging para sa almusal.
Bandang 8:30, nai-upload ko na ang video sa YT at FB pages. Nagamit ko na rin ang JPG images para batiin si Mama ng 'Happy Birthday,' since kuwento namin iyon.
Past 9:30, no bumibiyahe na ako papuntang Antipolo. Past 1:30, nakarating na ako. Nagulat si Mama sa pagdating ko.
Halos kompleto ang apo ni Mama na dumalo sa kaarawan niya, maliban kay Zillion at sa dalawa pang anak ni Taiwan.
Ayos naman ang celebration namin. Masaya, hindi lang si Mama, kundi ang mga apo. Masaya rin ako dahil nakapunta sina Hanna at Zildjian. Matatangkad na sila. Dalaga at binata na.
Nang umuwi ang mga bisita, nakapagkuwentuhan kami ni Mama. Hanggang 11 kami nagkuwentuhan.
Agosto 8, 2022
Halos wala akong tulog kagabi dahil sa mga surot. Ang kati sa katawan. Hindi pa ako komportable sa higaan ko. Day off kasi si Flor kaya siya ang natulog sa kuwarto. Sa sala ako natulog.
Past 4 am, bumangon na ako kasi tumulo na ang gripo. Nagsahod ako ng tubig sa mga timba at dram. Ako na ang gumawa ng gawain ni Mama.
Habang nagkakape, pinanood ko kina Rhylle at Raven ang mga kuwentong pambata ko sa YT. Mabuti, may bluetooth speaker si Flor, kaya napakinggan din ni Mama.
Naging interesado si Rhylle. Sana na-inspire siya, lalo na sa kuwentong 'Hindi Makabasa si Rico.' Natuwa rin si Mama nang husto. Mas na-appreciate pa niya kaysa kay Raven.
Pagkatapos mag-almusal, bandang 8:30, bumiyahe na ako pauwi. Antok na antok ako sa biyahe, pero hindi ako nakatulog. Pagdating ko bandang 1, saka namang pagdating nina Emily at Kuya Emer. Saka lang kami nag-lunch. Hindi na rin ako nakatulog kasi kailangan kong mag-tune in sa webinar.
Nakatulog naman ako bandang 3pm. Patapos na nang magising ako. Past 4 na iyon. Nag-digital illustrate namana ko. Ang kuwentong 'Si Lolo Poy,' ang napili ko.
Agosto 8, 2022
Eight o' clock na ako bumangon. Kahit paano, nakabawi ako sa isang araw na puyat. May panaginip pa nga akong weird. Si Eking ang nasa panaginip ko. Napaisip tuloy ako kung ano ang kahulugan niyon.
Pagkatapos kong bisitahin ang garden at pagkatapos mag-picture ng land orchid, nag-illustrate na ako. Hindi muna ako maglalaba, since marami pa akong isusuot at excited akong makita ang outcome.
Maghapon akong nag-illustrate pero hindi makapokus. Una, may webinar from 1 to 3. Mabuti nga't natapos agad. May ka-chat about our new principal at opening and operation ng canteen. Then, nagluto ako ng adobo for lunch at spaghetti for merienda. Umidlip naman ako bandang 5 hanggang six.
Kahit paano,.marami-rami akong natapos. Puro pusa lang. Sobrang dami pa aking gagawin. Wala pa.sa kalahati. Bukas, mga pusang nakaupo/nakatayo ang iguguhit ko. Beynte pa naman sila. Mahirap pero exciting.
Past nine ng gabi, nagsulat ako para sa Wattpad.
Agosto 10, 2022
Ang bilis ng panahon! Parang ayaw ko pang magbalik-eskuwela. Gusto ko na lang mag-digital illustration. Haist!
Nakakawili na kasi ang ginagawa ko. Masakit sa mata at kamay, pero nakakawala ng stress. Dahil sa ginagawa ko, hindi ko na iniintindi ang mga school-related activities, like webinar. Parang nakaksawa na. Hindi na pumapasok sa utak ko. Lalo na't mga mala-banyaga kung magsalita ang mga speaker. Nakakaantok.
Nawiwili na rin akong mag-gardening ngayon. Sinisingit-singit ko ang pagbisita sa hardin. Isa pa, pinakapahinga ko na rin.
