Followers

Saturday, May 11, 2024

Ang Aking Journal -- Hunyo 2023

 Hunyo 1, 2023

Ako ang naghanda ng almusal ko kasi tulog pa si Emily. Hindi yata nakatulog nang maaga dahil sa mga sapatos na dala ko kagabi.

Ako nga rin, parang kulang sa tulog. Umulan na naman kasi kagabi.

Ngayong araw, wala na naman kaming palitan ng klase. Absent si Ma'am Joan. Nagpa-check up siya ng kaniyang lalamunan.

Nasa akin ang 11 niyang estudyante. Halos mapuno naman ang classroom ko.

Nagturo ako ng Filipino, ESP, at MAPEH sa kanila. Maghapon silang may activities, kaya hindi ako masyadong nagsaway.

Nagsaway rin naman ako nang malapit nang mag-uwian. Masermunan ko pa ang Avocado.

Pagdating sa bahay, napagsabihan ko sina Emily. Hindi ko nagustuhan ang hapunan namin. Sinangag lang na may chopped na itlog. Ni walang side dish o soup man lang. Kako, hindi na nga ako makakain nang husto sa school, tapos pagdating sa bahay, ganito pa. Bad trip talaga ako. Kako pa, dumiskarte kayo. Hindi naman siguro gagastos nang malaki kapag magluto ng ginisang gulay o kaya miswa.

Tahimik na lang akong umakyat pagkatapos kumain. Nanood ako ng BQ at suiseki videos bago natulog.

Hunyo 2, 2023

Hindi ako nakaalis nang maaga kasi umulan nang malakas. Bukod dito, natagalan ako sa paggawa ng Reels. Namalantsa pa ako ng polo pero hindi ko naman nagamit.

Almost 12 na ako nakarating sa school kasi kumain na muna ako ng pares sa daan. Naki-bonding ako sa Tupa Group.

Bago ako umakyat sa room, pina-plug off na muna lahat ng nakasaksak na appliances. Nag-short ng kuryente dahil sa aircon.

Hayun! Dineklarang walang pasok ang panghapon. Asynchronous na lang daw. Kailangang may MOVs pa. Nainis ako sa idea.

Nag-bonding kaming Grade 4 teachers bago umuwi nang 3:30. Nagpa-deliver kami ng haluhalo.

Sa PITX, bumili ako sa Mr. DIY ng jar. Magagamit ko itong lagayan ng betta fish.

Hunyo 3, 2023

Past 7 na ako nagising, pero hindi pa ako agad bumaba. Hinihintay ko ang pag-alis ng mag-ina ko papuntang FVP Office. Kaso, antagal nilang umalis.

Magna-nine-thirty na sila lumabas. May plano palang mangutang sa akin si Emily ng P900. Pandagdag daw niya sa pay-in. Hindi ko siya pinahiram bilang ganti sa ginawa niyang pambabalewala sa order ko last last week. Hindi niya ginawan ng paraan.

Nalungkot ako sa ginawa ko. Hindi ko ugaling magdamot, pero kailangan kong turuan siya ng leksiyon. Hindi palaging ako ang tutulong sa kaniya. Dapat matuto rin siyang tumulong sa akin o magbigay ng pabor sa akin paminsan-minsan.

Sorry, pero alam kong magiging masaya ako ngayong araw kahit pareho kaming nalungkot.

Naisip kong maglaba na lang ako para hindi ko maisip ang kamaliang iyon. Naglaba nga ako at kahit paano ay nabawasan ang kalungkutan ko. Lalo na nang nanonood na ako nh suiseki vidoes habang nagpapahinga.

Umidlip naman ako bago at pagkatapos maligo. Ang sarap sa pakiramdam! Napakatahimik ng kabahayan.

Maghapon hanggang gabi akong nanood ng suiseki videos. Past 10 na dumating ang mag-ina ko. It's nice dahil masaya naman sila ang dumating.

Hunyo 4, 2023

Maaga akong nagising kahit gusto ko pang matulog. Kaya, hindi muna ako bumaba.

Pagkatapos mag-almusal, humarap na ako sa laptop. Gumawa ako ng PPT for 1 week. Double purpose na rin ang dalawang storyboards. Gagawin kong vlogs kapag may time ako.

Nakagawa ako ng video ngayong araw. Binidyuhan ko ang isa kong African giant land snail habang kumakain ng pipino.

After lunch, sinubukan kong umidlip habang nanonood ng suiseki video, pero hindi ako makatulog. Andami ko kasing gustong gawin. Hayun, nagpalit ako ng tubig ng mga aquarium.

Pagkatapos, nanood uli ako ng suiseki videos. Nakakaadik! Hindi ko na mahintay ang suiseki exhibit sa MOA sa Hunyo 10 hanggang 12. Saka ang staycation sa Daraitan.

Hunyo 5, 2023

Past 8:30, umalis na ako sa bahay. Nakapag-almusal naman ako nang maayos.

Sa biyahe at sa PITX, nagsulat ako ng pang-update sa Wattpad. Natapos ko na ang Chapter 54 kaya nai-post ko iyon bago ako bumiyahe patungong school.

Nagpalitan ng klase kaya ang bilis ng oras. Bad trip lang ako sa Guyabano at Mangga. Masyadonh disturbed. Hindi nakapokus sa lesson. Kinailangan ko pang manermon.

