Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 30

 


Maliban sa masarap na kape ni Tiya Leonora, mami-miss rin ni Daniel ang beach sa lugar nila. Kaya naman, sumaglit siya doon. Hindi siya maaaring hindi makaligo o makalanghap man lang ng hangin-dagat, bago siya bumiyahe pabalik sa pamilya. Malaki ang bahaging ginampanan niyon sa kanyang kalusugan. Naniniwala siyang nakatulong ang simoy ng hangin, na mula sa dagat, sa kanyang paggaling sa mahinang baga.

Alas-sais na nang marating niya ang baybayin. May mangilan-ngilang tao sa paligid—mga batang naglalaro sa buhanginan, at mga lalaking naghahanap ng mga lamang-dagat sa mababaw na bahagi ng dagat.

Hinubad na ang kanyang damit at maong na shorts, saka siya naghanap ng malalim na bahagi ng dagat. Doon ay sinubukan niyang sumisid at lumangoy. Hindi nanginig ang kanyang laman. Hindi siya nilamig. Hindi na nga siya tulad nang dati, na mahina. Handang-handa na siyang sumabak sa kahit na anong trabaho—mabigat man o magaan.

Nakailang pabalik-palik siya ng paglangoy, bago siya nagdesisyong umuwi na. Latag na rin naman ang dilim, kaya kailangan na niyang umahon.

Pag-uwi ni Daniel, huminto sa tagiliran niya ang traysikel na dina-drive ni Andoy. "Ang alam ko, ako lang ang siga sa lugar na ito," sabi ni Andoy.

Kung iba ang makakarinig niyon, iisiping naghahamon siya ng away.

Tumawa lang si Daniel. Bigla rin niyang naisampay sa balikat niya ang kanyang damit. "Par, ikaw na lang talaga ang siga dito dahil uuwi na ako mamaya."

Gulat na gulat si Andoy. "Ang bilis naman! Hindi pa nga tayo nakakapag-inuman, e."

"Kailangan na, par. Miss na miss ko na ang mag-ina ko. Isa pa, kailangan ko nang makapaghanap ng magandang trabaho."

Kumbinsido naman si Andoy. "Ako ang maghahatid sa'yo mamaya. Babalik ako. Anong oras?"

"Ha? Huwag na. Baka may biyahe ka."

"Ihahatid kita o hindi ka makakaalis?" pagalit na biro ni Andoy.

Natawa si Daniel. "Siyempre, ihahatid mo ako. Alas-otso, Andoy. Salamat!" Napangiti pa siya habang kumakaway pa kay Andoy. Na-realize niyan si Andoy ay isang matapang na kape, pero tunay na kaibigan. Siya ang tunay na kape, dahil gaano man ka-strong ang timpla niya, hindi mo siya mailuluwa, hindi o siya mapahindian. Natural sa kape ang tapang at pait. "Si Andoy, natural din ang tapang," naisip niya. "Ngunit, gaano man siya katapang, hindi umubra sa akin."

Sa banyo, pinagmasdan ni Daniel ang kanyang kahubdan. Sa loob ng halos isang buwang pamamalagi niya sa tahanan ng kanyang tiyo, noon niya lamang nabigyang-pansin ang kanyang katawan. Ikinatuwa niyang makita ang maganda at malaking pagbabago sa kanyang panlabas na kaanyuan. Umitim siya, pero umumbok ang kanyang mga pisngi at dibdib. Ang mga braso niya'y tila naghuhumiyaw sa laki. Naalala niya pa kung gaano niya kinatakutan ang sarili, tuwing haharap sa salamin. Ngayon, kay sarap pagmasdan ang kanyang repleksiyon. "Siguro naman, hindi na ako huhusgahang addict ni Uncle Menard. Hindi na rin ako mapagkakamalang may tubercolosis sa mga kompanyang aapply-an ko," naisaloob niya.

Handang-handa na si Daniel nang magpaalam siya sa kanyang tiyo, tiya, mga pinsan, at mga pamangkin. Saka naman dumating si Andoy para sunduin siya.

Habang binabagtas ng tricycle ang kahabaan ng kalsada patungo sa bus terminal, panay na ang kuwento ni Andoy. Hindi naman iyon maunawaan ni Daniel, dahil hindi niya ito marinig. Panay na lamang ang tango at sagot ng 'aah'. Minsan, kapag tumatawa si Andoy, tumawa rin siya. Nagkunwari na lamang siyang tumatawag para matigil na sa kakadaldal ang bagong kaibigan.

"Hello, pauwi na ako. See you, beh. I miss you, kayo ni Baby... Oo, mag-iingat ako. Bye!" aniya. Pagkatapos, nag-text pa siya. Tunay na text. Sabi niya: "I miz u, beh!"

Nang nai-send na niya ang mensahe niya kay Lorenzana, saka niya lamang naalala si Pamela. Agad niya rin itong pinadalhan ng text message.