Past nine ng gabi, tumigil na ako sa pagguhit. Umakyat na ako. Nagsulat naman ako para sa Wattpad. Panibagong chapter naman ang ginagawa ko kasi nai-post ko na kagabi ang isa.
Agosto 11, 2022
Paat 8 na ako bumangon. Past 9 na rin kami nakapag-almusal. Okay lang naman dahil wala naman akong pisikal na gawain.
Sinikap kong makarami ng output ngayong araw. Good thing, si Emily ang nagluto ng lunch.
Hapon, pagkatapos kong maligo, naisipan kong matulog. Habang nagpapaantok, binalikan ko ang mechanics ng mga patimpalak sa Buwan ng Wika, na sinend ng Filipino coordinator sa GC namin. Nagkainteres akong sumali sa pagsulat ng piyesa ng balagtasan. Tungkol sa pag-alis at pagpapanatili ng Mother Tongue-based subject na Tagalog.
Agad kong ni-review ang mga pamantayan at alintuntunin sa pagsulat at agad ko ring sinimulan ang pagsusulat.
Before 3:30, tapos ko na. Nahtanong ako sa Filipino coordinator tungkol sa pagpasa dahil kulang at malabo ang pinasang mechanics. Itatanong daw niya sa Filipino supervisor. Gabi na nang magpasa siya ng sagot ng supervisor. Okay lang dahil hanggang bukas pa naman ang deadline of submission. Gayunpaman, nagoasa na ako para hindi ko makalimutan.
Ipinagpatuloy ko ang pagguhit. Nakarami rin ako ngayong gabi. Before nine pm, huminto na ako at umakyat. Bukas, anim na pahina na lang ang iguguhit ko. Sana malagyan ko na rin ng voiceover pagkatapos kong maglaba.
Agosto 12, 2022
Dahil tumabi si Herming sa akin bandang 1:30 am, hindi na ako nakatulog nang maayos. Nag-isip na lang ako nang nag-isip. Nag-worry ako sa economic status ng bansa. Sobra akong nangangamba sa kahihinatnan nito sa pamumuhay namin. Ramdam ko na ang hirap. Ngayong malapit nang magbalik-eskuwela, agad na pumapasok sa isip ko ang dobleng gastos sa pamasahe at pagkain. Kung regular pang hihingi sina Hanna at Zj, hindi ko na talaga kakayanin.
Nanalangin ako sa Diyos. Humingi ako ng biyaya at lakas ng loob, ganyudin ng gabay. Alam kong kaya ko. Kung nakaya ko nga noon, bakit hindi ngayon?
Past 8, bumangon ako. Kahit paano, may ilang oras ding akong tulog, kaya lang masakit ang likod ko. Kaya, hindi muna ako naglaba. Sa halip ay tinapos ko ang pag-illustrate. Naisingit ko ang gardening.
Past 11, tapos ko na ang illustrations. Kaagad kung nilagyan ng voiceover. Past 2:30, uploaded na ang video sa YT at FB pages. Superb ang output. Bagong drawing style na naman iyon. Parang mga stickers ang characters.
Umidlip ako pagkatapos mag-upload at pagbaba ko, nakapili na ako ng kuwentong gagawan ko ng digital illustrations. Napili ko ang "Minsan, sa Basurahan." Isa itong pabula kaya nakikita kong mabilis ko lamang matatapos ito.
Mabuti, hindi natuloy ang fellowship with Kuya Natz and his brethrens kasi na-excite na ako sa ginagawa ko. Nakarami nga kaagad ako.
Agosto 13, 2022
Pagkatapos kong mag-almusal, nagsalang na ako sa washing machine ng mga labahan ko. At maya-maya, mga 9 am, nagsimula na ang unang online faculty with our new principal. Tumutok talaga ako sa kanya kasi iba siya. Nasa puso ang mga sinasabi niya. Na-inspire ako. Sana hindi paimbabaw ang ipinakita niya.
Past 11 na ako natapos maglaba. Nakaalis na ang mag-ina ko. One hour ago na. May First Vita Plus silang dadaluhan.
Pqgkatapos mag-lunch, hinarap ko na ang pag-iilustrate. Umidlip ako bandang 4 pm. Bukod doon, wala nang hadlang sa ginagawa ko. Kaya naman, after dinner, tapos na ang illustrations ng 'Minsan, sa Basurahan.' Bukas na lang ang voiceover. Then, bukas ko na rin aasikasuhin ang GC namin. Kailangan ko nang mag-orient sa mga magulang.
