Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 25

 Bawat pagpala ni Daniel ng buhangin, si Baby ang nasa isip niya. Kailangan niyang maging malakas. Kailangan niyang gawin iyon, bumaba man siya sa level ng kanyang pinag-aralan. Para sa kanya, hindi na mahalaga ang edukasyon sa panahon ngayon. Diskarte na lang sa buhay ang nararapat niyang isipin.

"Salamat, Celso, hindi mo sinabing engineering graduate ako," ani Daniel sa kaibigan habang nagmemeryenda sila.

"Ayos lang, par. Saka, ano naman kung graduate ka? Ang mahalaga, kaya mong gawin ang ibinigay na trabaho sa'yo."

"Nagawa ko ba nang tama, par?" alangang tanong ni Daniel.

Humagalpak muna ng tawa si Celso. "Mabuti kamo, hindi nakatingin masyado sa'yo ang foreman..."

"Bakit?"

"Par, ngayon ka lang ba nakahawak ng pala?" Natatawa pa rin si Celso.

"Hindi naman..."

"Bigat na bigat ka kasi, e."

Medyo nainsulto si Daniel, pero hindi niya iyon ipinahalata sa kaibigan. Tama naman kasi ang obserbasyon nito sa kanya.

"Ayos lang 'yan, par. Masasanay ka rin. Parang kape lang 'yan..."

Napatingin si Daniel sa sumeryosong kaibigan.

"Nasanay na tayong uminom," patuloy ni Celso, " kahit mainit ang panahon."

Napangiti si Daniel. At napahigop tuloy siya sa kanyang kape.

"Tama ka, par. Masasanay rin ako."

Sa maghapong pagtratrabaho ni Daniel, nakadama man siya ng kasiyahan sa kanyang puso dahil kahit paano ay may papasok na pera sa kanyang bulsa, ramdam na ramdam naman niya ang sakit sa katawan. Para siyang minaso-maso. Gusto na nga niyang puntahan si Celso upang sabihing ayaw na niyang magtrabaho, kaya lang nag-text si Lorenzana. Nagtatanong ito kung may pera siya. Pambili raw ng gatas.

Hindi niya kayang isipin na magugutuman si Baby. Ngayong may oportunidad para kumita siya, hindi na rin niya sasayangin.

Nangutang siya ng P500 kay Ate Remy at ipinadala niya ito. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya at mataas na pag-asa na makakaahon siya sa sitwasyong ito, pagkatapos niyang masiguro na natanggap at naibili ni Lorenzana ng gatas ang kanilang anak. Inasam rin niya na sana mapagtanto ng asawa niya na kailangan nitong magkaroon ng trabaho, sa loob o labas ng bansa. Hindi sila habang buhay na ganito.

Sa ilang araw na pagtratrabaho ni Daniel sa construction, tila nagagamay na niya ang mga mabibigat na trabaho. Hindi na rin siya masyadong nakakaramdam ng sakit ng katawan. Lalo namang lumakas ang kain niya.

"Miz n kTa," text ni Pamela.

Hindi naman nakapag-reply si Daniel dahil wala siyang load. Isa pa ay nasa trabaho siya.

Nagtanong pa ang best friend niya kung ano ang pinagkakaabalahan niya ngayon at kailan siya dadalaw sa bahay nito. Ang totoo, nasasaktan pa rin siya. Hindi niya pa kayang harapin si Pamela. At, lalo siyang hindi magugustuhan ngayong isa lamang siyang construction worker. Naisip niyang masanay na lamang sa mapait na kape kaysa uminom na matamis nga, pero hindi naman nakakabuti sa kanyang buhay. Sisikapin na lamang niyang maging maayos ang relasyon nila ni Lorenzana. Ayaw naman niyang kumuha ng bato na ipampupukpok niya sa kanyang ulo. Tama na ang isang pagkakamali.

Na-miss niyang bigla si Lorenzana. Naalala niya ang mga sandali na masaya sila.

"Beh, hawakan mo... dali!" tawag ni Lorenzana kay Daniel, habang sila ay nanunuod ng telebisyon.

Agad namang hinawakan ni Daniel ang tiyan ng asawa at nakiramdam. Ilang segundo lang ang lumipas, tila nakipag-apiran sa kanya ang sanggol sa sinapupunan ni Lorenzana.

"Wow! Sinipa niya ako." Walang mapagsidlan ang ligayang nadama ni Daniel. Hinalikan niya pa ang tiyan ng asawa. "Baby ko, excited na kami ni Mama mo sa paglabas mo." Pagkatapos, niyakap niya ang asawa. "Gusto ko, lalaki ang baby natin."

"Anong ipapangalan natin kung lalaki ito?"

Saglit na nag-isip si Daniel. "Ipaghahalo natin ang mga pangalan natin..."

"Like what?"

"Danilo!"

Napuno ng tawanan ang sala nila.

"Grabe ka naman, Beh! Wala na bang iba? Huwag na nga lang nating paghaluin ang names natin," ani Lorenzana.

"Sige. Sige... Sean na nga lang."

"Ang ikli. Dagdagan natin."

"Okay!" Nag-isip uli si Daniel. "Howard! Sean Howard!"

"Ang ganda! Sige, 'yan na lang."

Hinipo uli ni Daniel ang tiyan ng asawa at kinausap ang anak. "Sean Howard, kumusta ka diyan? Tatlong buwan na lang, lalabas ka na. I love you, baby!" Kiniss niya uli ito.

Napangiti si Daniel sa alaalang iyon. Hindi niya maunawaan ang kanyang sarili. Ayaw man niya noong maniwala sa kasabihang "Absence makes the heart grow fonder," nais na niyang maniwala ngayon. Hindi niya maaaring dayain ang kanyang sarili. 


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...