Followers

Saturday, May 11, 2024

Ang Aking Journal -- Setyembre 2022

 Setyembre 1, 2022

Inistorbo ni Herming ang tulog ko kaya maaga akong nagising. Okay lang naman dahil may meeting kaming PM teachers with the principal bandang 10 am.

Naghanda ako agad ng almusal, pero biglang bumuhos ang malakas na ulan. Akala ko pumasok na ang bagyong Henry. Nag-abang tuloy ako ng suspension. Kaya lang, wala. Naisip ko na lang tuloy na hindi na lang ako dadalo sa meeting o magpapahuli ako.

Past 11 na ako nakarating sa school at nakadalo sa LAC session. Worth it naman kasi may pa-burger si Ma'am Lea. Kaya lang, after discussion na ako sa aking first period ako nakakain ng lunch.

Natuwa ako ng mga estudyante. Gustong-gusto nila ang storytelling ko. Na-inspire ko na sila.

Kaya lang, pagdating ng discussion ng totoong lesson, ayaw na nila. Pahirapan nang makakuha ng atensiyon. Marami kasi talaga ang poor readers pa. Mas lamang pa sa fast readers. Kaya naman, naisip kong gawing regular ang storytelling. Magpapabasa na lang ako before and after. Then, magpapasulat ako sa pamamagitan ng mga Wh-questions, na sasagutin nila sa sariling salita o pangungusap.

Nakakapagod man, pero paid off naman kasi alam kong epektibo sa kanila. Ngayong araw, masaya akong umuwi sa bahay dahil marami akong na-inspire, napatuto, at natutuhan sa kanila.

Setyembre 2, 2022

Kahit maaga akong ginising ni Herming, alas-7 na ako bumangon. Pagbangon ko, agad akong nagsaing at nag-init ng tubig. Habang naghihintay, nag-download ako ng mga YT videos na kailangan ko sa pagpapabasa sa mga estudyante.

Before 9, bumiyahe na ako. Sa bus na ako naabutan ng ulan. Pagdating sa Pasay, wala pa namang ulan. Mukhang hindi rin umulan kagabi.

Tagumpay naman ang pagpapabasa ko at pagpapasulat sa mga estudyanteng nasa Set A. May nadiskubre pa akong mga little teachers. Tinulungan nila ako sa pagpapabasa sa kanilang mga kaklase.

Inspired na inspired sana akong magpabasa kahit sa susunod na set ng klase, pero biglang naglaho nang ianunsiyong suspended na ang klase dahil sa bagyong Henry. Paakyat na kami niyon. Sayang ang pagpasok ng Set B.

Setyembre 3, 2022

Paggising ko, nakaalis na ang aking mag-ina. Nasa FVP office na naman sila. Solo ko na naman ang bahay.

Naglaba ako ngayong araw kahit maulan. Then, ginawa ko ang Reunification Form, Masterlist, LIS Enrolment, at Nutritional Status. Halos maghapon akong nakaharap sa laptop. Past 2 to past 3, umidlip lang ako.

Past 7, dumating ang aking mag-ina. Almost done na ang mga records at reports ko.

Bago matulog, nagsulat ako ng para sa Wattpad.

Setyembre 4, 2022

Maaga akong nagsimulang mag-input ng data sa mga ipapasang masterlist sa Guidance's office, clinic, at SDRRMC. Nakakainis lang dahil hindi pa rin 100% na nagpasa ng pictures ang mga magulang.

Nag-digital illustrate din ako habang naghihintay sa mga magulang. Nang makatapos ako ng dalawang pahina, tumigil na ako. Nanood naman ako ng vlogs ni Promdi Boy. Nakakatakam ang mga niluluto niyang pagkain, na mula sa kaniyang bakuran at paligid.

Setyembre 5, 2022

Before 11, nasa school na ako. Inagahan ko kasi may meeting kaming Grade 4 teachers sa HRPTA presidents namin.

Past 11 na nakapagsimula, kasi kulang pa ang parents. Okay lang naman dahil mabilis.lang natapos. Past 11:30, nagla-lunch na ako, kasama ang ilang mga kaTupa.

Inspired akong magturo sa bawat klase kahit lutang ang ilang section. Natutuwa ako sa Set A ng Pinya dahil kahit may isang special child na babae, very active siya sa recitation. Favorite niya raw ako. Gustong-gusto niya ang storytelling ko.