Natagalan ako sa Buendia kasi may nagbanggaan. Saka wala pang bus na patungong PITX. Nine o' clock na ako nakauwi.

After dinner, agad akong nanood ng BQ. Nang matapos, suiseki naman ang pinanood ko.

Hunyo 6, 2023

Maaga akong nagising. Wala pang 6:30, pero okey lang. Kailangan ko kasing makagawa ng video para sa Reels.

Nagawa ko naman bago ako pumasok at pagkatapos kong mamalantsa at mag-exercise.

Nakapagsulat din ako ng pang-update sa Wattpad habang nasa biyahe at habang nasa PITX.

Sa school naman, na-bad trip ako sa Minutes of the Meeting na ginawa ni Ma'am Jo. Isa ako sa mga na-special mention sa meeting nila kahapon dahil lang sa hindi ako nagpasa ng MOVs sa asynchronous class noong Friday. Sinadya ko naman, kaya kasalanan ko. Pero sana hindi na nilagay ang names namin sa minutes.

Bad trip talaga ako! Kaya nakasimangot ako habang nagpi-pictorial ang faculty. Umakyat din ako agad para umiwas. Pinatawag ako para sa grade level picture. Hayun, wala ako. Naisahan ko rin sila.

Walang palitan ng klase dahil nag-rehearse si Ma'am Jo sa Mangga para sa kaniyang class observation bukas. Nagturo naman ako ng pagsulat ng balangkas napakinggang kuwento at pagsulat ng balangkas ng kuwentong susulatin. Then, pinasulat ko sila ng kuwento, gamit ang kanilang binalangkas.

Nakauwi ako nang maaga pero gutom na gutom ako. Hindi kasi maayos ang meryenda ko kanina.

After dinner, nanood uli ako ng BQ at suiseki. Matic na 'to!

Hunyo 7, 2023

Parang ayaw ko pang bumangon kaninang umaga. Gusto kong umabsent at matulog lang maghapon, pero nanghihinayang ako. Pumasok pa rin ako.

Past 11, nasa school na ako. Wala na namang kuryente sa school, pero hindi pa nagdi-declare ng suspension ng afternoon classes.

May 13 Buko na pumasok. Nakakainis! Pero wala akong magawa. Hindi na lang siyempre ako nagturo dahil bukod sa mainit, madilim pa sa silid.

Mabuti, nagpalaro si Sir Hermie. Siya ang nagpakuwela sa mga bata. Enjoy na enjoy naman sila.

Past 8, nakauwi na ako. Wala pa si Emily. Wala pa ring ulam. Hindi ako nag-fret. Nanginain na lang ako ng mangga. Nagkape at kumain ng egg cracklets at cashew nuts.

Pagdating niya bandang 9, may ulam na. Kumain pa ako. Solb naman! Life os a choice, sabi nga madalas ni Kuya Natz. Sabi ko naman, happiness is a choice. Mas pinili kong maging masaya ngayon.

Hunyo 8, 2023

Bago ako bumiyahe, umaasa akong magdi-declare ng asynchronous ang head namin dahil wala pa ring kuryente sa school. Bago pa ako nakarating, declared. Masaya-malungkot ako. Walang haharaping mga pasaway at maiingay na estudyante, pero walang kita sa pitsel.

Namigay kami ng modules para may gagawin ang mga estudyante habang asynchronous. Nag-stay kami sa school hanggang 4 pm. Katatapos lang naming magmeryenda.

Wala pang six, nasa bahay na ako. Nakapanood ako ng suiseki videos.

Bukas, back to normal na. Naikabit na kasi ng Meralco ang kuntador. Balik na rin kami sa dating class schedule.

Hunyo 9, 2023

Napuyat ako kagabi sa kakaisip kung kakausapin ko ang principal o hindi na tungkol sa ginawa niyang offense sa akin. Humingi ako ng sign kay Lord.

Paggising ko, parang ayaw kong pumasok. Nakakatamad na. Pero, nanghinayang ako sa sasahurin at kikitain ko sa pitsel.

Past 11, nasa school na ako. Nauna pang umalis sa akin si Emily. Wala na namang tao ang bahay.

Twenty plus lang ang pumasok sa Buko. At dahil walang palitan, pinagsagot ko sila sa modules after kong magtuuro at magpa-activity sa Filipino.

Antok na antok naman ako maghapon. Mabuti, nakaraos naman sa kasasaway.

May boy scout overnight camp sana ngayon sa GES. Hindi ako sumali kasi mas mahalagang makapunta ako sa suiseki show bukas sa SM MOA.

After kong kumain, nanood ako ng BQ at suiseki videos habang busy si Emily sa FVP meeting niya at si Ion, sa pagsi-cell phone.

Hunyo 10, 2023

Ngayon ang ika-30 taon ng Batch 1993 ng SFES. Nag-send ako sa GC ng picture nv unang streamer namin na may nakalagay na "Aw harain na kamo mga kaeskwela namo?" Sinagot ako ni mariel ng "Yadi na. Ikaw na lang an wara." Nag-sorry ako. Kako hindi ako nakadalo. Aniya, sana pumunta ako kasi ako raw ang dahilan kaya nabuo at naging kultura ang alumni homecoming. Sabi ko si Daba iyon. Inintriga niya ako. Hayun, sinabi ko ang totoo. Sabi ko, hindi kami close lahat. Ayaw kong ma-OP kaya hindi ako dumalo. Next time, sisikapin ko. Si Daba, siya, Manay Aday, at Jimmy lang naman ang close ko sa batch. The rest, ewan ko kung kaya akong pakisamahan.

