Followers

Thursday, May 23, 2024

Sa Araw ng mga Guro

 

Hindi namin hangad na kami ay hangaan
Respeto lang naman ang aming kailangan
Makinig kayo sa aming mga pangangaral
Pahalagahan ang mga araling puno ng aral.

Hindi niyo kami dapat na binabalewala
Mga aral na hatid namin, bigyang-halaga
Dahil nangangailangan kayo ng grado
Upang makatapos at makapasa kayo.

Hindi kami nag-aral upang inyong yurakan
Gawing tao-tauhan, gawing katatawanan
Sa ating silid-aralan kayo'y panay tambay
Tila walang mga pangarap sa buhay.

Hindi kami nagpapabayad ng edukasyon
Kaya magkaroon ng tiyaga't determinasyon
Katuwang niyo kami, hindi kami katulong
Kaagapay niyo, upang magtamo ng dunong.

Hindi kami barkada niyo, kami ay mga guro
Naghuhulma sa inyong bukas at futuro
Gawin na lang ninyo kaming inspirasyon
Para magtagumpay, guminhawa itong nasyon.

Hindi namin hangad ang regalo sa WTD
Maligaya na kami, maalala lang aming silbi
Bonus na lang kung may pasasalamat
At sa Araw ng mga Guro, kayo'y mamulat.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...