Ang Buko naman, pagod na sa panonood ng video kapag MAPEH period. Ako rin naman pagod na. Saka hindi ko forte ito, kaya hindi ako masayang nagtuturo nito.

Past 8:30, nakauwi na ako. Gutom na gutom ako kaya halos maubos ko ang kanina sa rice cooker. Naubos ko naman ang gulay at dinuguan.

Setyembre 6, 2022

Before 9, bumiyahe na ako. Maaga kasi akong nagising at nakapaghanda. Past 11, nasa school na ako. Naka-join ako kina Ma'am Joan R, Cinderalla, Puts, at Papang sa kanilang tawanan, gayundin sa pagkain ng lunch. Doon na kami naabutan ng time.

Second day ng pagtuturo ng learning objectives. Nakakasawa pero pinilit kong magturo nang masaya. Hindi ko sinayang ang bawat sandali na ma-inspire sila. Malaki kasi ang problema sa pagbabasa, kaya kailangan kong mag-double time and effort para makaahon sila.

Nakakapagod lang ang Buko sa paulit-ulit na pagbibigay ng direksiyon. Naipaliwanag ko nang husto, magtatanong pa uli. Buwisit!

Setyembre 7, 2022

After lunch, na kasalo sina Ma'am Joan R, Cinderella, at Puts, dumating si Ma'am Lea para magtanong kung sino ang may reading materials para sa monitoring bukas sa LR. Tinuro nila ako. Hayun! Naibida ko tuloy ang mga published books and modules ko, saka ang mga digital illustrations. Magpasa raw ako para bukas. Pinapunta niya rin ako nang maaga bukas--mga 8am.

Natuwa naman ako dahil mabibigyan na ngayon ng pansin ang potential ko. Kinausap din ako ni Mareng Lorie at Ma'am Jan tungkol dito.

Maayos naman ang pagtuturo ko sa Filipino, kaya lang hindi ako natuwa sa ginawi ng Mangga Set A. Na-distract ako, kaya hayun nanermon na lang ako.

Before 9, nasa bahay na ako. Pagod na pagod ako, pero masaya akong humarap sa mag-ina ko.

Setyembre 8, 2022

Bandang 3am, nagising ako at hindi na muling nakatulog. Na-excite ako sa mga mangyayari.

Past 8, nasa school na ako. Nauna pa akonsa mga supervisors. Actually past 10 na sila dumating.

Grabe! Natuwa sila sa mga inilatag kong learning materials. Hinarap ako nina Ma'am Martino, Ma'am Mina, at Ma'am Cadayona. Humanga sila sa akin, kaya nais nilang maging MT ako. Nasabi ko rin tuloy ang pagtatampo ko sa dating school head dahil hindi ko nailabas ang potential ko as writer. Ramdam ko ang pangangailangan nila sa talent ko. In fact, marami na ang nakaabang na activties, kasama sila. Babalikan nila ako para kausapin.

Masaya akong nagturo sa tatlong sections. may magandang epekto ang mga nangyari sa Technical Assistance kanina. Pero, pagdating na naman sa Mangga, nasira, nawala. Nanermon uli ako dahil may mga ginagawa ang iba habang nagtuturo ako.

Past 8:30, dumating ako sa bahay. Masaya kong ibinahagi sa aking mag-ina ang aking karanasan ngayong araw.

Setyembre 9, 2022

Past 9 na ako nakaalis sa bahay kasi late na ako nagplantsa ng polo at nagtahi pa ako ng butones niyon. Hindi naman ako na-late.

Nagturo ako ng writing at reading sa Set A. Naging maayos naman. Sa Set B naman, okay na sana kaya lang, nagpasaway ang mga boys. Nagsermon na lang ako.

Past 10:30 na ako nakauwi. Tumambay muna ako sa PITX at nagpahupa ng dagsa ng pasahero. Sobrang haba ng pila! Ni-treat ko naman ang sarili ng ichiban ramen. Mahal, pero masarap. Hindi na tuloy ako nakakain ng kanin pagdating ko sa bahay. Kaya lang parang nasobrahan naman sa spice ang ramen.

Setyembre 10, 2022

Pagkatapos maglaba, lalong sumakit ang katawan ko. Masakit na paggising ko. Sign of aging na yata ito. Maghapon akong nagpahinga. Hindi muna ako gumawa ng mga schoolwork.

