Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 20

 


Napaangat ang ulo ni Daniel. Hindi niya naramdaman ang pisikal na sakit. Mas nasaktan ang puso niya.

Natulala si Lorenzana at nagkasalubong ang kanilang mga mata. Maikling segundong sila ay parang nag-usap—humihingi ng dispensa sa isa't isa.

Marahang inihiga ni Daniel si Baby sa kutson, pagkatapos hagkan ang noo nito. "Baby ko, pagaling ka na, ha? Paggaling mo, Jollibee tayo..."

Tumingin lang sa kanya ang anak. Gustuhin man nitong matuwa, hindi kaya ng kanyang katawan.

Muling hinagkan ni Daniel ang noon g anak, saka lumabas sa kuwarto upang magpaalam sa mga biyenan. Hindi pa siya nakakalabas sa pinto, narinig na niya ang iyak ng kanyang anak. Nais niyang pigilan ang kanyang paghakbang. Nais niyang ibitin ang kanyang pag-alis, pero hindi niya ginawa. Ang paglayo niya ang paraan para mabuo niya ang kanyang pamilya. Si Baby naman ang dahilan ng kanyang pagtakas sa realidad. Siya rin ang dahilan kung bakit niya kailangang bumalik sa lalong madaling panahon.

Pasan niya ang kanyang backpack, sinikap niyang isarado ang puso para sa awa niya kay Baby. Lumayo siya sa bahay ng kanyang mga biyenan, pagkatapos niyang magalang na nagpaalam. Hindi naman nag-usisa ang mag-asawa.

Bitbit ang malaking pag-asa na babalik ang dati niyang lakas at katawan, sumakay siya ng dyip patungong Cubao. Sa kakarampot na halagang nasa bulsa niya, alam niyang malayo ang mararating niya. Simula nang magsama sila ni Lorenzana, nasanay na siyang pagkasyahin ang maliit na badyet para sa malaking pangangailangan.

Sa terminal, isang mainit na kamay ang dumampi sa balikat ni Daniel, habang siya ay naghihintay ng bus patungong Batangas.

"Mommy?" Hindi niya alam na pupunta rin pala doon ang ina. "Bakit po nandito kayo?"

"Ihahatid kita..." Ngumiti muna si Mommy Nimfa. Pagkatapos ay may dinukot sa kanyang bag. "Gusto kong maging konektado ka pa rin sa iyong mag-ina." Iniabot niya kay Daniel ang isang box.

Napa-wow ang mga labi ni Daniel. "Cellphone! Thank you, Mommy! Kailangan ko talaga ito!"

"Huwag mo na lang sasabihin sa mga kapatid mo, lalo na kay Donald..."

"Opo!" Binuksan niya na ito.

Pinagmasdan siya ni Mommy Nimfa. Hindi naman napansin ni Daniel ang mga luhang tumulo sa pisngi ng ina, na agad naman nitong napahiran. Luha iyon ng pinaghalong kalungkutan at kabiguan. Sa palagay niya, iyon na ang pinakatulong niya para hindi masira ang relasyon ng anak sa mag-ina nito.

Naisalpak na ni Daniel ang dati niyang simcard sa bago niyang cellphone, nang tumingin siya sa kanyang ina.

"Nagustuhan mo ba? mabilis na tanong ng ina.

"Siyempre po! Hindi naman po sa akin mahalaga ang mamahaling cellphone. Makontak ko lang ang mga kaibigan ko, na maaaring makatulong sa akin para makapasok ako sa trabaho, okay na 'yun..."

"Huwag mong kakaligtaang tawagan at kausapin si Baby. Kailangang hindi ka niya makalimutan..."

Tumango-tango lang si Daniel. Hindi niya maaaring kalimutan ang bagay na iyon.

"Mabuti kanga ma, Daniel, gaya ng Daddy mo..."

Napatinging muli si Daniel sa ina.

"Anak, gawing tulay ang mga masasakit na pangyayari s abuhay mo. Kung ang mapait na kape nga ay naiinom natin, bakit hindi natin kakayaning pasanin ang masaklap na buhay? I know, you can do it, Daniel."

"Yes, Mom... Thank you!" Niyakap niya ang kanyang ina, saka siya sumakay sa bus.

Natanaw pa ni Daniel ang ina nang makaupo na siya. Kumaway pa ito sa kanya at nabasa niya ang pagsabi nito ng 'Ingat,' bago umalis.

Punong-puno ng pag-asa ang puso ni Daniel nang lumarga ang bus.

Isangmalalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya bago niya ipinikit ang kanyang mga mata.

"Sumama ka sa bahay. Pagagalitan ako ng mga magulang ko kapag wala akong kasama pag-uwi," natatarantang sabi ni Lorenzana. Naalala niya ang pagsakay nila ng bus pauwi noong nag-out-of-town sila, kasama ang mga common friends.

"Ihahatid kita. But, I'll go home. Ako naman ang mayayari kina Mommy at Daddy, to think na hindi na nga ako umattend sa graduation."

"Pagkatapos mong magpakasarap, tatakasan mo ako? Anong klaseng lalaki ka?"

"Hindi kita tatakasan. Unawain mo naman ako. Hindi pa naman buo, a!"

"A, ganun? Kailangan bang mabuo muna, bago mo ako panagutan?"

"Oo!"

Ipinaghahampas ni Lorenzana ang balikat ni Daniel.

Napadilat siya. "Hindi ako tatakas, Lorenzana," aniya sa kanyang sarili. Saka namang pagtunog ng kanyang cellphone.



No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...