Agosto 14, 2022
Kahit mag-isa lang ako, hindi ko nagawang matulog nang up to sawa. Eight lang, nasa baba na ako. Gusto ko kasing malagyan ng voiceover ang "Minsan, sa Basurahan." Nagawa ko naman agad. Past 10 nga ay naka-upload na sa YT. Then, nagsimula ako ng bagong illustration. Ang kuwentong "Tuwing Sabado" ang napili ko. Since tungkol ito sa love of reading, naisip kong gawing T-Rex ang mga character. Naalala ko kasi ang quote na kaya na-extinct ang mga dinosaurs ay dahil hindi nagbabasa ng books.
Nakaka-thrill ang ginagawa kong illustration. Excited uli ako sa kalalabasan.
After maligo, umidlip ako. Ang lamig ng panahon kaya ang sarap matulog, pero ewan ko lang kung nakaidlip ako.
Agosto 15, 2022
Four-thirty, gising na ako. Mabigat sa katawan at sa loob kong gumising nang maaga para pumunta sa school. Pero, dahil kailangan, sinikap kong makarating doon nang maaga bago magsimula ang Oplan Balik-Eskwela program. Nagawa ko naman kahit nasiraan ang bus na sinakyan ko. Past 8:30, naroon na ako.
Habang hindi pa nagsisimula ang program, nagsimula na akong maglinis. Ipinagpatuloy ko na lang after ng program.
After lunch, nag-remind uli ako ng Coop Board of Directors' meeting para sa operation ng canteen. Ten minutes akong naghintay sa canteen, pero walang dumating at nagparamdam o nagpasabi ng reasons. Inabot ako ng tupak ko kaya nag-leave ako sa GC namin at umakyat ako. Nagpalamig ako sa room ni Marekoy.
Maya-maya, dumating na si Ma'am Amy. Sa mga oras na iyon, desidido na akong mag-resign. Hindi ko gustong binalewala nila ako. Pakiramdam ko, hindi ako good leader. Aminado naman ako kasi ako mismo, minsan, hindi ako good follower.
Nang dumating na ang lahat, nagsalita na ako. Hindi ko na itinago ang nararamdaman ko. Then, nag-resign ako. Walang nakapagpangiti sa akin.
Nandoon lang ako para umupo. Pinakinggan ko sila hanggang matapos. Hayun, nakapagplano naman sila.
Nag-meeting kaming Grade 4 teachers. High blood pa rin ako lalo na't pabago-bago ang mga plano para sa opening. Hindi malinaw ang mga gustong ipagawa sa mga guro. Dati, 4 days lang ang pasok. Ngayon, pati Friday papasok na ang mga students.
Inabot kami ng 5:30 sa meeting. Hindi pa rin masyadong malinaw sa akin ang ilang bagay, gaya ng modules pa rin ba ang gagamitin o hindi.
Paat 8, nakauwi na ako. Bad trip pa rin ako. Dumaan nga ako sa pet shop upang bumili sana ng cat litter. Dahil biktima ako ng palaging pagtaas ng presyo ng mga items nila, prinangka ko ang tindera. Aniya, nagtaas na raw. Sabi ko, oo nga, pero sobra namang taas. Nakiusyuso pa ang kapatid na lalaki at nagtanong kung magkano ang presyong binigay sa akin. Hindu naman sinagot ng kapatid. Kaya, kako, sige. Hindi ko gusto ang presyo n'yo, sabay alis.
Umaasa akong hindi naman nila tatagain ang mga customer o sasamantalahin ang pagtaas ng mga bilihin. Huwag naman sanang bawat bili ng customer ay nagtataas sila. Sana matakot sila sa sinabi kong "kaya sa kabilang tindahan na ako bumibili ng cat food." Sana aware silang may kakompetensiya sila.
Nag-illustrate ako saglit after dinner. Nakaisang pahina rin ako bago ako huminto para magsulat.
Agosto 16, 2022
Past 6, nakamulat na ako dahil kay Herming. Magdamag yata siyang nakahiga sa tabi ko. Gayunpaman, nakatulog ako kahit paano.