Past 4, dumating na ang masahista na chinat ko. Kahit paano, naibsan ang sakit ng katawan ko.

Past 6, nagkaroon ng online meeting ang cooperative namin sa school. Marami ang napag-usapan. Isa na roon ang pagpapasa ng canteen operation sa school head.

Setyembre 11, 2022

Hindi pa ako nag-aalmusal, ang paghahanda ng learning material na ang inasikaso ko. Gusto kong wala na akong proproblemahin before lunch. Isa pa, niyaya ako ni Bernard na bumisita sa kanila.

Past 2, bumiyahe na ako patungo sa Istana, kung saan nakatira si Bernard. Ipinagluto niya ako ng pancake. Hindi lang ordinaryong pancake ang inihanda niya. Mas masarap kasi may sliced bananas at apples pa, not to mention the maple syrup.

Nagkuwentuhan kami then naglaro ng Playstation. Sarap tumambay sa room niya kasi ang lamig. Ang sarap sigurong matulog doon.

Past 8:30, umuwi na ako. Worth it ang last weekend ko. Ready na bukas sa panibagong pakikibaka.

Setyembre 12, 2022

Maaga akong nagising dahil sa panaginip. Okay lang dahil kailangan kong ihanda ang schedule ng Amplified Numeracy Assessment (ANA). Nagawa ko naman pagkatapos kong magplantsa.

Past 11, nasa school na ako. Parang wala pa akong motivation para magturo. In fact, nang magsimula na ang klase ko sa IV-Buko, hindi ko na lang pinahalata sa hindi pa ako ready.

Sinikap kong maging jolly sa araw na ito sa bawat section. Mabuti na lang inspiring ang IV-Pinya nasa Set A ang mga pupils na love na love ako. Attentive sila kapag nagtuturo ako.

Ang nakakatuwa ngayong araw, binigyan nila ako ng mga sulat. Parang napaaga ang Teacher's Day. Ako raw ang favorite teacher nila. Ako raw ang the best teacher. Nakakataba ng puso. Sumigla tuloy akong bigla.

Maayos naman ang mga discussions ko. Hindi nga lang ako kasing-jolly noong Huwebes. Naaasar kasi ako sa ANA. Parang masyadong abala ang mga guro. Imagine, kailangan naming pumasok bulas ng 10am para sa test ng mga bata sa school, kasi hindi lahat ay may kakayahang mag-test sa bahay.

Past 8:30, nakauwi na ako. Maaga-aga ngayon ang dating ko. Walang traffic masyado.

Setyembre 13, 2022

Five-thirty, tumunog na ang alarm. Agad din akong bumangon para maghanda sa pag-alis. Kailangan kong makarating sa school ng bago mag-10 am kasi may 6 na bata akong pupunta para sa Amplified Numeracy Test (ANA).

Nakarating naman ako on time. Nagsimula din kami pagkatapos ng ilang minuto, pagdating ko.

Walang magandang nangyari sa online test. Bukod sa mabagal ang net, mabagal din ang system ng ANA. Nakapagsimula nang magsagot ang ilang bata nang biglang nag-error. Nasayang ang 2 oras namin. Nakakainis lang!

Maayos naman ang discussions at story-telling ko sa mga estudyante. May mangilan-ngilang disturbed, pero mas marami ang interested. Nakakapagod man ang kakasalita, pero enjoy ako kasi marami akong napapatuto at nai-inspire.

Setyembre 14, 2022

Naiinis ako sa rayuma ko. Ang sakit ng likod ko tuwing madaling araw. Kaya naman wala pang 5, gising na ako. Past 6, bumangon na ako kasi hindi na ako makatulog. Nagplantsa na lang ako ng isusuot ko.

Maaga na tuloy akong bumiyahe paluwas ng Cavite. Maaga rin akong nakapag-lunch.

Naging maayos ang turo ko ngayong buong araw. Maganda kasi ang springboard ko. Nagustuhan nilang lahat.

Hindi ko lang talaga gusto ang pagpapasaway ng IV-Buko. Idagdag pa ang paulit-ulit nilang tanong.

Eight-thirty, nasa bahay na ako. Basang-basa ang shoes at pants ko nang dumating ako. Bigla ba naman kasing bumuhos ang malakas na ulan habang nasa tricycle ako.

