Followers
Saturday, May 11, 2024
Next on Nixon (3)
Inihinto niya ang kotse at binuksan ang salamin nito sa kaniyang kaliwa. "Kuya, may nakita o napansin po ba kayong isang babae?" tanong niya sa hardinera na nasa harap ng malaking bahay. "Naka-pink siyang uniporme ng maid."
"Wala po, Sir!" sagot nito. Dito po ako nakapokus sa ginagawa ko. Doon po kayo magtanong sa DSWD."
"Salamat po sa katarayan ninyo, ah!" Naiinis na pinaharurot ni Nixon ang kaniyang sasakyan. "Ano bang klase ng mga tao, meron ang panahon ngayon? Kung hindi pakialamera, suplada. Kung hindi makitid ang utak... hay buhay!"
Nag-isip siya kung saan siya pupunta. Sa opisina ng kuya niya gustong pumunta, pero naisip niyang maaabala lamang niya ang kapatid. Gayunpaman, nagtalo ang isip niya. Nais niyang ipaalam ang pag-alis ni Yaya Muleng.
Bigla siyang lumiko sa kanto. Muntik na niyang maararo ang cart ng fish ball vendor na nasa gilid ng daan.
Nagmura at nag-bad finger pa ang lalaki. Napangisi na lamang siya. "Dukha! Diyan ka nagtitinda, e. Next time, sasagasaan na talaga kita!"
Nag-aalala siya sa bahay nila. Kung umalis nga si Yaya Muleng, maaaring mapasok ito ng mga kawatan. Binilisan niya ang pagmamaneho para makarating agad siya sa opisina ng kuya niya bago pa ito makauwi.
Isang itim na itim na aso ang bigla na lang tumambad sa harapan ng kotse. Agad niyang tinabig ang manibela upang iwasan ito, ngunit huli na ang lahat.
Mula sa side mirror, nakita niyang tumatakbo palapit sa kaniya ang mga lalaking may hawak na dos por dos at tubo. Nanginginig niyang muling pinaharurot ang kotse. Hindi na nagawa pang makalapit ng mga nangangalit na mga mama.
Tila nabunutan siya ng tinik sa dibdib nang nakaliko siya sa kanan, kaya lang biglang tumirik ang sasakyan niya sa kalagitnaan ng kalsadang papunta na sa opisina ni Kuya Kennedy niya. Twenty meters na lang ang layo. Nahampas niya ang manibela sa sobrang kamalasan.
Nakagawa na ng traffic ang pagkakabalahaw ng kotse. Pinagsisigawan na siya ng mga motorista.
"Tumirik ang kotse ko," sagot niya sa isang matabang driver ng van. "Anong magagawa ko?"
"Driver ka, 'di mo alam! Dig a hole!" sabi nito bago dumiretso.
May nagturo kay Nixon sa isang talyer, kaya pinuntahan niya ito. Asar na asar man sa mga naganap sa kaniya nang araw na iyon ay nagawa pa rin niyang pakiusapan ang mekaniko na unahin ang awto niya. Nakitawag pa siya rito.
"Hello? Can I talk to Mr. Kennedy Robles please?" malambing niyang tanong sa nakatanggap ng tawag niya.
Pinaghintay siya saglit.
"Hello, Kuya? Nasa talyer ako..."
"Ano na naman ang ginawa mo sa kotse ko? Nixon naman! Ginawa mo na lang hobby ang pagsira diyan. Sana sinabi mong kailangan mo ng toy car..."
"Sorry, Kuya."
"Sorry? Is that all? As always? Tuwing makaperwisyo ka, magso-sorry ka lang, ayos na? Nixon naman, hindi ka na bata. Grow up!"
Natigalgal si Nixon. Naisip niyang napuno na sa kaniya ang kuya niya. Dati-rati naman, kahit nagkakasala siya, malambing pa rin sa kaniya ang kapatid niya.
Nag-echo sa tainga niya ang mga salitang huling tinuran ni Kennedy. "Hindi ka na bata. Grow up!"
"Hello!? Hello, Nixon?! Saan ka? Saang talyer ka?"
Saka lamang siya natauhan.
---------
Alas-sais na nang dumating si Kennedy sa talyer. Hindi pa rin ayos ang sasakyan.