"WaT??? Kla k ba bkaS p? Bkt bGlaan? UmiiWas kb?" reply ni Pamela.

Hindi na nakapag-reply si Daniel dahil nakarating na siya sa terminal. Kailangan pa niyang bumili ng ticket.

"Alas-nuwebe y medya pa aalis," balita ni Daniel kay Andoy, pagkabili niya ng ticket. "Salamat, par. Baka bibiyahe ka pa..."

"Hindi na, minsan ka lang namang kasing nandito. Hihintayin kitang makaalis."

"Sige. Ikaw ang bahala."

Tahimik na nagsindi ng sigarilyo si Andoy. Inalok rin siya nito. Tumanggi siya. Mayamaya, lumayo siya sa kaibigan dahil nalalanghap niya ang usok niyon. Umubo pa siya kunwari.

"Sori," sabay tapon sa nangangalahati pa lang na yosi. Pagkatapos, niyaya niya si Daniel sa kanyang nakaparadang traysikel. Tumayo lang sila sa may harap niyon. "Alam mo, dati, hindi naman ako nagyoyosi, e. Saka, itong mga tattoo ko, pinagsisihan ko pa rin hanggang ngayon..."

Naging interesado si Daniel sa mga tinuran ni Andoy. "Bakit ka nagyoyosi? Bakit ka nagpa-tattoo?"

Tumingin-tingin muna si Andoy sa palibot. Siniguro niyang walang nakikinig. "Alam kong maganda rin ang asawa mo. Bagay kayo. Par, kung hindi mo na itatanong, seloso ako, kasi maganda ang asawa ko. Ayaw kong may ibang lalaking aali-aligid o kahit tumingin sa kanya..."

Nakamaang si Daniel. Hindi niya alam kung konektado ang sagot niya sa yosi at tattoo. Tumango-tango na lamang siya para ipagpatuloy ni Andoy ang kuwento.

"Pangit ako, Dan. Hindi kami bagay ni Misis. Alam ko 'yon," patuloy ni Andoy.

Pinilit na itago ni Daniel ang kanyang tawa. "Hindi mahalaga ang pisikal na kaanyuan sa pag-ibig, Andoy. Parang kape at asukal. Hindi sila magkakulay. Hindi sila magkalasa, pero kapag pinaghalo mo't nilagyan ng tubig ay magiging isang masarap na inumin. Ang kape't asukal ay maaaring ikumpara sa inyong mag-asawa. Basta, mahal niyo ang isa't isa..."

Parang hindi pumasok sa utak ni Andoy ang mga binitiwang salita ni Daniel. "para maagaw ng iba ang asawa ko, nagpakasiga ako. Humihithit ng sigarilyo. Lumalaklak ng alak. Nagmumura. Nagwawala. Naghuhurumentado. Nanghahamon. Nananakit. Lahat na lang yata ng pananakot sa barangay natin, nagawa ko na..."

"Totoo bang nakapatay ka na?"

Natawa si Andoy. "Mukha lang akong sanggano, Dandan, pero hindi ko magagawa 'yon. Pero... pero, pasalamat na rin ako dahil lumabas ang balitang 'yan na nakapatay ako. Hindi ko na kaailangang takutin pa sila."

Saglit na natahimik si Daniel. Hindi siya makapaniwalang may katulad ni Andoy. Akala niya'y matapang na kape siya. Dinaya lang pala ang kanyang kulay. Gayunpaman, humanga siya sa kaibigan. Tunay ang kanyang pagmamahal sa kanyang asawa. Medyo may pagkamakasarili, pero kung tutuusin, may pinagmumulan ang kanyang mga kinikilos. Hangad niyang huwag naman sanang humantong sa masama ang labis niyang pagkaseloso.

"Seloso rin ako, Andoy. Ang kaibahan lang, hindi ko ipinapakita. Oo, hindi mo nga rin ipinakikita sa iyong asawa, pero ginagawa mo ang lahat para katakutan ka. Hanga ako sa'yo. Astig!" Nakipag-apir pa si Daniel sa kaibigan. "Basta, tandaan mo, lahat ng sobra, masama na. Relax lang. Alam mong mahal ka niya. May mga anak kayo, 'di ba?"

Tumango si Andoy.

"Yon! Mahal ka niya. Ang mga anak niyo ang nagbibigay-lasa sa inyong kape, I mean, nagbibigay-kulay sa inyong buhay. Sila ang nagdurugtong sa inyong dalawa."

Narinig nilang nagtatawag na ang konduktor ng bus na sasakyan ni Daniel, kaya nagpaalam na silang magkaibigan. Pero bago iyon, hiningi ni Andoy ang cellphone number niya.

"Salamat, Dan. Sikretong malupit natin 'yon, ha?"

Natawa si Daniel. "Oo ba. Basta, huwag mo akong pagseselosan, ha?"

"Gago!" Natawa rin ang selosong siga.


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...