Setyembre 15, 2022

Gaya kahapon, maaga na naman akong nagising. Ang sakit ng likod ko. Parang rayuma talaga. Lagi tuloy akong kulang sa tulog.

Kahit kulang sa tulog, hindi naman nagkukulang ang drive and motivation ko para magturo. Masaya at bigay na bigay ako sa pagtuturo sa lahat ng section. Nakatutuwa dahil nakukuha ko ang atensiyon nila dahil sa kuwentong binabasa ko sa kanila. Napasulat ko rin ng tula ang iba sa kanila.

Before 9, nakauwi na ako. Hindi naman ako masyadong gutom nang nasa bahay na ako. Okay lang din ang biyahe. Hindi ako masyadong stress. Thanks, God!

Setyembre 16, 2022

Pineste na naman ako ng rayuma kaya past 6, gising na ako. Maaga rin akong nakaalis sa bahay. Medyo na-traffic nga lang kaya past 11 na ako nakarating sa school.

Dahil Friday, walang palitan ng klase. Magsulat at nagpabasa lang ako sa dalawang set ng klase . Mas napapagod ako kapag ganito ang set-up. Ang tagal ng oras. Nakakasawa ang mga bata. Kay iiksi ng attention span nila, kaya pasaway nang pasaway.

Dahil Friday ngayon at rush hour pa, mahaba na naman ang pila sa bus. Hindi muna ako pumila. Sa halip, nag-dinner ako sa isang Chinese fast food chain.

Past 10 na ako nakarating sa bahay. Kararating-rating lang din ng aking mag-ina na mula sa FVP office.

Setyembre 17, 2022

Namilipit na naman ako sa sakit dahil sa lamig-lamig ko sa likod. Hindi kinaya ng Katinko.

Kahit masakit ang likod, naglaba ako. Kaunti lang naman ang labahan ko, kaya natapos ko bandang 10:30 am. Nakaalis na noon sina Emily at Ion.

Hapon, after lunch umidlip ako. Dahil sa pagod, nakatulog yata ako kahit paano.

Gabi, naghanda ako ng visual aid para sa Lunes. Pagkatapos naisipan kong ituloy ang digital illustration. Wala ako sa mood kaya tumigil din ako agad.

Antok na antok na ako after dinner. Hindi naman ako makatulog dahil kailangan ko pang hintayin ang mag-ina ko.

Ngayong gabi, nag-chat si Hanna. Nagihingi siya ng pambili ng gamit. Face-to-face na raw sila sa October 1. Ako na rin daw ang bahala sa kaniyang monthly allowance. Bigla akong namoblema, pero malakas ang loob ko kasi naniniwala akong God is the greatest provider. Magdadagdag na lang ako ng mga raket.

Nasabi ko rin kay Hanna na kulang na kulang na sa ngayon pa lang ang sahod ko, kaya kaunting tiis na lang muna siya. Sinabi ko ring sa college niya, dito na siya titira sa akin para isa lang ang budget at hindi na hiwa-hiwalay.

Past 10:30 na dumating ang mag-ina ko. Mabuti na lang, hindi pa malalim ang tulog ko.

Setyembre 18, 2022

Pagkatapos kong bumili ng cat food at cat litter, nagpaalam ako kay Emily na aalis ako. Pupunta ako sa kaibigan ko sa Kawit. Pumayag naman siya agad.

Past 11, patungo na ako sa Kawit.

Past 12, nasa boarding house na ako ng kaibigan ko. Habang nagsasaing siya, nagkuwentuhan kami.

Before 3, umalis na ako roon. Sa Robinson's Tejero naman ako tumambay. Nagsulat ako roon para sa Wattpad. Kahit paano, humaba ang Chapter 32.

Pag-uwi ko, parang pagod na pagod ako, kaya nagpahinga muna ako sa kuwarto pagkatapos magkape. Nang okay na ako, nagsulat uli ako.

Setyembre 19, 2022

Dahil sa rayuma, kulang na naman ako sa tulog. Five-thirty, gising na ako at iniinda ang sakit. Nagpi-pray nga ako na sana i-suspend ang klase ngayong araw para makapagpahilot ako.

Bumangon ako bandang past 6:30 para maghanda sa pagpasok. Nagdadalawang-isip akong pumasok. Kung hindi suspended ang klase, aabsent na lang ako. Kaya lang, nanghinayang ako.

