Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 17

 


Tila nagdilim ang kabahayan nina Daniel nang wala na si Baby. Lalo naman niyang naramdaman ang panlalamig kay Lorenzana. Hindi na nga niya matututuhang mahalin ang asawa.

Nanginginig ang mga kalamnan ni Daniel nang tinungo niya ang kusina. Gusto niyang magkape, kaya nagsalin siya ng coffee granules sa tasa. Nahulog pa ang dalawang butil dahil sa tindi ng pagnginginig ng kamay niya. Kaya, maingat na naglagay siya ng kalahating kutsarita ng asukal. Then, binuhusan niya iyon ng mainit na tubig mula sa thermo. Napatakan ng kaunting tubig ang granules sa lapag ng countertop. Pagkatapos niyang mahalo ang kape, kumuha siya ng paper towel at hinayaang ma-absorb doon ang naghalong tubig at coffee granules. Pagtingin niya, isang mala-anghel na pigura ang kanyang nakikita sa basang paper towel. Napagtanto niyang ang kape ay maaari rin palang maging medyum ng isang obra maestra, gaya ng mapait niyang buhay. Alam niyang mayroon pang pag-asang maging matamis.

Muli niyang na-miss si Baby. Kaya, pagkahigop ng kape, kumuha uli siya ng paper towel. Sa kanyang pag-alala sa mukha ng anak at gamit ang kape ay naiguhit niya ito. Isang kakayahan sa pagguhit surreal na portrait ang kanyang nadiskubre sa sarili. Napagtanto niyang may kalakasan sa kahinaan.

Muli niyang napahalagahan ang silbi ng kape sa kanyang buhay. Dahil dito, marami siyang napag-aalaman tungkol sa kanyang sarili.

Kinabukasan, maagang umalis si Daniel patungo sa bahay ng kanyang biyenan.

Masaya siyang sinalubong ni Baby, kaya kinarga niya ito bago nagmano sa mga magulang ni Lorenzana. Nakatingin lang ang asawa, habang naglalambing ang kanilang anak.

"Miss na miss ka ni Papa," sabi ni Daniel sa anak nang nasa kuwarto na sila. "Miss na miss mo rin ba si Papa?"

"Mis mis Papa!" Ngumiti pa nang kay tamis si Baby, kaya napupog siya ng halik sa leeg ng ama.

Bahagyang napangiti si Lorenzana sa kasiyahan nadarama ng kanyang mag-ama. Paglingon ni Daniel, nahuli niya ang tila naiinggit na ngiti ni Lorenzana.

"Mabuti pa si Baby, may kiss," biro ni Lorenzana.

Sinimangutan siya ni Daniel. "Come to Mama." Pinakawalan niya si Baby. "Kiss Mama..."

Narinig niya ang matunog na halik na ginawa ng anak sa ina.

"Mabuti ka pa, kiniss si Mama," parinig ni Lorenzana.

"Magbabakasyon nga pala ako sa Batangas," sabi ni Daniel, habang namimili ng mga damit na dadalhin.

Ikinagitla iyon ni Lorenzana. "Paano ang gatas ni Baby?"

"Nanay ka niya. Alam kong hindi mo siya pababayaan."

"Daniel naman! Mahiya naman tayo sa mga magulang ko. Gusto ko na ngang umalis dito, e. Hiyang-hiya na ako. Iahon mo kami. Huwag kang tatakas sa responsibilidad mo!" Nanginginig na ang boses ni Lorenzana, pero hindi iyon halos marinig ng mga kasamahan nila sa bahay.

"Kung si Baby lang, kayang-kaya kong buhayin..."

"Paano ako?"

"Tulungan mo ang sarili mo. Hindi ba't makasarili ka? Hindi mo nga ako tinutulungang makabangon sa pagkakalugmok ko, e."

Bumagsak na ang mga luha ni Lorenzana.

"Mahal na mahal ko si Baby. Pero, sa ngayon... ikaw na muna ang bahala. Kailangan ko ring mahalin ang sarili ko. Sa ayaw at sa gusto mo, aalis ako." Nilapitan niya si Baby. Hinalikan niya ito sa noo. "I love you, baby ko." Pagkatapos ay itinago niya ang kanyang mga mata habang nagpapaalam sa mga biyenan. Sa labas na niya pinatulo ang kanyang mga luha.

Iyon na ang ikalawang beses siyang aalis, ngunit iyon na siguro ang pinakamatagal niyang mapapalayo sa kanyang anak. Labag man sa loob niya, pipilitin niya para sa kanyang sarili.

Isa siyang barakong kape na hindi napakuluan nang mabuti, kaya hindi siya mabango sa pang-amoy ng iba. Kailangan niya munang lutuin ang sarili.

"Babalik ako, Baby..." aniya. Ang anak pa rin ang nasa isip at puso niya.



No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...