Quarter to 10, nasa school na ako. Agad akong dumiretso sa classroom ko para mag-decorate ng bulletin board. Mabuti, si Ma'am Jann lang ang nasa room. Pumasok naman si Marekoy, pero umalis din.
Agad akong naglagay ng mga halaman sa loob. Maganda kasi ang direction ng sunlight doon pag umaga. Tiyak kong magta-thrive ang mga halaman. Maaliwalas nang tingnan ang room.
Before lunch, nalagyan ko na ng backdraft ang bulletin board, gamit ang mga bago at secondhand brown envelope. Ginawa kong parang hollowblocks ang mga iyon.
Libre ang lunch ko ngayong araw. Nag-treat si Ma'am Joan kasi nanalo siya sa pusta Creamline volleyball team.
Naglinis din ako ng mga glass window at nagpunas ng sahig. Na-frustrate lang ako sa pag-download ng mga images and the like para sa bulletin board. Bukod kasi sa hindi ko nadala ang charger ko, sobrang hina pa ng net.
Kinausap ako nina Ma'am Joan, Ma'am Amy, Ma'am Julie, at Sir Joel K tungkol sa desisyon nilang i-dissolve na lang ang coop namin. Hindi na rin nila ito kayang patakbuhin dahil sobrang higpit na at sobrang hirap sa pag-comply ng mga requirements at reports. Plano ko pa namang bawiin na ang capital share ko. No need ko na palang magsabi. Pumayag naman ako since hindi ko rin iyon linya. Ayaw kong pahirapan ang sarili ko. So, kakausapin namin ang principal para siya na ang mag-manage ng canteen.
Nagpasalamat naman ang dalawa sa akin dahil kung hindi raw ako nagalit kahapon, hindi sila matatauhan.
Quarter to 5, umuwi na ako. Maaga ako ngayon kasi plano kong bumili ng cat litter.
Sa Tejero ako nakabili. Mura doon kumpara sa petshop sa loob ng villa namin. Tama pala ang pagprangka ko sa kanila kagabi. Kung 10 liter ang nabili ko dati sa kanila, na worth P320, sa Tejero P300 lang. Kagabi, ang presyo sa akin ay P360. E, paano kung 5 liters lang pala ang una kong binili sa kanila? P200 lang sa Tejero. Masyado talaga ang mga tao! Gahaman!
Agosto 17, 2022
Quarter to 20, nasa school na ako. Hindi pa ako gaanong nakakagawa sa classroom ko, tinawag na ako ni Ma'am Joan R para makipag-meet sa principal, kasama ang mga ka-BOD.
First time kong makaharap ang bagong principal. So far, okay naman siyang kausap. Pinipilit niyang maging relax ang lahat pati ang sarili niya. Makuwento siya at sinasali niyang lahat. Natagalan tuloy kami. Past 12 na nang natapos. Nagmadali akong kumain ng lunch kasi may Parents' Orientation pa.
Sa HRPTA meeting, in-emphasize ko ang "love of reading." Gaya dati, na-inspire ko na naman ang mga magulang. Nabitin sila sa kuwentuhan. Past 2, natapos na ang meeting. Kinailangan ko nang gumawa sa bulletin board.
Quarter to six na ako nakalabas sa school. Nagmadali akong umuwi kasi may coop general assembly pa kami.
Past 8 na ako nakauwi. Sakto ang pag-sent ng Google Meet link.
Agosto 18, 2022
Dahil sa isang panaginip, maaga akong nagising. Past 5 yata iyon. Kaya, bandang 5:30, bumangon na ako. Naghanda na ako sa pag-alis. Siyempre, tulog pa rin ang mag-ina ko. Mabuti pa si Herming, gising na. Gusto pa ngang lumabas sa gate pagbukas ko.
Before 9, nasa school na ako.
Kinausap ako ni Pareng Joel tungkol sa mga nangyari kahapon o sa meeting. Binigyan niya ako ng payo kung paano ma-sesettle ang problema sa coop. Inabutan kami ng ala-una ng hapon. Kaya naman, late na ang lunch ko. Okay lang naman.
After lunch, tinapos ko na ang pag-decorate sa bulletin board. Naabutan pa nga ako ng pag-monitor ng PSDS, kasama ang principal.