Past 11, nasa school na ako. Umuulan na sa mga oras na iyon. Hiniling ko na sana mag-suspend para makauwi ako't makapagpahilot.

Walang suspension. Wala pa naman ako sa mood magturo kaya kaunting pagpapasaway lang ng mga estudyante, nagagalit na ako. Isa pa, wala sila sa ulirat. Mga lutang! Ang Buko, ayaw magsalita. Ang Avocado, kung ano-ano ang sagot at kay hihina ng boses. Ang Guyabano, naglabasan para umihi. Naghiyawan pa sa hagdan. Ang Pinya, walang focus. Mabuti ang Mangga, attentive at participative. Naisagawa ko nang maayos ang lesson ko. Sayang, last period na sila.

Past 8:30, nasa bahay na ako. Medyo inabutan ako ng ulan sa biyahe. Mabuti, hindi gaanong malakas.

Setyembre 20, 2022

Kahit tinatamad akong pumasok at nagdadalawang-isip dahil baka mag-suspend ng klase ang Pasay, pumasok pa rin ako. Before 11, nasa school na ako. Past 11, suspended ang ang panghapong klase. Nanghinayang ako sa gastos ko sa pamasahe at sa ulam kong binili. Eighty pesos pa naman ang kare-kare. Sana sinunod ko na lang ang instinct ko. Nakapagpahilot na rin sana ako.

Past 1, after kumain, umuwi na ako. Past 3, nasa bahay na ako. Agad akong nag-stay sa kuwarto ko para magpahinga at matulog. Kaidlip naman ako kahit paano.

Past 5, after meryenda, gumawa ako ng visual aid para bukas. Then, nag-post ako sa Wattpad at Blogger ng ilang akda ko. Then, hinanap ko ang koleksiyon ko ng tula, saka ko ginawan ng PPT. Past 9, almost done ko na. Final touch na lang. Maglalagay ako ng cliparts. Plano kong gumawa ng sarili cliparts. Magagamit ko ito sa mga klase ko sa Filipino.

Setyembre 21, 2021

Parang lumalala ang muscle spasm ko. Sobrang sakit na. Mabuti na lang, marami akong naging panaginip, kaya kahit paano ay nakatutulog ako in between pains.

Before 6, gising na ako. Past 6, bumangon na ako. Past 8:30, umalis na ako sa bahay.

Inilaan ko sa pagsusulat ng tula ang oras ng biyahe ko. Kahit paano, nakarami ako. Tungkol sa mga prutas ang koleksiyon ko ng tula, na aking sinimulan. May dalawang saknong kada tula at may apat na latudtod kada saknong.

Before 11, nasa school na ako.

Naging maayos naman ang pagtuturo ko sa lahat ng sections, sa kabila ng aking nararamdaman. Ramdam kong na-enjoy rin ng mga bata ang aking storytelling/reading aloud.

Gabi, after kong mapauwi ang mga estudyante, kinausap ako ng school head ko. Aniya kalimutan ko na raw ang mga nangyari in the past. Hinikayat din niya akong magpa-promote. Gaya ng mga nasabi ko sa mga supervisors, hindi ako interesado sa leadership.

Nakauwi ako bandang 8:30. Pakiramdaman ko may tama na naman ang kidney ko kasi masakit na naman ang singit ko at puwet ko. Kailangan kong lunasan ito agad.

Nagpalagay naman ako kay Emily ng tuba-tuba sa likod ko. Nabasa ko kasi na makatatanggal daw ito ng lamig-lamig.

Setyembre 22, 2022

Pinahirapan na naman ako ng muscle spasm ko sa likod. Tapos, dumagdag pa gout ko sa Achilles. Nahirapan tuloy akong kumilos. At nang papunta na ako sa school, lalo akong nahirapan.

Gayunpaman, hindi iyon naging hadlang para magbago o mawala ang motivation ko para magturo nang maayos sa mga bata. Nagawa ko pa nang magpatawa. Nakakapagod lang talaga ang paulit-ulit na tanong nila.

Sa pag-uwi, para akong lalagnatin sa sakit ng katawan ko. Sabay-sabay na sumakit ang tuhod ko, Achilles ko, at ang likod ko. Mabuti, nakauwi ako agad.

Gusto ko sanang magpahilot kay Emily, pero busy siya sa paghahanda para sa maaga nilang biyahe bukas.