Isa pang dahilan, ang budget. Sayang! Kailangan kong mag-ipon para sa debut ni Hanna.

At ang pinakadahilan ko ay ang biggest suiseki show sa Asia na hatid ng Natural Stones society of the Philippines sa SM MOA. june 10 to 12 pa naman pero gusto kong dumalo sa unang araw pa lang.

Past 8, umalis na nga ako sa bahay. Gusto kong isama sina Emily at Ion pero hindi sila nagising agad. Pero, bumangon si Emily bago ako nakaalis, isinasama ko, pero hindi naman sumama.

Before 10, nasa MOA na ako. Nahirapan akong hanapin ang venue. Pero, ayos lang. Hindi naman ako na-late. Naroon na ako bago nagsimula ang program.

Na-amazed ako sa mga batong naka-exhibit! Walang sinabi ang mga batong koleksiyon ko. Gayunpaman, mas lalo akong na-inspire mangulekta. Soon, makakasali rin ako sa mga exhibit, show, at competition.

Nag-picture-taking ako roon at nag-video. Bawat isang bato ay may picture at video para sa gagawin kong content. Isa rin iyon sa mga purpose ko. Hindi na nga ako nag-join sa boy scout night camp sa school.

Past 12, tapos na akong gawin ang sadya ko roon, kaya kumain ako ng lunch sa PITX. Past 3 na ako nakauwi sa bahay. Kahit pagod, masaya ako at excited. Hindi na ako umidlip. Sinimulan mo na ang pag-post at oaggawa ng content.

Hapon, chinat ko si Hanna. Tinanong ko siya kung anong plano sa birthday niya. Kako, pag-usapan na namin habang maaga pa.

Hindi agad siya nakapag-reply, kaya chinat ko si flor. Alam kong nakausap niya ang anak ko kasi nag-chat siya sa akin noong Huwenes tungkol sa debut. Nang nag-reply, nalaman ko sa kanya na hindi plano ni Hanna na mag-party nang bongga. Bilhan na lang daw siya ng laptop at bigyan ng simpleng celebration dahil kakaunti lang naman daw ang bisita niya.

Naisip kong tama naman siya. Practical iyon. Ang totoo, mahirap magpakain sa mga bisita. May masasabi at may maipipintas pa rin sila after celebration. So, tama! Gamitin na lang ang pera sa mas makabuluhang bagay.

Bago ako natulog, nag-search ako ng laptop sa Google. Nagbasa ako ng mga tips sa pagbili. Next time, magka-canvass ako mismo sa Octagon.

Nanood ako siyempre ng suiseki videos habang nagpapaantok at habang nagsi-save ng video na ginawa ko mula sa mga pictures ng nga bato.

Eleven ng gabi na ako nagpatay ng ilaw at laptop.

Hunyo 11, 2023

Maaga akong bumangon para maaga akong makapagsimula sa paglalaba. Kaya, past 9 lang ay nakapagsampay na ako. Masama ang panahon kaya malamang mahirapan akong magpatuyo.

Maghapon na akong nanood ng suiseki. Kinontak ko rin sina Hanna at Flor Rhina. Niyaya ko silang sumama sa overnight camping sa Tanay sa June 17-18. Pumayag naman sila.

Naghanap na ako ng camp site na swak sa panlasa ko. Marami akong nakita. May magaganda. May mahal ang rent. May mura, pero hindi masyadong maganda ang accommodation. Gabi na ako nakapili ng camp na gusto ko. Sana available pa. Kailangang matuloy ang outing kasi hindi lang Father's Day celebration iyon, kundi bonding ko sa aking mga anak at bonding din nilang tatlo. First time iyon mangyayari. It's about time na magkasama-sama sila kahit sa ganitong event, lalo na't hindi magpa-party si Hanna sa kaniyang debut.

Hunyo 12, 2023

Magdamag ang ulan dahil sa bagyong Chedeng. Okey lang naman kasi hindi naman masyadong malakas.

Nag-inquire ako kagabi pa sa camp na gusto ko. Umaga na sila nag-reply. Disappointed nga lang ako kasi fully-booked na ang June 17-18.

Naghanap ako ng iba, pero wala na akong makita, kaya nag-decide akong hindi na lang mag-overnight. Sabi ko kay Flor, overnight na lang kami sa bahay niya, then sa Sunday na kami maliligo sa ilog.

Bitin daw, peroumokey na rin siya kinalaunan.

Bago ako nag-lunch, nakakita pa ako ng iba. Mahal at hindi masyadong maganda kaysa sa gusto ko, pero hindi naman nagkakalayo. Okey na rin!

Agad akong nag-inquire. Sakto! May slot pa. Nagpa-reserve agad ako. At pagkatapos kong mag-lunch, nagpa-GCash ako para bayaran ang 50% ng P5,000.

Dumiretso na ako sa Robinson's para bumili ng cooler. Past 2, nakauwi na ako.

Maghapon akong nanood ng suiseki videos. Nakaka-excite mag-rock hounding sa Tanay! Sana hindi maulan sa June 17 at lalong sana hindi bumagyo.

Hunyo 13, 2023

Medyo masakit na naman ang likod ko paggising ko dahil siguro malamig kagabi.

