Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 4

 


Hinalo-halo ni Mommy Nimfa ang instant coffee, pagkatapos niyang buhusan ng mainit na mainit na tubig. Kumawala ang mabangong amoy nito at pinuno ang kanilang dining area.

"Here's your coffee!" Masayang nilapag ng ina ang tasa ng kape sa harap ni Daniel.

Ninamnam ni Daniel ang aroma nito, saka siya maingat na humigop. Sa wakas, sumayad na naman sa lalamunan niya ang paborito niyang inumin. Guminhawa lalo ang kanyang sikmura. At tila ba namulat ang kanyang pagkatao. Nalimutan niya ang kirot na matagal na nagpahirap sa kanya sa tahanan ng kanyang asawa at mga biyenan. Pumalit ang magagandang alaala na nabuo niya sa hapag na iyon.

"Masarap ang kape... " pagsisimula ni Mommy Nimfa. "Noong bata pa ako, madalas akong utusan ng Daddy ko, na timplahan ko siya ng kape. Madalas, nasasabihan niya ako na puwede na raw akong mag-asawa." Bahagyang sumilay ang ngiti sa labi niya. "Hindi ko pa iyon noon nauunawaan, pero tuwang-tuwa ako na napupuri ako ng magulang ko sa simpleng bagay na iyon."

Muling humigop ng kape si Daniel. Lalong lumilinaw sa kanya ang dahilan ng pag-uwi niya. Aniya, si Mommy pala ang gagamot sa malalim na sugat sa kanyang puso.

Nakatatlong higop pa siya bago muling nagsalita si Mommy Nimfa. "Alam mo ba kung bakit hindi kita inutusang magtimpla ng kape ko noong bata ka pa?"

Tumingin lamang si Daniel sa ina. Ang mga mata niya ang nagtanong.

"Ayaw namin ng Daddy mo, na kayong magkakapatid ay makapag-asawa agad nang maaga. Hangad namin ang magandang kinabukasan ng bawat isa sa inyo. Pinalaki namin kayo nang mabuti para ihanda sa inyong pagsasarili at pagpapamilya..."

Napahigop na uli si Daniel sa lumalamig niyang kape. Nakadalawang higop siya. Lumabo yata ang nais iparating ng kanyang ina.

"Ang kape ay parang pag-aasawa. Mapait. Minsan, matamis. Nakakabuhay. Pero, anak, lalamig at lalamig ang kape kapag hindi mo nainom agad..."

"Mommy, bakit hindi mo ako tinuruang magtimpla ng kape?" Sa wakas, may mga kataga nang nabigkas si Daniel. "Hindi ba't ang sabi mo'y inihanda niyo kami sa pag-aasawa?"

Umiling-iling ang ina. Pilit nitong ikinukubli ang kumikislap na mga mata. "Hindi itinuro ang pagtitimpla ng kape. Dapat kusa mo itong madiskubre. Kung tinuruan kitang gumawa ng masarap na kape, para ko na ring pinangunahan ang puso mo.Tandaan mong may kanya-kanya tayong panlasa. Maaaring gusto mo ng mapait na timpla. Maaaring ayaw ko..."

Sumang-ayon si Daniel sa pamamagitan ng bahagyang pagtaas-baba ng kanyang ulo.

"Hindi ko kailanman hinadlangan ang mithiin mo sa buhay, kahit nararapat lamang na ako ang unang titikim sa kapeng ititimpla ko sa'yo."

Saglit na nag-isip si Daniel. Hindi man niya nasabi sa ina na naniniwala siyang naging malaya siya sa pagpili ng buhay na tatahakin. Hindi pa nga siya nakakatapos ng kolehiyo ay nabuntis na niya si Lorenzana. Pero, ni isang masakit na kataga ay wala siyang narinig mula sa kanyang ina at ama.

"Hindi mo lang matandaan, pero ipinalasap ko sa'yo ang iba't ibang uri ng kape... Hindi ba't habang iginagawa ko kayo ng kape ay nanunuod kayo?"

Tumango-tango si Daniel. Parang naalala niya nga iyon.

"Minsan, tuwang-tuwa ka dahil ang lumamig na kape ay nagawa kong masarap na inumin..."

"Nilagyan niyo po ng maraming yelo," dugtong ni Daniel.

"Oo. Natatawa nga ako sa'yo dahil gusto mo pang magbaon sa school."

Ngumiti ang anak. Nagpahid naman ng mata ang ina.

"Tinanong kita kanina kung instant coffee or brewed. Mas pinili mo ang instant," patuloy na litanya ni Mommy Nimfa. Mas light na ngayon ang kanilang emosyon. "Ang henerasyon niyo ngayon, mahilig na sa instant. Instant food. Instant pamilya. Ganyan ang nangyari sa'yo, Daniel. Look at you now?"

Gumihit sa buong katawan ni Daniel ang guilt. Hindi siya makatitig sa ina. Ni hindi rin niya matingnan ang kanyang sarili.

"Look, what you've done to yourself... Anak, pinalaki kita nang maayos. Pinag-aral ka namin ng Daddy mo, pero you choose a desperate life. Nagkamali ka ng pagpili ng kapeng iinumin. Tama ako, hindi ba? I'm sorry..." Tumayo siya at kinuha ang malamig na kape ni Daniel. "Malamig na ito. Hindi na masarap. Maasim na. Malalasahan mo na ang pait. Igagawa kita uli."

Sapul na sapul siya. Hindi niya puwedeng itanggi ang katotohanan. Tunay nga ang kasabihang 'Mothers know best.'

Pinakiramdaman na lamang ni Daniel ang ina sa kanyang likuran. At maya-maya pa'y naamoy na niya ang kapeng barako, habang ito ay papakulo na sa coffee maker ng ina. 


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...