Setyembre 23, 2022

Medyo naistorbo ang tulog ko nang bumangon nang maaga ang mag-ina ko. Mabuti na lang, nakatulog din ako kaagad at nagising bandang alas-6.

Masakit talaga ang likod ko. Nahihirapan akong umunat. Hiniling ko nga na sana suspended din ang mga klase gaya sa Cavite. Kaso, nakapasok na ako, wala namang announcement. Isa pa, imposibleng i-suspend dahil ang init ng panahon.

Kahit may iniinda, humarap ako sa mga klase ako--- Set A at B. Sa Set B, may nag-birthday. Nagpa-Jollibee ang mga magulang. Tuwang-tuwang tuloy ang mga kaklase nila.

Bago mag-8:30, nakauwi na ako. Alam kong hindi uuwi ang mag-ina ko, kaya ako na ang naghanda ng dinner ko.

Setyembre 24, 2022

Seven na ako nagising. Masakit pa rin ang likod ko. Gustuhin ko mang matulog nang matagal, pero hindi na kinaya. Isa pa, kailangan pang maglaba.

Eleven na ako natapos maglaba. Nakakapagod dahil masakit ang likod ko. Past 1 na ako nag-lunch kasi humiga muna ako.

After lunch, nagpaantok ako sa panonood ng YT videos. Nakatulog naman ako kahit paano. Paggising ko, nanood naman ako ng pelikulang Pinoy.

Pagkatapos kong maghapunan, nanood ako ng online tv ng Kapamilya. Kahit paano, na-entertain ako.

Past 9:30 na dumating ang mag-ina ko. Nakahanda naman ang kanilang dinner. Hindi ko na nga lang sila hinarap. Hindi na ako nakipagkuwentuhan. Antok na rin ako.

Setyembre 25, 2022

Grabe! Alas-10:30 na ako nakapag-almusal. Grabe kasi ang mag-ina ko. Hindj talaga sila gumigising nang maaga. Samantalang ako, alas-7 pa lang, gising na. Kung hindi lang. Masakit ang likod ko, makapaghanda ako ng almusal ko.

Before 12, nagpahilot ako kay Emily. Kahit paano nabawasan ang sakit. Napisa niya ang lamig-lamig kahit paano.

Kaya naman, nakaoag-record na ako ng voice over ng 'Mag-aral Tumula.' Hindi ko nga lang natapos dahil maingay ang paligid. Gumawa naman ako ng PPT ng mg koleksiyon ng tula ng mga prutas. Downloaded pictures na lang ang ginamit ko. Hindi ko na magagawang mag-digital illustrate pa.

Hapon, kahit suspended na ang klase bukas, naghanda pa rin ako ng susulatan ko ng reading material ko para sa mga klase ko. Pinagdikit-dikit ko lang ang siyam na bond paper at nilagyan ng art paper na border. Ayos na!

Gabi, nanood ako ng online tv ng Kapamilya. Pagkatapos, nagsulat ako ng mga tula tungkol sa prutas.

Ngayong gabi raw ang landfall ng super bagyong Karding, kaya magiging alerto ako.

Setyembre 26, 2022

Kahit hindi naman gaanong malakas ang bagyo, napuyat pa rin ako. Nais ko ring masigurong ligtas kami sa sakuna. Isa pa, masakit talaga ang likod ko.

Past 7, ginising ko na si Emily para hindi na maulit ang nangyari kahapon. May araw na rin naman.

Kahit masama ang loob niya, bumangon pa rin after 15 minutes. Then, pinahatiran na ako ng almusal, na ako naman ang naghanda kagabi. Kanin at nilagang itlog lang naman. May kape lang. Okay na rin naman.

Nagpahilot uli ako sa kanya. Bumuti-buti ang pakiramdam ko kaya nagdesisyon akong lumabas para mapadalhan ko si Hanna ng P6k, na kainiyang hinihingi para pambili ng gamit at one month allowance. After kong mai-cash in sa 7Eleven, naglakad ako patungol Puregold para bumili ng detergent powder, gatas, at napkin ni Emily. Naglakad din ako pabalik para makatipid.

Pagdating ko sa bahay, nasira ang mood ko kasi nasa kuwarto ang mag-ina ko. Sa haba ng oras na wala ako, wala silang ginawa. Wala pang sinaing. Wala pang ulam. Hayun, nakatikim sila ng masakit na salita sa akin.