Martes ngayon, medyo nakakatamad na ring pumasok. Ang sarap nang magbakasyon. Pero, hindi pa puwede. Kailangan pang magtiyaga at magtiis.

At hayun nga, bago mag-8:30, nakalabas na ako sa bahay para bumiyahe.

Sa biyahe, nagsulat ako ng Chapter 55. Mahaba-haba rin ang nairugtong ko.

Pagdating sa school, nag-lunch na kaagad kami. Ang bilis ng oras. Then, akyatan na.

Kakaunti na lang ang pumapasok na Buko. Gayunpaman, nagturo ako. Kaya lang, walang palitan ng klase kaya parang antagal ng oras.

Pumasok si Sir Hermie after mag-Filipino. Pagkatapos, ako na maghapon ang nagturo at nagbantay sa Buko. Nakakainip. Nakakaantok.

Pagdating sa bahay, gutom na gutom ako. Agad akong nag-dinner.

Pagkatapos, BQ na. Isinunod ko ang panonood ng suiseki. Ang mga ito na lang talaga ang nagtatanggal ng pagod ko.

Naisingit ko rin ang pag-search ng Noob Camp. Nag-Google Map ako, saka ko nalaman ang exact location. Medyo malayo kapag lalakarin mula sa wooden bridge. Kaya, malamang magpahatid kami sa traysikel hanggang sa camp, hindi tulad noong kaming tatlo nina Emily at Ion, na nilakad lang namin.

Hunyo 14, 2023

Bago ako umalis sa bahay, nagawa ko nang lahat ang mga routines ko. Saka naman nagising si Emily. Nagparamdam na naman siya tungkol sa salamin niyang sira.

Hindi ako nakapagsulat masyado sa biyahe kasi nakaipit ako sa gitna ng tatluhang upuan sa bus. Sa PITX na ako nakabuwelo.

Pagdating sa school, nakasalo ko sa lunch ang Tupa members na sina Ms. Krizzy, Cinderella, at Gracia. May dalang laing at adobong isda si Ms. Krizzy kaya hindi ko halos nagalaw ang ulam ko.

Wala ulit palitan ng klase kaya nagturo ako ng pagsulat ng memwa. Pinasulat ko rin sila. May mga nadiskubre akong katotohanan mula sa mga estudyante. Pero, hindi pa sila ganoon kahusay magsulat. Mahabang lakbayin pa. Pero, alam kong marami ang na-inspire at natuto.

Mababait naman ang Buko sa araw na ito, palibhasa kakaunti lang sila. Hindi ako na-stress at nainis sa kanila. Napakakalma ko. Nakapagmeryenda ako nang maayos. Kaya naman, pag-uwi ko, hindi ako nanermon kahit walang lutong ulam. Tirang ulam ang nakahain-- ampalaya na natira kagabi at fried chicken na inalmusal ko kanina. Dahil busog pa naman ako, hindi na ako nag-dinner. Uminom na lang ako ng First Vita Plus Melon. Nabusog na rin ako sa BQ at suiseki. Maaga rin akong inantok.

Hunyo 15, 2023

Ang sarap pa sana ng tulog ko kundi ako ginising ni Emily. Humingi siya ng pamasahe ni Ion. Okey lang. Hindi na ako nagmaktol. Bumangon na lang din ako pagkalipas ng ilang minuto. Nag-prune ako ng balete bonsai ko sa labas, nagwalis, at nagpakain ng land snails. Gumawa rin ako ng Reels pagkatapos kong mamalantsa.

Bago mag-8:30, bumiyahe na ako. Hindi ako nakapagsulat masyado sa biyahe kasi hindi ako nakaupo sa may bintana ng bus. Nababasa ng nakatayo ang sinusulat ko. Sa PITX ko na tinapos ang Chapter 55.

Sa biyahe patungong school, ibinalita sa akin ng katabi ko sa dyip na naganap ang 6.2 magnitude na lindol. Kaya pala may mga empleyado sa labas ng government offices.

Pagdating ko sa school, nasa labas ang mga estudyante.

Dahil asynchronous na ang mga klase, niyaya ako ni Sir Hermie na pumunta sa Cartimar. Bumili ako ng male betta fish, worth P100. Binilhan din namin ng tig-isang male betta si Ma'am Mel, as birthday gift sa kaniya. Sigurado kaming matutuwa iyon kasi namatay lahat ng fish niya last month. Hindi nga kami nagkamali. Tuwang-tuwa nang matanggap ang dalawang betta.

Nagyaya naman si Marekoy na kumain sa Giligan's. Nauna kami ni Sir Hermie roon. Nag-motor kami. Antagal naming naghintay. Hindi kasi makapag-send ng picture at chat sa Messenger. Wrong timing. Akala nila, hindi ako pumunta. Gayunpaman, natuloy pa rin.

Magpa-five na yata kami natapos at umuwi. Akala ko, maaga akong makakauwi, hindi pala. Grabeng traffic sa Tejero!

Bago ako nag-dinner, nagpalit muna ako ng tubig ng isang aquarium. Medyo brownish na kasi. Nag-aclimate din ako kay Magnitude, ang bagong miyembro ng betta family ko.