Before 5, umalis na ako sa school. Classroom-ready na! Sarili ko naman ang ihahanda ko.
Nagmeryenda muna ako sa PITX bago umuwi. Wonton mami at siopao uli. Pagdating sa bahay, kumain pa rin ako kahit kaunti.
Agosto 19, 2022
Pagkatapos mag-almusal, gumawa ako ng resignation letter. Mabilis ko lang natapps kasi may format namang galing sa Google. Nai-post ko kaagad sa GC at page ng coop. Nakahinga ako nang maluwag.
Pag-alis ni Emily, naglini muna ako sa kuwarto at kusina. Then, bumisita ako sa garden. Dahil basa ang paligid, hindi na ako nagtagal doon. Sa halip, humarap na ako sa laptop para gawin o tapusin ang illustrations ng 'Tuwing Sabado.'
After maligo, umidlip muna ako. Nasa kuwarto pa nga akp nang dumating si Emily at si Kuya Emer bandang 3:30.
Agosto 20, 2022
Naglalaba ako habang naghahanda ang mag-ina ko sa kanilang pag-alis. Hindi ko minadali kasi wala pa naman akong gagamiting hanger, dahil hindi pa natutuyo ang mga nilabhan ni Emily.
Pag-alis nila bandang 11, nagpokus na ako sa pag-illustrate. After lunch, natapos ko na iyon. Past 2, nakapag-voiceover na ako. Then, before 3, uploaded na sa YT ang video.
Hindi ko alam kung kailan uli ako makakapag-illustrate since balik-eskwela na.
Agosto 21, 2022
Past 8 nang bumangon ako. Since ako lang mag-isa, naglinis ako ng sala pagkatapos kong mag-almusal. Then, nagsimula na akong mag-illustrate. Ang kuwentong "Hari ng Sinungaling" ang napili ko.
Nang nag-chat si Emily na pauwi na sila, nag-isip na ako ng ipapaulam sa kanila. Past 11:30, bumili na ako ng ulam. Before 1 sila dumating. Hindi naman sila nakakain dahil sa pagod at puyat.
Past 2:30, umalis ako para magpagupit. Sa mala-parlor na barber shop ako nagpagupit. Mahal kasi naka-aircon. Sinubukan ko lang.
Pagkatapos kong magpagupit, pumunta ako sa Robinson's. Nagpawala ako ng stress dahil pasukan na bukas. Before 7, nasa bahay na ako. Parang hindi naman nawala, pero ayos lang. Bahala na!
Agosto 22, 2022
Maaga akong nagising. Hindi naman ako excited sa first day of class. Sadyang nasanay lang talaga ang mga mata kong mamulat nang maaga. Okay lang naman dahil mas ihanda ko ang sarili ko at ilang bagay. Nakapagplantsa ako at nakapag-copy-paste ng names sa NS report.
Quarter to 9, umalis na ako sa bahay. Alam kong mahirap bumiyahe ngayon kaya kahit 12:20 pa naman ang official time, inagahan ko na.
Past 11, nasa school na ako. Sa Guidance Office kami tumambay. Naihanda namin ang reading assessment materials.
Na-meet ko na ang Set A ng advisory class. Parang baby na baby pa ang karamihan sa kanila. May ilan namang parang Grade 6 at Grade 7 na. Agad ko silang in-orient. Then, sinimulan ko na ang reading assessment. Nagkaroon din ng diagnostic test sa Filipino.
Nagpalitan din kami ng klase para ma-meet namin ang lahat ng sections. Hindi ko pang nalipatan ang Pinya. In-inspire ko silang lahat para magkaroon ng love for/of reading para magkaroon ng magandang kinabukasan. Ibinida ko ang writing career ko at ilang achievements upang lalo silang magpursigeng magdagdag ng skills habang bata pa.
Bago natapos ang klase, napila ako sa IV-Buko dahil paulit-ulit silang nagtatanong. Sinermunan ko sila kaya nagtuloy-tuloy sa pangangaral.
After maihatid namin sa gate ang mga estudyante, kinausap kami ni Koys Hermie ng principal tungkol sa turnover ng canteen operation sa kanya. Humirit din si Koys ng oras sa Friday para sa F2F General Assembly. Pumayag naman ito.