Past 1 na ako nakapag-lunch.

Gabi, gumawa ako ng vlog at itinuloy ko ang audio recording. Nai-upload ko rin naman agad ang video sa YT ko.

Then, habang nagpapaantok, nanood ako ng KMJS episodes.

Setyembre 27, 2022

Kahit kulang sa tulog, kinailangan kong bumangon para maghanda sa pagpasok. Ayaw kong tamarin. Gusto kong maging motivated ako palagi, sa kabila ng mga nararamdaman kong sakit-sakit sa katawan.

Muntik na akong madumi sa bus. Kay bagal kasi, saka kay tagal magpuno. Sige ang hinto para magpa-standing. Mabuti na lang umabot pa ako sa PITX.

Past 11, nasa school na ako. Nagawa ko pa ang Nutritional Status ng pupils ko.

Bad trip ako sa advisory class ko. Kay tatamad magbasa. Hindi ko gusto ang study habits nila. Kulang na nga sila sa self-discipline, wala pa silang kusa. Haist! Palagi na lang akong magsesermon.

Parang pagod na pagod ako maghapon. Hindi ko na-enjoy ang halos lahat kong klase. Iba talaga ang mga estudyante ngayon. Ang bilis ma-distract ang attention nila. Hindi nakikinig kaya madalas pinapansin ko sila at pinagsasabihan.

Nakauwi ako bandang past 8:30. Thanks, God!

Setyembre 28, 2022

Gustuhin ko mang um-absent, hindi puwede. Walang kakainin ang pamilya ko. Wala akong maipansusuporta kina Zj at Hanna. Kaya, kahit masakit talaga ang tuhod ko at likod ko, pinilit kong pumasok. Paika-ika na naman ako. At napakabagal maglakad. Okay lang, nakakarating din naman sa paroroonan.

Wala ako sa mood makipagbiruan sa mga estudyante dahil sa iniinda ko. Gayunpaman, sinikap kong matuto sila. Hindi na nga lang ako nag-reading aloud.

Bumuhos ang malakas na ulan nang pauwi na kami, kaya natagalan ako sa sa school. Hindi na ako nakasabay kay Sir Hermie sa motor niya kasi magpapatila pa siya. Blessings naman dahil nakasabay ko si Ma'am Cielene. Nakapagkuwentuhan kami hanggang sa Heritage.

Past nine, nasa bahay na ako. Safe and sound.

Setyembre 29, 2022

Mas nauna pang umalis si Emily kaysa sa akin. Kaya pala maagang gumising. Pupunta raw siya sa Pasig. Doon daw siya matutulog kasi may activity sila.

Nahihirapan na talaga akong maglakad dahil sa magang tuhod ko. Pero mas okay-okay pa ito kaysa noong unang bugso. Kahit paano, maitatago o nadadaya ko ang paika-ika kong lakad.

Naging maayos naman ngayong araw ang pagtuturo ko sa lahat ng sections. Palibhasa, hindi masyadong masakit ang likod ko.

Past 8:30, nasa bahay na ako. May ulam nang binili si Ion, kaya lumantak ako agad.

Setyembre 30, 2022

Maaga akong nakarating sa school sa kabila ng aking nararamdaman. Nakapagturo pa akong magbasa sa mga Grade 4 na maagang pumasok.

Ngayong araw, full classes na. May hint na ako agad kung gaano kahirap i-handle ang Set A and Set B nang magkakasama.

Naging istrikto ako hanggang recess. Panay ang pag-inspire at pagsermon ko. Pero habang may MAPEH kami, tumaas na ang dugo ko. Nagalit na ako at nagsalita ng masasakit--- masasakit man, pero may pinagmulan. Kung ipaparating man nila sa mga magulang nila, kayang-kaya kong depensahan ang sarili ko. Paano ba naman kasi?! Lumabas lang ako nang saglit, nag-ingay na. May sumigaw pa. Kawalan ng disiplina at respeto ang dahilan. Kakulangan din sa disiplina ang dahilan kaya hindi pa makabasa nang maayos ang karamihan.

Kaya, sa Lunes, may pinatatawag o pinapupunta akong dalawang parents. Nais kong magbalita sa kanila tungkol sa mga anak nila.

Past 8:30, nakauwi na ako. 


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...