Then, nanood ako ng BQ. Hindi naman ako masyadong nakapanood ng suiseki videos dahil inantok na ako before 11 pm o matapos kong ipatanggal ang picture ng pagbati ng 13th years in service ko sa GES. Paano ba naman kasi, ginamit nila ang hindi ko gustong picture. Ilang beses na nga iyon ginamit sa graduation AVP, gayundin sa GAD. In short, hindi na latest picture. Samantalang sila, bagong pictures ang nilagay. Hayun, nakatikim sila sa akin ng mga prankang pahayag. Nag-sorry naman at pinalitan. Pero, the damage has done. Kawalan ng respeto iyon kasi hindi sila nagpaalam o humingi ng pic sa akin, to think na sa social media nila pinost. Sana natuto sila sa nangyari.

Nagsori din sa akin ang GAD coordinator dahil sa paggamit niya niyon sa GAD organizational chart. Aniya, papalitan daw niya.

Hunyo 16, 2023

Wala pang six o' clock, gising na ako. Okey lang kasi kailangan kong mag-inat-inat, mamalantsa, at magpakain ng mga pets. Nakapag-gardening din ako nang kaunti.

Habang nasa biyahe, nagsulat ako. Sa PITX, hindi na ako masyadong nag-stay. Gusto kong makarating sa school nang maaga para makasabay ako sa pag-lunch ng Tupa group.

Kakaunti na lang talaga ang pumapasok na Buko. Wala pa silang 25 ngayon. Gayunpaman, nagturo ako ng pagsulat ng nobela. Siyempre, hindi ganoon ka-intense. Pinagawa ko muna sila ng bidang karakter, gamit ang character template, na natutuhan ko sa isang writeshop. Hayun, maghapon nilang ginawa.

Maayos naman ang maghapon ko. Hindi ako na-stress. Maiingay sila, pero tolerable naman.

Pag-uwi ko, agad akong nag-dinner para makapaghanda ng mga dadalhin bukas sa overnight camp sa Tanay. Pinaghanda ko na rin si Ion.

Nakapanood pa ako ng BQ at suiseki videos bago natulog.

Hunyo 17, 2023

Kulang ako sa tulog. Hindi naman ako masyadong excited, pero alas-dos pa lang ng madaling araw, gising na ako. Bago pa mag-3, bumangon na ako. Nag-post muna ako ng Reels at sa Tiktok ng mga suiseki show videos ko kasi matatabunan ang mga iyon ng mga magiging videos sa Tanay.

Dahil umulan, hindi ko kaagad ginising si Ion. Kaya, mga 4 am na kami nakaalis sa bahay.

Eight, nasa Gate na kami. Nag-almusal muna kami sa Jollibee bago bumiyahe papunta kina Flor.

Mga nine-thirty na kami nakarating doon. Agad naman kaming namili ni Flor ng mga babauin at lulutuin.

Past eleven na kami nakakuha ng dalawang tricycle na maghahatid sa amin patungo sa Noob Camp. Akala ko, ang mahal ng singil sa amin. Tama lang pala. Ang layo kasi talaga. Mahigit isang oras ang biyahe. Sa halip na P1300 lang ang dalawa, binigyan ko sila ng P1500. Nagpresenta pa kaming sunduin bukas.

Worth it naman sa P5,000 ang camp namin. Kaya lang, wala palang eating and drinking utensils kaya kinailangan ko pang bumili ng disposables para makakain kami.

After kumain, lumublob na kaming lahat. Ang sarap ng tubig. Siyempre, hindi ko puwedeng palampasin ang magagandang bato, na nakikita ko.

Nagluto ako ng pansit para sa meryenda. Pagod at puyat kasi si Flor at ang partner niya. At nang maluto at nang mapagmeryenda ko na ang mga bata, nag-rock hound na ako. Inabutan ako ng past 6 sa kahahanap. Andami kong naiuwi at andami ko rong naiwan. Nakakalungkot kapag may iniiwan ako kasi hindi ko naman talaga kayang iuwi lahat ng aking magugustuhang bato at driftwood. Pagpipilian ko pa nga ang mga nadala ko sa camp.

Dahil tulog pa si Flor, ako na lang ang nagsaing. Pinakain ko na rin ang mga anak ko at anak niya. Dapat mag-iinom kami, kaso tulog silang dalawa.

Hunyo 18, 2023

Maagang nagising ang partner ni Flor. Pagbangon ko, naghahanda na ito ng almusal. Ako naman, dumiretso na sa ilog. Nag-video ako para sa aking content at siyempre nag-rock hounding. Andaming magagandang bato. Walang tulak-kabigin. Nakakainis lang kasi hindi puwedeng dalhin lahat.

Pagkatapos mag-almusal, naligo kami. Si Ate Hanna lang ang hindi naligo. Hanggang 10 ako sa tubig. Sulit na sulit na. Sina Raven at Ion, hanggang 11. Nakatulog nga yata ako habang naghihintay maluto ang kanin.

Past 1, nag-check out na kami. Naglakad kami palabas ng riverside para makahanap ng tricycle. Hindi kasi nag-reply ang nangontra o naghatid sa amin kahapon. Okey lang naman dahil medyo nakamura kami sa pamasahe.

Gusto ko nga lang magsisi dahil ang bigat ng mga bato. Puno ang backpack ko. Puno rin ang 8 liter na cooler. May bitbit din si Ion. Ang sakit ng likod ko.

Kinailangan nga naming magtaksi mula sa Gateway hanggang sa bus station sa EDSA. Yhen, nag-special din kami ni Ion ng tricycle pauwi sa bahay. Ang laki ng gastos sa pamasahe. Mas mahal pa pa kaysa sa camp rental.