Almost 7 na kaming nakalabas sa school. Ang bagal pa kasing kumilos ni Hermie. Kung di lang ako nagtitipid sa pamasahe, di na ako makikisakay sa motor niya.
Past 8:30 na ako nakauwi. Gutom na gutom ako. Mabuti, ready na ang hapunan.
Agosto 23, 2022
Maaga na naman akong nagising kahit hindi na natulog si Herming sa kuwarto. Nasanay na talaga ang mata ko.
Nagplantsa muna ako bago nag-almusal. Pero bago nag-almusal, hinintay ko munang makaalis ang aking mag-ina patungong Tanza High. Hindu pa ako nakakaalis, dumating na sila. Wala palang F2F classes doon. modular pa rin. Magkahalong saya at lungkot ang naramdaman ko. Masaya kasi makakatipid sa pamasahe. Malungkot kasi tuloy ang ligaya sa gadget.
Before 11, nasa school na ako. Nakapagkuwentuhan kami ni Ma'am Joan R sa Guidance Office. Doon na rin kami nag-lunch.
Set B na ngayon ang pumasok. Fifteen lang sila absent ang pito dahil siguro sa bagyo.
Bago ako nag-orient, nakarinig ako ng usapan ng mga estudyante. Masungit daw ako. Sinabi kong masungit nga ako at ipinakita ko pa. Nagsermon agad ako bago pa nagpakilala, kasi mali ang pagpili nila kanina. Tumahimik naman sila. Ang ilan ay natakot.
Nang naramdaman kong naunawaan nila ako, binago ko na ang timbre ng boses ko. Ipinakita at ipinaramdam ko naman ang kabaitan ko.
Gaya kahapon, in-inspire ko silang magdagdag at mag-develop ng talents o skills habang bata pa. Ipinaliwanang ko ang mga kahalagahan ng love of reading.
Bago mag-two suspended ang mga klase dahil sa bagyong Florita. Nabitin kami sa kuwentuhan namin. Hindi ko rin sila napabasa.
Pagkatapos masundo ang mga estudyante, nagkuwentuhan kaming Grade 4 teachers. Noong una kami lang tatlo nina Ma'am Joan At Marekoy. Sumunod, dumating na si Sir Joel. Then, dumating si Hermie. Tungkol na sa school canteen ang paksa. May pinagagawa siya sa akin, na ayaw kong gawin. Nagsabong ang mga ideya nsmin kaya nag-away kami. Nasigawan ko siya at nakapagsalita pa ako ng 'litse.'
Nag-walkout ako pagkatapos niyon. Umuwi ako. Past 7:30 nasa bahay na ako. Hindi ako nakakaramdam ng guilt.
Agosto 24, 2022
Late na akong bumangon dahil wala pa ring klase. Wala na rin namang ulan, pero dahil na-announce na, hindi na nila mababawi.
Naglinis muna ako sa kuwarto at ng cat litter ni Herming, bago ako nag-almusal. Pagkatapos, humarap na ako sa laptop para mag-illustrate.
Nag-chat na sa akin si Sir Hermie. Naunahan niya lang akong mag-approach. Hindi ko directly ni-reply-an ang mga chat niya. Dinelete ko ang mga replies ko bago pa niya mabasa. Sabi niya, at least daw wala siyang sinabing masama sa akin. Natatawa na lang ako.
Past 2, nag-stay ako sa room ko. Pinilit kong matulog pero hindi ko nagawa dahil maiingay ang mag-ina ko. Nag-momodule sila. Hinayaan ko na lang. Nagbasa na lang ako nang kaunti. Nakipag-chat. At nag-isip-isip. Nakapag-chat tuloy ako sa GC naming modules writers ng St. Bernadette. Kinumusta ko kay Ma'am Nhanie ang tungkol sa royalty fee. Sinend niya ang convo nila. Napag-alaman kong hindi na kay Ma'am Nhanie ang problema. Nasa pub house na. Madalas niyang i-update, pero minsan walang reply sa kaniya. Pero kanina nag-reply na. Kahit paano, nabuhayan ako ng loob lalo na't nalaman kong hindi pa raw tapos ang delivery ng modules sa DepEd. It means, malaki ang inaasahan kong pera. Hindj lang pala LGU ng QC ang kumuha.
