Followers

Sunday, August 24, 2014

Bakit may mga Taong Nahihirapan?


Bakit may mga taong naghihirap sa buhay?

Marami ang sagot diyan. Marami ang paliwanag. Marami din ang mga halimbawa. Ako, personally, ay dumanas din ng hirap--- matinding hirap sa buhay. Walang hindi nakaligtas sa bangis ng buhay. Walang hindi dumadaan sa paghihirap ---krisis man ‘yan, o problema o anupamang pagsubok. Lahat tayo ay pinahirapan, naghirap, naghihirap at nahihirapan. 

Pero, bakit nga ba may mga taong nahihirapan ng matagalan?

Una. May mga tao kasing tamad.

Katamaran ang pinakadahilan ng paghihirap ng isang tao. Tamad siyang mag-aral, kaya wala siyang trabaho ngayon. Tamad siyang pumasok sa paaralan, kaya mabigat at mababa ang uri ng kanyang trabaho. Sabi nga, kung may tiyaga, may nilaga. Kung natulog lang siya maghapon, panis na laway lang ang kanyang aanihin at lalanghapin. Ganun lang ‘yun! Wala namang nahuhulog na pagkain mula sa langit. Kailangan itong pagtrabahuan.

Pangalawa. May mga tao kasing mapanlamang sa kapwa.

Sampol na diyan ang mga gahamang pulitiko na wala ng ginawa kundi mangupit sa kaban ng bayan. Panlalamang ang tawag diyan. Sila na nga ang matataas ang suweldo, sila pa ang matitindi ang pangangailangan. Lalo silang yumayaman, habang ang busabos na nasasakupang kapwa-Pinoy ay patuloy na nahihirapan sa buhay.

Minsan nga, naitanong ko, bakita kaya padami ng padami ang taong namamalimos sa kalsada? Bakit kaya andaming taong-grasa? Bakit kaya andaming iskwater sa Maynila? Bakit kaya andaming namumulot at nangangahig ng basura?

Isa lang ang sagot diyan. Dahil..may mga taong mapanglamang sa kapwa!


Pangatlo. May mga tao kasing sobrang ambisyoso.

Sa sobrang taas minsan ng pangarap ng isang tao, nabibigo tuloy siya. At kapag nabigo na sa una at pangalawang subok, aaywa na agad. Ang resulta, hindi na niya maabot ang ambisyon. Hanggang ambisyon na lang siya. Hindi niya alam na ang taong maambisyon na walang determinasyon at tiyaga ay pagiging ambisyoso. Tapos, dinagdagan pa ng katamaran. Ayos! Para lang siyang nangarap na suntukin ang buwan.

Pang-apat. May mga tao kasing walang kakuntentuhan.

Hindi siya makuntento sa simpleng buhay, sa maliit na bagay o sa mababang simula. Gusto niya lagi ang magarbo, malaki at mataas. Sabi nga, ang malayong lakbayin ay nagsisimula sa unang hakbang.

Kung hindi kayang abutin ang langit, huwag ipilit. Makuntento na sana siya na nakarating  na sa tuktok ng pinakamataas na bundok kasi kapag pinilit pa niyang abutin ang langit, malamang babagsak na siya. At pag nangyari iyon, mahihirapan na naman siyang umakyat muli sa tugatog.

Panlima. May mga tao kasing bisyoso.

Kung sino pa nga ang mahihirap, sila pa ang maraming anak. Akala mo ay nursery room ang napakaliit na bahay. Kung sino pa nga ang naghihikahos, siya pa ang laging lasing. Siya pa ang sugarol. Siya pa ang adik. Siya pa ang mabisyo. Haay! Tapos, isisisi sa gobyerno ang kahirapan niya. Tanga lang. Pinukpok niya ng bato ang bungo niya tapos ang pangulo ng Pilipinas ang sisisihin! Bisyo pa.

Pang-anim. May mga tao kasing madaling sumuko at walang diskarte.

Walang diskarte ang taong madaling sumuko sa problema at pagsubok. Kung ang scientist gaya ni Einstein at ang negosyanteng si Henry Sy ay agad na sumuko sa paghihirap, hindi sila magiging matagumpay. Dumiskarte sila at hindi tumigil na subukan ang mga bagay na makakatulong sa pagtupad ng mga pangarap at hangarin nila.

May iba naman, pagsu-suicide agad ang solusyon sa paghihirap. Kahunghangan! Hindi muna nagtiis. Hindi muna muling sumubok. Hindi muna dumiskarte..

Pangpito. May mga tao kasing kina-career ang pagiging mahirap.

Kakatwa nga ang isang rugby boy na nanghingi sa akin ng pangkain. Binigyan ko na nga ng sampung piso, umulit a. Unlimited na paghingi. Pangkain daw niya. Dahil nakakatakot ang itsura at ang kinikilos niya, na tila gusto niyang hablutin o dukutin ang cellphone ko sa bulsa at tumakbo pababa ng dyip pagkatapos, binigyan ko uli siya ng bente. Peste! Hindi nga nagpasalamat ang loko.

Hindi naman mukhang nagutuman. Malaki naman ang katawan. Bata pa naman para magtrabaho. Bakit ang iba, imbes na manghingi ng pera, namumulot ng basura. Madiskarte. Hindi naman laging ang nakakaawa ay ang maduming tao. Madalas, sila pa nga ang kinaiinisan dahil sa mga maling gawain nila. Minsan, front lang nila ang pagiging marungis at pulibi para makapanlamang sa kapwa.


Marami pa. Kayo na lang ang bahalang magdagdag. Nahihirapan na ako, e. 

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...