Magastos ang hobby kong rock hounding. Mabigat na literally, mabigat pa sa bulsa. Pero, okey lang dahil worth it naman ang satisfaction, na naidudulot ng mga naiuuwi kong bato. Tulad ngayon, mas magaganda kaysa noong Holy Week naming punta sa Tanay.

Seven na kami nakarating sa bahay. Ayon kay Ion, kuwento niya sa ina, happy na happy siya.

Si Hanna at Zj, hindi man masyadong nagsalita, I'm sure, masaya rin sila. Kaya lang, hindi naman nila kinakausap si Ion. Masyadong mahiyain ang magkapatid. Si Ion din tuloy, hindi kumikibo.

Sana next time, magkaroon na sila ng bonding at closeness bilang magkakapatid. Kailangang kaming apat lang ang mamamasyal para mabuo nila tunay na samahan ng magkakapatid.

Hunyo 19, 2023

Bago mag-six, gising na ako kasi nag-aalburuto ang tiyan ko kagabi pa. Nailabas ko naman nang dalawang beses.

Naglaba ako ng mga uniform ko pagkatapos mamalantsa. Mabuti, holiday noong nakaraang Lunes kaya may isusuot ako ngayon.

Past seven, tapos na akong maglaba at magsampay. Naghanda naman ako para sa pagpasok. Pinakiramdaman ko ang tiyan ko. Umalis ako nang matiyak kong hindi ako aabutan sa biyahe.

Past 11, nasa school na ako. Naka-bonding ko pa ang Reseta Group.

Nasa akin ang 10 estudyante ng IV-Mangga kasi absent si Ma'am Ivy. Ayaw ko sanang may kahalo ang Buko, pero wala akong magagawa.

Nag-review kami sa Filipino. Double purpose iyon. Sinabi kong summative test.

Nag-ESP rin kami after recess. Bago mag-uwian, nag-Filipino ulit. At mabuti, pumasok at nagturo si Sir Hermie, kaya nakaraos kami maghapon.

Maaga akong nakarating sa bahay. Okey naman ang mood ko. Pagkakain, nanood na ako ng BQ. Hindi ko muna inasikaso ang mga nauwi kong bato at driftwoods. Huhugasan ko pa ang mga iyon kapag may time na ako. Hindi ko pa nga napalitan ng tubig ang mga aquarium. Haist! Kapos na ako sa oras.

Hunyo 20, 2023

Habang nagkakape, nagdidilig ako ng mga halaman. Hindi muna ako naglaba. Sa halip, naglinis ako ng ilang bato, na dala ko mula sa Tanay. Gumawa rin ako ng Bato Serye para sa aking Tiktok at Reels.

Paat 8:30, umalis na ako sa bahay. Nagsulat ako sa biyahe, pero dahil inantok ako, umidlip muna ako. Kakainis lang kasi ang bilis ng biyahe. Nasa PITX na agad kami. Pagdating doon, hindi naman ako nakaidlip. Nagsulat uli ako.

Ngayong araw, puro review ang ginawa namin sa klase. Pati AP at Math, ni-review ko na sa kanila.

Before 8:30, nakauwi na ako. Pagkatapos kong kumain, BQ na ang hinarap ko. Hindi na ako nakapanood masyado ng suiseki at flowerhorn videos kasi inantok na ako bago mag-10. Pinagbigyan ko na ang mga mata ko.

Hunyo 21, 2023

Past 6 na ako nagising. Medyo napasarap ang tulog ko, pero okay lang dahil hindi naman ako magdidilig ng mga halaman. Mamamalantsa lang ako ng uniform.

Hayun, mas marami akong nagawa. Nakapagpalit ako ng tubig sa binababad kong driftwoods. Nakapaglinis ako ng mga bato. Nakapagpakain ako ng land snail.

Nakapagpalit ako ng tubig sa aquarium. At nakagawa ng FB Reels.

Medyo nag-alburuto ang tiyan ko bago ako nakaalis sa bahay. Akala ko, diarrhea na. Mabuti hindi ako inabutan sa biyahe.

Quarter to 11 ako nakarating sa school. Nakapag-bonding pa ako sa mga ka-Tupa ko.

Unang araw ngayon ng unit test. Naging smooth naman ang takbo niyon, lalo na't tinulungan ako ni Sir Hermie.

Eight-thirty, nagdi-dinner na ako. Natuwa ako kasi nakapagluto si Emily ng laswa.

Habang nanonood ako ng BQ, tumawag si Nanay Mila. Nangungutang ng P20k para sa problema ni Malot sa abroad. Hindi ko sila pinahiram kasi sa katapusan pa ng July iyon mababayaran. Nasabi ko tuloy ang plano para sa birthday ni Hanna.

Sana hindi sumama ang loob nila sa akin.

Sabagay, naririnig ko ang usapan nina Nanay Mila at Emily. Against ang asawa ko sa paghingi ng tulong ng kapatid niya. Hindi na nga nakakatulong, pabigat pa. Tama naman! Lagi na lang kasing gano'n. Lovelife lang naman nang lovelife.

Hunyo 22, 2023

Natatawa ako sa kaadikan ko sa mga bato. Pati sa panaginip, nagra-rock hunting ako. Para tuloy hindi ako natulog. At parang pagod na pagod ako. Gayunpaman, masaya ako kasi ang gaganda ng bato sa panaginip ko.