Naantig siguro si Ma'am Nhanie sa dahilan ng pagtanong ko. Kako, ang laki ng reading problem ng Grade 4 pupils namin, kaya naisip kong magkaroon ng television para sa reading intervention.
Agosto 25, 2022
Before 11, nasa school na ako. Agad akong naglagay ng birthdates sa Nutritional Status template ng IV-Buko sa Guidance's Office. Doon na rin ako nag-lunch.
Sa klase, masyadong makukulit ang Set B. Kinailangan ko na namang magsermon. Maraming beses din akong nag-inspire at nagpakita ng mga MOVs para maniwala silang may future ang pagkahilig sa pagbabasa.
At siyempre, pinabasa ko sila isa-isa upang matukoy ang mga reading level nila. Nakakadismayang malamang may mga letter reader lang. May isa ngang hindi pa alam basahin ang isang letter.
Nang nag-play naman ang mga kuwentong pambata, hindi naman interesado ang lahat. Haist! Ang hirap magsimula. Parang Kinder pa ang iba.
Hindi ko pa rin binati si Sir Hermie. Hindi rin niya ako pinuntahan sa room.
Agosto 26, 2022
Past 9 na ako umalis sa bahay. Medyo naaliw kasi ako sa gadget. Hindi naman ako na-late. Past 11 nga, nandoon na ako sa Guidance's Office. Nakipagkiwentuhan na ako kay Ma'am Joan.
Dahil Friday ngayon, 3 hours lang kada set ang klase ang ilalaan namin. Pero dahil may coop meeting kami, hanggang 5pm lang ang Set B.
Nagustuhan ko nga pala ang araw na ito dahil nakuha ko na ang kiliti ng Grade 4 Buko. Natutuwa na sila sa akin. Nawala ang takot. Hindi na nila ako nakikita bilang masungit na guro. Nakatulong ang storytelling/story reading ko sa kanila. Ipinalabas ko rin ang natural wit at sense of humor ko.
Habang nasa meeting ako, nag-chat ang isang parent. Sinisisi ako kung bakit hindi agad nasundo ang anak niya. Kawawa raw dahil naghintay. Kaya naman pala hindi niya alam ay dahil wala siya sa GC. Nag-leave kasi ako roon bago siya nag-chat. Hindi naman agad nagpresenta ang admin o HRPTA President na siya na lang ang middleman ko hanggang sa nakalimutan ko siyang ipa-add.
May fault talaga ako pero huwag niyang ipilit na dapat aY nasa GC ako. Karapatan ko iyon.
Ang hirap niyang kausap. Mahirap makaunawa. Mag-apologize na ako lahat-lahat, may sinasabi pa.
Agosto 27, 2022
Pagkatapos mag-almusal, naglaba ako. Hindi ko minadali kasi long weekends naman at isa pa, wala pang mga hanger. Isiningit ko ang pag-illustrate.
Napagod ako pagkatapos kong maidampay ang iba kong nilabhan, kaya umidlip ako. Pag-alis ng aking mag-ina para dumalo sa karakol, saka lang ako naalimpungatan.
At dahil bisperas ng pista ni San Agustin, may pa-concert ang mayor. Naisipan kong pumunta. Kaya pagdating ng mag-ina ko, bandang 6:30, umalis na ako.
Napakarami nang tao sa concert venue. Ang gagaling sana ng mga artists kaso hindi ko na-enjoy ang panonood dahil wala akong kasama. At dahil di ako nag-dinner bago ako umalis ss bahay, doon na ako kumain sa malapit na kainan.
Pagkatapos kumain, naglakad-lakad ako sa tianggean sa Umboy. Binaybay ko ang kahabaan ng kalsada hanggang sa makarating ako sa simbahan at plaza. Nakakapagod din, pero naaliw ako.
Doon na rin ako nakabili ng jacket sa ukay-ukay. Ang ganda, kaya worth it ang bayad ko.
Past 10:30 na ako nakauwi. Hindi pa nga ako nakakahinga, chinat ako ni Ma'am Jenny. Kunin ko raw sa kanila ang pagkain. Naka-pack na kaya pinuntahan ko. May party sa kanila kaya may biyaya rin kami. Thanks God!
Agosto 28, 2022
Pagkatapos kong mag-almusal, naglinis at nag-rearrange ako sa sala. Sinunod ko naman ang paglilinis sa kuwarto ko. Saka na ako naghanda ng mga DLLs na gagamitin ko sa Tuesday. Nainis lang ako kasi hindi ko na magamit ang printer.
