"Alaagan mo nang husto si Baby, ha?" bilin ni Lorenzana kay Daniel.
Hindi napigil ni Daniel ang sarili, lalo na't nasa kalsada na sila—nag-aabang ng tricycle. "Magulang din ako. Alangan namang pabayaan ko ang anak ko. Wala ka na namang tiwala sa akin, e. Samantalang, puwede naman akong umalis mag-isa..."
"Kasi... malikot si Baby. Bawal malingat sa kanya."
Hindi na sumagot si Daniel. May huminto na kasing traysikel.
"Ba-bye, Baby!" ani Lorenzana. Humalik at kumaway pa ito sa anak. Kumaway naman si Baby.
Sa bahay nila, tila nakahinga si Daniel nang maluwag. Sila lang ng anak niya ang tao doon. Malaya sila. Malaya si Baby na maglakad-lakad o magtakbo-takbo. Napansin niyang tila nakawala rin sa hawla ang kanyang anak.
Inalagaan nga ni Daniel nang husto si Baby. Hindi halos siya kumurap upang hindi mapaano ang anak, na totoo ngang malikot. Gayunpaman, punong-puno ng ligaya ang puso niya lalo na kapag nakikita niyang nakangiti ito at kapag napapatawa niya sa simpleng bagay, gaya ng pag-iiba niya ng boses o kapag pinagsasalita niya kunwari ang stuffed toy.
Noon na lamang naramdamang muli ni Daniel ang ligayang hatid ng pagiging ama. Simula kasi ng isinilang si Baby, kumayod siya nang kumayod. Sa layo ng kanyang trabaho, tulog pa madalas ang anak niya, tuwing aalis siya at tulog na kapag siya ay nakauwi na. Wala na halos siyang panahon na makasama ang anak, kahit Linggo. Gusto nga niyang magpasalamat dahil wala na siyang trabaho ngayon. Gayunpaman, binawi niya ito. Mas hahangarin niya ang trabaho. Kahit paano ay nakikita at nakakasama naman niya ang kanyang mag-ina kapag may hanapbuhay siya.
Pinakain ni Daniel nang pinakain si Baby. Marami ang pagkaing iniwan ni Mommy Nimfa sa ref at cabinet. Hindi sila magugutuman kahit mag-isang linggo sila doon.
Nang makatulog si Baby, saka lamang nakadama ng kalungkutan si Daniel. Bumalik sa alaala niya ang mga nangyari kahapon sa pagitan nila ni Donald. Hindi naman niya sinasadya. Nasaktan lang talaga siya nang husto sa sinabi nito at sa katotohanang noon niya pa lamang nalaman.
Nilapitan niya ang malaking family portrait. Buhay na buhay pa rin doon ang imahe ng kanyang ama. Mga bata at kumpleto pa sila.
"I'm sorry, Dad... I'm sorry. Hindi ko po alam. Hindi ko po alam na... na ako pala... ang dahilan." Pumatak ang luha ni Daniel. Pinahiran niya ang kanyang mata. "Hindi pa nga kita nagawang maging proud sa akin... pero heto po ako, bigo." Hindi niya napansing nabasa ng kanyang luha ang mata ng kanyang ama sa painting nang hipuin niya ito. Para namang ngumiti ang daddy niya pagkatapos niyon. Gumaan ang pakiramdam niya kahit paano. Alam niyang napatawad na siya ng kanyang ama. Hindi niya lang sigurado kung gayon din ang mga kapatid niya, lalo na si Donald. Kailangan niyang bigyan sila ng panahon na makausap. Hindi niya maaaring hayaang wasak ang kanilang samahan. Hindi na niya kaya pang dumagdag ng isa pang bagahe sa puso niya.
Nag-stay si Daniel sa balkonahe. Nais naman niyang namnamin ang sariwang hangin at ang tanawin, lalo na ang magagandang halaman ng kanyang ina, na pinaniniwalaang niyang therapeutic.
"Daniel!" tawag ni Rodney, pinsan ni Daniel. Mas matanda ito sa kanya ng isang taon. Nakasungaw ito sa kanilang gate.
Kumaway lang si Daniel. Hindi niya pa rin nalilimutan ang ginawa dati sa kanya ng pinsan niya.
"Nakita kita. Kumusta? Diyan ka na ba uli? Hiwalay na kayo ni Lorenzana?" Tumawa pa.
"Bakit ba?" Nabuwisit si Daniel.
"Wala naman, 'insan. Nagtatanong lang... kasi hinihintay ko kung kailan mauuntog, e."
Umakyat ang dugo sa ulo ni Daniel. Pero, imbes na magsalita pa. Pumasok na lamang siya. Naibalibag niya ang pinto. Nagising tuloy si Baby.
Hindi niya agad napatahan ang kanyang anak, kaya inaliw niya ito sa labas. Kinanta-kantahan niya at isinayaw-sayaw niya pa para makatulog uli.
Hindi pa nga niya napapatahan si Baby, dumating naman ang tito ni Daniel, na si Uncle Menard. Hinahanap nito si Mommy Nimfa.
"Wala po dito si Mommy. Nasa Batangas," mahinahong sagot ni Daniel.
"Anong nangyari sa'yo? Bakit ang payat mo? Adik ka ba?" Lasing ang kanyang tiyuhin.
Gaya ng dati, natakot siya dito. Ngayon, hindi na lang takot ang naramdaman niya. Inis na.
"Nagkasakit po ako."
"Wow! Ganyan kayo ng ina mo... mga sinungaling!" Umalis na ang kanyang tiyo. Pasuray-suray.
Gustong maiyak ni Daniel. "Kailan ba matatapos ito?" Naitanong niya sa kanyang sarili. Gusto na lang niyang magtago. Gusto na niyang tumakas.
No comments:
Post a Comment