Gaya kahapon, naghugas ako ng mga batong galing sa Tanay. Pagkatapos, inakyat ko. Halos mapuno na ang kuwarto ko.

Bago ako naligo, gumawa muna ako ng Fb Reels.

Nagsulat ako sa biyahe. Kahit paano humaba na ang Chapter 56. Soon, maipopost ko na iyon.

Second day ng unit test. Grabe ang mga estudyante. May mga absent. Wala talagang interes. Nakakaawa lang ibagsak. Isa pa, teacher's factor pa rin naman ang sasabihin ng mga nasa taas. Kaya, ipapasa ko na lang. Haist! Wala nang quality education.

Naging maayos naman ang klase ko habang may test at habang nagtsetsek kami.

Late na ako nakauwi dahil sa ulan. Pero okey lang kasi wala naman na akong dapat na ihandang lesson at learning materials. Manonood lang naman ako ng BQ at suiseki.

Hunyo 23, 2023

Masigla at masaya ako ngayong araw kasi TGIF.

Nagsulat ako habang nasa biyahe, kaya nang nasa PITX na ako, nakapag-post na ako sa Wattpad.

Natuwa ako sa comment ng isa. Kahit daw matagal matapos ang nobela, maganda at kaabang-abang ang bawat kabanata. Nag-request pa nga ito ng update.

Twenty-three lang ang estudyante ko. Since, tapos na ang test, hindi na ako nagturo. Pinaglaro ko na lang sila. Pinasulat. Pina-drawing. Pinagbasa. At hinayaang mag-cell phone.

After recess, si Sir Hermie naman ang nag-take over ng klase. Hindi na ako masyadong nahirapan kasi nagtsek sila ng mga tests sa Science.

Naglabas naman ako ng saloobin sa GC ng Faculty at Admin Officer. Pinangunahan ng Faculty President ang usapin tungkol sa pagbibigay ng memo sa mga teacher s na madalas ma-late.

Sa aking pananaw, maling bigyan ng memo-- letter lang daw iyon, hindi memo, ang mga teachers na hindi pa naman habitual ang tardiness dahil hindi pa naman 20 times intwp consecutive months. Dapat pinatawag na lang ang mga concerns at kinausap nang personal. Ayon sa AO, for awareness lang daw iyon. Sa tingin ko naman, form of bullying, threat, at power tripping iyon. Sabi ko nga sa GC-- wala nang puso kapag dinaan sa written ang problema.

Sana makarating sa Principal ang mga saloobin namin. Kahit hindi naman ako nali-late, ramdam ko ang sakit na idinulot niyon sa mga nakatanggap ng memo, este ng letter daw.

Past 8:30, nakauwi na ako. Masarap ang ulam-- gulay na langka at pritong isda. Tamang-tama, may dala akong mangga at saging. Sayang, tulog na si Ion. May kornik din akong pasalubong.

Nanood muna ako ng BQ, bago ang suiseki. Nakaka-inspire ang mga batong napapanood ko. Hindi ko mapigilang hipuin ang ilan sa mga bato ko, lalo na ang isang mountain-like na basalt stone ko. Itim na itim pa naman at makintab.

Hunyo 24, 2023

Hindi pa nakakaalis si Emily, naglilinis na ako ng mga aquarium. At nang matapos, panonood naman ng suiseki videos ang aking inatupag.

Hapon, umidlip ako sa mainit kong kuwarto.

Past 3:30, dumating si Sir Hermie. Dinala niya ang pangako niyang 5-gallon fish tank at laptop table.

Nagmamadali siyang umuwi. Kaya after meryenda, mga 4 pm, umalis na siya. Ako naman, umidlip uli.

Past 6:30, nag-gardening ako. Nag-transplant ako ng mga halaman. Then, in-aquascape ko na ang aquarium ni Sir Hermie habang naghahanda ng hapunan. Naabutan pa ako ni Emily.

Ang saya ko ngayong araw. Andami kong nagawa.

Bukas, maglalaba naman ako. Sana magawa kong maglinis sa kuwarto pagkatapos maglaba.

Hunyo 25, 2023

Maaga akong nagsimulang maglaba kahit First Vita Plus lang ang lamàn ng tiyan ko tulog pa kasi si Emily. Nang patapos na ako, saka siya nagising at naghanda ng almusal. Gustuhin ko mang magbunganga, hindi na lang. Natanggal na lang ang stress ko dahil sa mga isda, bato, at mga halaman ko. Plus, nananood na lang ako ng suiseki videos habang nagpapahinga.

Maghapon akong nanood at nagpahinga. Nakakaantok ang panonood kaya kapag hindi na kaya ng mata, pinagbibigyan ko. Sulit ang weekends ko! Bukas, back to work na naman. Kailangan ko nang gumawa sa/ng mga school forms.

Hunyo 26, 2023

Kulang ako sa mahimbing na tulog dahil sa sakit ng likod ko. Dahil malamig na naman, ito na naman ang problema ko sa pagtulog. Maaari ding dahil ito sa kidney problem. Kaya nga nagti-three times a day na ako ng First Vita Plus. Sa umaga ay Dalandan Revitalize Forte. Sa tanghali ay Melon Gold. At sa gabi ay Guyabano Gold. Ayaw ko talagang magkasakit ako. Mas gusto ko pang magtrabaho.

Bago mag-8:30, umalis na ako. Namimili pa kasi ako ng mga paninda sa klase ko.

