Natanaw ni Daniel sa hagdanan ang kanilang bunsong kapatid. Hindi niya nabasa ang emosyon nito. Ang hula niya ay nalulungkot din ito sa nangyari sa kanya. Pero, hindi na siya nagpaalam pa, baka ipinagkakanulo lang siya ng kanyang hinuha. Ayaw na niyang dumagdag pa si Donald sa mga bagabag niya. Hangad niyang napatawad na siya nito.
"Tuloy na po ako, Mommy," bantulot na paalam ni Daniel sa natulalang ina. Hindi siya sanay sa ganoong sitwasyon. Lumaki siya sa masiyahing pamilya, ngunit ngayon, siya pa yata ang nagdala ng pighati at pagluha.
Ilang segundo rin siyang naghintay sa pagtugon ng ina. Sa mga sandaling iyon, awa ang naramdaman niya sa babaeng pinakamamahal niya.
Tatalikod na sana si Daniel, nang magsalita na si Mommy Nimfa. "Makisama ka sa mga biyenan mo..."
Napahinto si Daniel.
"Alam kong magiging mabuting ama, asawa, at manugang ka sa kanila, dahil naging mabuting kapatid ka sa mga kapatid mo at anak, sa amin ng Daddy mo..."
Hindi na siya humarap sa ina, bagkus itinago na lamang niya ang mga butil ng luha sa kanyang pisngi.
"Hindi ko alam kung paano ito tatanggapin ng Daddy mo, pero tandaan mo, bukas ang tahanang ito para sa'yo..."
Tumango lang siya at saka lumabas sa bakuran ng tahanang kanyang kinamulatan at bumuo sa kanyang kabataan. Ngayon ay kanya nang iiwanan para harapin ang panibagong buhay, na hindi niya alam kung ano ang kahahantungan.
Habang nasa biyahe siya pabalik sa bahay nina Lorenzana, pakiramdam niya ay tuluyan na siyang itinaboy ng kanyang pamilya. Wala man lamang pumigil sa kanya.
Isang malakas na salpukan ng mga sasakyan ang narinig ni Daniel mula sa kanyang likuran, na naging dahilan upang manumbalik siya sa reyalidad. Kinabahan siya. Naalala niya ang kanyang ama, na nagmomotorsiklo lang sa pagpasok sa trabaho. Agad siyang lumabas sa chapel upang tingnan ang aksidente, pagkatapos niyang umusal ng maikling panalangin.
Isang banggaan ng motorsiklo at kotse ang natanaw niya. Marami na ang rumesponde, kaya hindi na siya lumapit. Sa halip ay bumalik na siya sa kanilang bahay. Doon ay halos kapanabayan niya ang pagdating ng ina, na mula sa palengke.
"O, bakit nabasag itong paso ko! Nasira na ang halaman ko!" hinayang na hinayang na bulalas ni Mommy Nimfa.
"Ayusin ko na lang po," presenta ni Daniel.
"O, andiyan ka pala. Sino kaya ang may gawa nito? Andiyan na ba si Donald?"
Hindi niya sinagot ang tanong ng ina. Ayaw niyang manggaling sa kanya ang sagot.
"Donald! Donald, pumarito ka nga saglit!" tawag ng ina sa bunsong anak nang makapasok ito. Itinuloy naman ni Donald ang pagliligpit sa nadurog na paso, nagkalat na lupa, at nasirang cactus.
Alam niyang pinuntahan ng ina si Donald sa kuwarto nito. Kaya, nang lumabas si Mommy Nimfa, lumuluha ito.
"Ano ba kayong magkapatid? Hindi na ba talaga kayo magkakasundo?" Nahuli ni Mommy Nimfa ang braso ni Daniel, na halatang umiiwas ng tingin sa ina.
"Si Daddy po, Mommy... si Daddy. Namatay po ba siya dahil sa kape o dahil sa sama ng loob sa akin?" Tumingin na siya sa ina. Gusto niya kasing malaman ang totoo.
Binitiwan ni Mommy Nimfa ang anak. Umupo siya sa nabakanteng patungan ng paso. Nag-aabang naman si Daniel sa kanyang paliwanag.
"Mahal na mahal ka ng Daddy mo, anak. Alam kong ramdam mo 'yun..."
"Alam ko po 'yun, Mommy. Kaya nga po, ganun na lamang ang pagseselos sa akin ni Donald. Kasalanan ko po ba?"
"Ang alin? Kung ang pagseselos ng kapatid mo, hindi, Daniel. Pare-pareho ang pagtingin sa inyo ng Daddy niyo. Pare-pareho ang pagmamahal namin sa inyo..." Yumuko ang ina. Puspos pa rin ito ng luha. "Tama na ang bangayan ninyo. Please, Daniel... Ikaw ang kuya. Ikaw na sana ang umunawa. Heto nga't nahaharap ka na naman sa..." Hindi naituloy ng ina ang sasabihin. Naisip niya kasi na baka masaktan lamang ang anak.
"Hindi po iyan ang gusto kong marinig... Ako po ba ang dahilan ng pagkamatay ni Daddy? Sabi niyo dati, inatake." Pinunasan agad niya ang luhang nagbabadyang tumulo. "Mommy, 'yan ang dahilan ng away namin kanina ni Donald."
"Inatake ang Daddy mo, habang nagkakape. Iyan ang totoo." Tumayo na siya at tinalikuran ang anak.
"Ganyan kayo, Mommy noon pa. Mahilig kayong magtakip-takip at magtago ng sekreto para walang masasaktan sa amin," malakas na sambit ni Daniel. Gusto niyang maukilkil mula sa ina ang katotohanan. Sinundan niya ang kanyang ina. "Gusto niyong itago sa akin, pero kay Donald, hindi niyo naman naikubli."
Sa kusina na nila natagpuan ang kanilang sarili.
"Daniel, hindi ito ang tamang panahon para sa bagay na 'yan."
"Kailan pa, Mommy? Hanggang tuluyan akong kamuhian ni Donald?" Gusto nang sumabog ni Daniel. Samu't saring negatibong damdamin ang laman ng puso at isip niya. Humagulhol na siya. "Mommy, hindi man lang ako nakahingi ng tawad kay Daddy. Ilang taon pa ninyong itatago sa akin?"
"Makakabawas ba sa problema mo kung sasabihin kung ikaw nga ang dahilan ng atake niya?" mahinang sambit ng ina, pero malinaw kay Donald. Malinaw na malinaw.
Nagkatinginan ang mga luhaan nilang mata.
"O, my God... Daddy, I'm sorry po..." Napaupo si Daniel at napasubsob sa dining table. Lubusang kumawala ang impit sa kanyang lalamunan.
No comments:
Post a Comment