Followers

Saturday, May 11, 2024

Malamig na Kape 7

 


"Mamatay ka na sana, gaya kung paano binawian ng buhay si Daddy dahil sa kagaguhan mo! Puta ka!" Pauli-ulit na narinig ito ni Daniel sa kanyang utak. Nakakabingi. Nakakarindi.

Hindi niya nakayanan ang dagundong niyon sa puso niya, kaya lumabas siya sa bakuran nila. Natagpuan niya ang sarili sa chapel. Doon ay umupo siya't binalikan ang nakaraan.

"Hello, Daniel? Nasaan ka?" tawag ni Mommy Nimfa.

"Hello, Mommy? Sorry po, hindi po ako makakarating..." nahihiyang sagot ni Daniel.

"What? My God, Daniel. Why? Nasaan ka ba? Sabi mo, hahabol ka na lang..."

"I'm sorry, Mom. I can't make it..."

"Bakit nga?"

Matagal na naghintay si Mommy Nimfa sa sagot ni Daniel kung bakit siya hindi makakadalo sa graduation rite, gayong malinaw ang kanilang usapan na dadalo lamang siya ng graduation party nilang magkakaklase.

"Nandito naman ang mga kaklase mo. Hinahanap ka nga..."

"Hindi po sila ang kasama ko kagabi."

"So, sino? Bakit hindi ka makakadalo? This is your day."

"It's okay, Mom... I'm sorry." Ibinababa na ni Daniel ang linya.

Hindi nga siya nakapagmartsa at nakadalo sa graduation ceremony. Galit na galit, ngunit nag-aalala na, ang kanyang pamilya. Lalo pa nang mag-iisang linggo na siyang hindi umuwi.

"Hoy, ubusin mo itong kape mo!" sabi ni Lorenzana sa nagmamadaling si Daniel.

"Ayoko na. Sa'yo na lang. Kailangan ko nang umuwi."

Nagpaalam si Daniel sa mga magulang ng dalaga. Nakaupo sila sa gitnang bahagi ng hagdanan.

"Uwi na po ako."

Tumango lamang ang ina nito.

"Anong plano mo sa aking anak?" mahinahon, ngunit makapangyarihang tanong ng ama ni Lorenzana. Pinagsasabay nito ang pagkakape at pagsisigarilyo.

Nautal si Daniel. Hindi agad niya nabitawan ang mga salitang nasa dulo ng kanyang dila, lalo na nang mariing pinatay ng ama ng dalaga ang mahaba-haba pang nakasinding sigarilyo sa palad nito.

"Ganun na lang ba 'yun?" Muling nagsalita ang ama ni Lorenzana.

"P-papanagutan ko naman po ang anak ninyo." Grabe ang tibok ng dibdib ni Daniel. Hindi niya akalaing ang pakilala pala ni Lorenzana sa kanyang mga magulang ay magkasintahan sila. Ang dinig niya kagabi, makikitulog lamang siya. Hindi alam ng mga magulang nito na magkasama sila nang apat na gabi at nakituloy lang sa bahay ng kaibigan nila.

Napasubo na siya. Kailangan na niyang panindigan ang nangyari.

"Lalaki ka naman palang kausap. Sige, ipaalam mo na ito sa mga magulang mo."

Nanginginig pa rin ang laman niya nang siya ay tumango-tango at mabilis na lumayo sa mag-asawa.

Gusto niyang magsisi sa kanyang kapusukan, pero naisip niyang wala namang magagawa iyon. Kailangan niya itong harapin. Siguro nga, ito na ang katuparan ng kanyang pangarap—ang magkaroon ng anak.

Parang napagod ang utak niya sa limang taon niyang pag-aaral sa kolehiyo. Kaya, nang minsang nag-iisa siya sa bench ng campus, nahiling niya sa Diyos na sana ay may babaeng handang magparaya sa kanya. Sana may babae pang gustong magdadalantao, ngunit iiwanan lang sa kanya ang bata.

Ito na nga iyon, aniya sa isip niya, habang may tumatambol sa loob ng kanyang katawan. Hindi lahat ng pamilya at makakaunawa sa gusto niya at sa ginawa niya. Lalo hindi lahat ng babae ay may kakaibang pag-iisip na katulad ng hinahangad niya.

Habang papalapit siya sa kanilang tahanan, para namang pinipilit ang ulo niya. Natatakot siya sa posibilidad nito. Oo, hindi na siya bata, pero saklaw pa rin siya ng kanyang ina at ama, lalo na't wala pa rin siyang kakayahang magpamilya.

Inaasam niya na nakapasok na sa trabaho ang kanyang ama. Ang mommy niya muna ang gusto niyang makausap.

"Mommy, nandito na si Kuya Paasa!" sigaw ni Donald nang makita siya na papasok ng bahay.

"Andami mong alam!" Kahit naiinis sa kapatid, hindi pa rin niya ito binatukan gaya dati. Hinanap niya na lang ang kanyang ina. Natagpuan niya ito sa laundry area.

"Kumain ka na doon." Naabutan niya ang kanyang ina na nagtatanggal ng bula sa kanyang kamay. Tila, inaabangan ang kanyang pag-uwi.

Nagmano muna si Daniel.

Parang malamig na kape naman si Mommy Nimfa. Kataka-takang hindi niya niyakap ang anak. Kapag matagal silang nagkakawalay, niyakap-yakap pa niya si Daniel. Hindi lang siya, kundi pati ang mga kapatid niya.

"Magkape ka na doon, pagkatapos ay magpahinga ka. Linawan mo ang isip mo. Mamaya na tayo mag-usap."

Hindi ganoon ang nais niyang mangyari. Hindi niya kayang maghintay pa ng ilang oras. Para nang binarena ang puso niya.

"Mommy, I'm sorry po uli... Alam kong nabigo ko kayo nang husto..."

Tumayo na si Mommy Nimfa at pumasok sa kusina. Sinundan siya ni Daniel. Tahimik siyang nagtimpla ng kape. Pinagmasdan siya ng anak.

"Mommy, andami mong nilagay na asukal at gatas!" sawata ni Daniel.

"Hindi kami nagkulang sa'yo ng Daddy mo. Sobra-sobrang pagmamahal, pang-unawa, at pagkalinga ang ibinigay namin sa'yo, sa inyo. Pero, bakit sa araw ng sana ay matanggap mo ang bunga ng tagumpay mo, bigo pa rin kami..." Nagbukas ito ng ref at kumuha ng ice cubes. Naglagay siya sa mas malaking tasa ng limang cubes at isinalin doon ang tinimpalng kape. Pagkatapos ay nilagyan niya uli ng tatlo pa. "Gayunpaman, narito pa rin ako... kami, para unawain ka. Wala naman akong magagawa. Kagustuhan mo 'yan." Iniabot na niya ang malamig na kape sa anak at tumalikod. Pinuntahan si Donald. "Donald, gisingin mo na nga ang ate mo. Sabihin mo, nandito na ang kapatid niyo."

Tumalima naman si Donald. Nakita ni Daniel na ngumunguso ito.



No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...