Past 11, nasa school na ako. Naabutan ko sina Cinderella, Gracia, at Ms. Krizzy na nagsisimula nang kumain. Naki-join na ako.

Pinag-module ko maghapon ang IV-Buko habang naglalagay ako ng grades sa card. Almost done ko na ang cards. Kulang na lang ang school days. Bukas, isasalin ko naman ang 4th Quarter grades sa SF10.

Maaga akong nakauwi sa bahay, kaya quarter to 9, nanonood na ako ng BQ. Nakapag-dinner na rin ako.

Hunyo 27, 2023

Kagabi pa-- habang pauwi ako, masakit ang ulo ko. Paggising ko, masakit pa rin. Pero nang nakapagkape na ako, nawala na. Palibhasa, hindi ako nakapagkape kahapon sa school.

Nakagawa ako ng Reels bago ako pumasok sa school. 'Makata O Thoughts' lang muna, gamit ang mga videos ni Herming. Ayaw kong magsawa ang mga viewers sa suiseki ko.

Past 11, nasa school na ako.

Mas kakaunti ang estudyante ko ngayon. Masaya na malungkot. Malungkot kasi kakaunti ang benta. Masata kasi kakaunti ang sasawayin. At hayun nga, natapos kong isalin sa original at duplicate SF10 ang mga grades sa cards. Bukas, dahil holiday, mag-iinput naman ako ng grades sa LIS.

Seven na kami nakauwi ni Sir Hermie kasi may pinagawa pa sa kaniya si Ma'am Batula. Tumulong lang ako.

Past nine ako nakauwi kasi antagal ng bus sa Buendia. Okey lang naman kasi wala namang pasok bukas.

Hunyo 28, 2023

Dahil holiday ngayon, hindi agad ako bumangon. Siguro, mga 7 na nang bumaba ako. Agad ko ring hinarap ang pag-encode ng grades sa LIS. Si Emily na ang pinaghanda ko ng almusal.

Bago mag-12, tapos na ako sa LIS, pero kailangan ko pang tapusin ang number of school days. Nawalan lang ng tinta ang sign pen ko. May isang araw pa naman bago ang checking-- sa Friday.

Dahil umalis si Emily, tahimik kami ni Ion maghapon. Nanood ako ng suiseki. Natulog. Hayun, sulit ang holiday.

Gabi, lumabas ako para bumili ng pagkain. Eight-thirty na dumating ang super busy kong asawa. Sana yumaman na siya .

Hunyo 29, 2023

Dahil umalis nang maaga si Emily, kailangan kong gumising ng 5 am para sa pagpasok ni Ion sa school. Seven am daw ay dapat nasa school na ito dahil may periodic test. Hayun nga. Ako ang naghanda ng almusal niya. Hindi na rin ako nakatulog pag-alis nito ng six.

Past 11, nasa school na ako. Medyo busy ang lahat dahil may parating na bisita at may checking of school forms pa. Hindi naman ako apektado.

Unang araw ng periodic test ngayon. Shortened ang mga klase. Kaming Grade 4 ay hanggang 4:10 lang. Kaya nakapagpa-check pa ako ng SF 10. Tumulong din ako sa pagtsetsek. Inabutan kami room ng 7:30. Nagpa-deliver na nga kami ng pagkain. Kaya, pag-uwi ko, hindi na ako nakakain.

Masaya ako ngayon kasi wala na akong problema sa SFs. Ang IPCRF naman ang susunod. Haist!

Hunyo 30, 2023

Bago ako pumasok, naglinis muna ako ng kulungan ng mga land snails ko. Iniwanan ko na rin ang mga ito ng pagkain.

Sa PITX, nag-post ako sa Wattpad ng Chapter 57. I hope magustuhan ng mga readers ko. At sana maisulat ko agad ang mga naiisip kong eksena.

Fourteen lang ang pumasok na estudyante ko. Okey lang naman para mapahinga ako sa pagsaway. Kaya lang, kakaunti ang benta ko sa tray. Sandaan lang din ang kinita ko sa juice.

Past 5, nagsalo-salo kaming guro sa Grade 4, kasama si Ma'am Ceilene. Nag-ambagan kami sa pansit. Inabot kami ng 7 pm kasi hinintay namin si sir Hermie na matapos sa pag-styro cut.

Past 9 na ako nakaalis sa PITX. Ang haba kasi ng pila sa bus. Hindi muna ako pumila agad. NaGsulat muna ako roon.

Past 10 ako nakauwi sa bahay.

Bago natulog si Emily, humingi na naman siya ng pabor. Problemado na naman sa pamasahe nila ni Ion bukas patungo sa FVP office. Nakatikim siya ng realtalk sa akin. Naiinis kasi ako. Lagi na lang ganoon. Wala namang kinikita kaya ako palagi ang takbuhan. Naisip ko tuloy na pati budget namin, nagagamit niya sa pamasahe. Halos tumira na kasi sa office. Sabi ko pa, ako lahat ang gumagastos sa pagkain, bills, at mga pangangailangan. Hindi na nga siya makatulong, pabigat pa. Hindi naman aki nagtatae ng pera. May mga anak at nanay pa ako. Parang siya rin. Sana huwag na siyang magpabigat. Ni hindi na nga ako magpapalaba at nagpapaplantsa sa kanya. Ang suwerte naman niya masyado.


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...