Past 5:30, pagkatapos kong maghintay sa pagdating ni Emily, umalis na ako para manood ng sine Robinson's. Galing siya sa simbahan sa bayan. Nag-serve siya.
Nakakaiyak ang 'Maid in Malacanang.' Worth it ang gastos ko sa pamasahe.
Agosto 29, 2022
Humingi si Sir Hermie ng soft copy ng resignation letter. Mag-reresign na rin siya as BOD ng coop namin. Natatawa ako. Pinag-awayan pa namin ang pilit niyang binubuhay na coop. Pero ngayon, napatunayang niyang, samahan ang dapat buhayin, hindi ang coop. Walang gustong kumilos o tumulong. Para itong one-man group. Magagaling lang sila sa salita, pero walang ginagawa.
Past 9:40, umalis ako para magpa-medical. Sa General Trias Medical Hospital ako unang pumunta. Holiday raw kaya naghanap ako ng iba. Kung bukas naman kasing umaga, 3 days pa ang result.
Naglakad-lakad ako sa direksiyon patungong Rosario. Hindi pa ako nakakarating sa bungad ng Rosario, nakita ko na ang MedSafe. Pumasok agad ako. Hayun! Gumagawa sila ng Urinalysis, CBC, at Xray. Ang mura pa! Three hundred pesos lang lahat ang binayaran ko. Ang maganda pa, within two hours, makukuha na ang result.
Past 12, nakauwi na ako sa bahay. Nainis naman ako kasi ang tagal i-deliver ang order naming ulam. Almost 2 pm na kami nakapag-lunch.
After meryenda, naghanda na ako ng learning materials. Hindi ko naman nai-print ang mga DLLs kasi ayaw talagang gumawa ang printer. Nakapula ang isang button, na nasa tabi ng on-off button. Kahit i-long press ko, ayaw talaga.
Agosto 30, 2022
Ako ang naghanda ng almusal at nagsaing ng babauning kanin dahil tulog pa ang donya. Since nakaplantsa na ako kagabi, kaya okay lang naman. Past 9, nasa biyahe na ako. Past 11, nasa school na ako.
Ito ang unang araw ng formal classes. Nagturo na ako ng lessons. Naging maayos naman ang mga klase ko. So far, wala pang masyadong pasaway. Marahil ay nakuha ko ang attention nila nang nag-storytelling ako. Nagpaiba-iba ako ng boses.
Sa ESP at MAPEH lang talaga ako hindi effective. Palibhasa, pinanood ko lang sila videos.
Medyo masakit ang ulo nang umuwi ako. Marahil, kulang ako sa tubig. Ang init kasi maghapon at hindi ako halos nakainom ng marami o sapat na tubig.
Agosto 31, 2022
Before 6, gising na ako. Plano ko talagang gumising nang maaga para makagawa ako ng visual aids. Nagawa ko naman agad, kaya nakaalis ako sa bahay bandang 8:30. Maaga ako ngayon kasi i-memeet kami ni Sir Jess, ang aming MT. Kailangang mag-lunch nang maaga bago siya magsimula.
Sa meeting, sinabi ang mga dapat ipasa, gawin, at tandaan. May mga dapat nang ipasa, kaya medyo na-stress ako.
Mas na-stress naman ako sa lahat ng Grade 4 sections dahil lutang sila. Hindi katulad ng Grade 4 online learners last school year. Karamihan sa kanila ay poor readers, kaya kahit anong gawing turo, hindi nila ma-catch up. Sa Pinya naman, may mga special children pang masalita at aktibo kaya nababalahaw ang discussion ko. Hindi talaga kaya ng karamihan na magturo ng lessons. Dapat more on reading muna. Nakakapagod sa dibdin at lalamunan. Teacher's centered kasi ang style.
After ng klase, sumabay na ako kay Sir hanggang Heritage. Nakatipid ako sa oras at pamasahe. Nakarating ako nang maaga-aga ngayon. Mga past 8:30, nasa bahay na ako.
Pagkatapos mag-dinner, may inasikaso muna akong bagay tungkol sa Grade 4-Buko, saka na ako umakyat.
No comments:
Post a Comment