Naipaliwanag na ni Nixon sa kuya niya ang buong pangyayari. Hindi na niya sinabi ang tungkol sa kaniyang propesor. Sinimulan niya ang kuwento tungkol sa paglalayas ni Yaya Muleng.
"Why did you leave the house? Are you crazy? Lumayas pala, umalis ka rin!" Mataas na ang boses ng kuya. Hindi na ito mapakali.
"Sinundan ko nga siya at hinanap."
"Damn! Hinanap? Nakarating ka pa rito? You are not acting your age, Nixon!" Tumalikod na ito at nagmamadaling binuksan ang kotse. "I've gotta go! Malilintikan ka na naman nito kay Daddy!"
Hindi siya natakot sa tinuran ng kuya. Mas natakot siya sa pagkayamot nito. For the first time, ginanon siya ng kapatid. Naisip niya tuloy na may LQ rin ito sa girlfriend nito.
Isang oras pa siyang naghintay bago naayos ang kotse.
Bukod sa gutom, iba ang nararamdaman ni Nixon sa mga oras na iyon. Tila nangangati ang mga paa niya. Gusto niyang takasan ang mga kaguluhang dinulot niya sa bahay nila. Bantulot naman siyang tawagan ang kuya niya sa bahay dahil sigurado na siyang makakatikim na naman siya ng pagalit.
Habang kumakain, nagdesisyon siyang magpalipas ng gabi sa kung saan siya datnan ng antok, tutal may laman pa naman ang credit card niya.
Sa isang karaoke bar sa Antipolo siya dinala ng manibela niyang walang direksiyon. Pipitsugin lamang iyon kung ikukumpara sa mga night club na pinunpuntahan niya kapag gusto niyang mag-unwind.
Pagkababa pa lamang niya sa kotse, sinalubong na agad siya ng mga babaeng maiiksi ang damit at makakapal ang makeup.
"Sir, sa akin ka liligaya," bati ng isa. Ikinalawit pa nito ang kamay sa baywang ni Nixon.
"Hayaan mo siyang mamili!" sabi naman ng isa, na medyo mataba. " Bakit ikaw lang ba ang puwedeng magpaligaya sa kan'ya?" Tinanggal nito ang kamay ng kasama sa baywang ni Nixon.
"P*ta! Mang-aagaw!" Sinabunutan nito ang chubby na kapwa GRO.
Nagsabunutan ang dalawa. Si Nixon, natawa na lang bago siya pumasok.
Sinalubong at inistima naman siya ng baklang floor manager habang paminsan-minsang nananantsing. Sa pandalawang table siya nito dinala at pinaupo.
"Sir, anong brand niyo? Marami rin akong babae rito. May sariwa," sabi nito na tila nakakapang-engganyo.
"Dalawang beer lang."
Sa sobrang lakas ng volume ng karaoke, halos hindi siya narinig ng floor manager. Inulit niya pa iyon.
"Dalawang beer? Okay! Kung gusto mo ng ligaya, sabihin mo lang, ha?" Hinaplos pa ng bakla ang panga ni Nixon, gayundin ang kaniyang dibdib.
Ilang minuto lang ang lumipas, nilapag na ng isang mahinhin at mahiyaing GRO ang dalawang bote ng beer, baso, tissue, at bucket ng ice tubes.
"Anything, Sir?" tanong ng babae. Pilit pa nitong ibinababa ang laylayan ng maiksing palda nito.
Tiningnan siya ni Nixon mula mukha hanggang binti. Makinis. Maputi. Mukhang sariwa. Naisaloob niya. Bata pa. Ang tantiya niya ay nasa dise-otso pa lang.
"Ikaw."
"Po?"
"Gusto kitang i-table," malakas na sambit ni Nixon. "Puwede ka ba?"
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Ang Pinakamasamang Kuya
Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...
-
Sorsogon, Isang Destinasyon Ang Sorsogon ay hindi magpapahuli sa kagandahan ng tanawin, at kalinisan na mga dalampasigan, bundok at kapaligi...
-
MGA BAGONG SALAWIKAIN TUNGKOL SA PERA Ang pera, ginagamit para makapagpaligaya, pero ang ligaya, 'di ginagamit para magkapera. An...
No comments:
Post a Comment