Followers
Saturday, May 11, 2024
Alter Ego: Malas
Tatlong araw na ring umiiwas si Rayson kay Paul. Dati-rati ay hindi lumilipas ang araw na hindi siya pupunta sa bahay ng kaibigan para makipaglaro ng video games o makipagkuwentuhan. Subalit, simula nang dumating ang notice na pasado siya sa PMA, nahihiya siyang magpakita kay Paul. Nagkasundo kasi sila minsan na sabay silang magkokolehiyo sa bayan nila at parehong kurso ang kukunin nila. Hindi naman niya maipaliwanag sa best friend na mas gugustuhin niyang matupad ang pangarap niyang maging sundalo kaysa maging businessman.
Si Paul, ilang araw na ring nakatanaw sa veranda nila at naghihintay sa pagdating niya. Kapag tinatanong naman niya si Yaya Melly, sasabihin lang nito na nasa bukid, tumutulong sa kanyang ama.
Hindi palalabas ng bahay si Paul. Mapili siya sa kaibigan. Si Rayson lamang ang kaibigan niya sa lugar nila. Hindi siya nagpapapunta ng mga kaklase niya sa bahay nila dahil isang araw, noong pinuntahan siya ng mga kaklase niya sa bahay nila, nasuntok niya lang ang isa sa ilong.
"Ray, ang babata pa pala ng mga magulang mo." sabi ng Grade Six classmate niyang lalaki, habang nakatitig sa mga litratong nakapatong sa piano.
"Oo." sagot naman niya.
"Totoo ba ang sabi-sabi?" ang payat na kaklase naman nila ang nagtanong.
"Na ano?" si Paul.
"Na malas ka raw kaya namatay sila?"
"Hindi.totoo 'yan! Sino nagsabi niyan sa'yo?" Galit na si Paul.
"Wala. Narinig ko lang." Hindi naman nasindak ang payatot. "Ang Mommy mo, naaksidente dahil sa'yo. Ang Daddy mo, naging lasenggero dahil sa'yo..at namatay na galit sa'yo." Tumawa pa ng nakakainis.
"Bawiin mo ang sinabi mo." Nakalapit si Paul at mahawakan sa kuwelyo ang kaklase.
"Bitiwan mo ako. Hindi ko babawiin!"
Isang malakas na suntok ng kamao ni Paul ang dumapo sa ilong nito na sanhi ng pagkasugod nito sa hospital.
Dahil sa nangyari, lalong nalayo ang loob sa kanya ng mga bata sa lugar nila maging amg mga kaklase niya. Ilan-ilan pa rin ang nanunukso sa kanya pero madalas iniiwasan na lamang siya.
May muntik na rin siyang saksakin ng ballpen dahil nakarinig siya ng salitang 'malas'.
"Ano ba 'yan, Paul?" pasinghal na tanong ng guro nila. "Napakabugnutin mo at napakabasagulero mo! Lahat ba ng malas na 'yan ay patungkol sa'yo? Grabe ka naman! Pati kaklase mo ay gusto mong pa... Bahala ka na nga!" Tumalikod ang galit na galit na guro.
"Hindi ako malas!" Bigla niyang nasambit habang nakatanaw siya sa veranda. Naisip niyang nilalayuan siya ni Rayson dahil baka mahawaan siya ng kamalasan.
Bumaba siya at hinanap si Yaya Melly. Natagpuan niya ito sa hardin, na nagdidilig ng mga halaman.
"Yaya Melly, lalabas lang po ako." Hindi nakatingin si Paul sa yaya. Nanlilisik kasi ang mga mata niya. Nakakuyom ang mga palad at nakakubli, tila manghahamon ng away.
"Paul!?" Nagulat si Yaya Melly sa kinilos ng alaga. "Sigurado ka? Saan ka pupunta?"
"Sa impyerno." bulong niya.
Hindi iyon narinig ni Yaya Melly dahil bukod sa ayaw niyang iparinig, lumakad na siya ng mabilis, palabas ng gate.
"Diyos ko! Anong nakain ng batang iyon?!" Pinatay niya ang gripo para sundan si Paul, pero pagdating niya sa labas ay hindi niya natanaw kung saang direksyon tumungo ang alaga. "Paul!.Paul?!" sigaw pa niya.
Lingid sa kaalaman ng yaya ay nagkukubli si Paul sa likod ng pader na may halaman para di siya masundan. Nang makapasok si Yaya Melly, saka lamang siya muling naglakad nang matulin.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment