Followers

Tuesday, August 26, 2014

Double Trouble 23

DENNIS' POV

Natakot ang utol ko sa panggigipit ko sa kaniya. Bigla kasi akong pinansin ni Krishna. Nag-hi ito sa akin kanina. Panay rin ang tanong sa akin ng tungkol sa lesson namin sa Math. Turuan ko raw ito minsan `pag may vacant period kami. Walang problema, sabi ko.

Alam ko namang nakikisakay lang siya. Hindi naman talaga niya ako gusto. Gayunpaman, type ko siya. Sisikapin kong baguhin ang pagtingin niya sa akin. Lalakasan ko na ang loob ko. Kaya, nang mag-uwian, ako mismo ang nagsabi sa kaniya na sasabay ako sa kaniya sa pag-uwi. Ihahatid ko siya. Hindi naman siya humindi. Si Denise naman ay nagkusa na. Mauuna na raw itong umuwi.

Hindi ko alam kung bakit ang lakas na ng loob kong dumiga ngayon. Siguro nakatulong ang nalalaman ko tungkol sa sexual preference ni Denise. Kung hindi ko siguro nakumpirma, hindi pa rin ako marahil pinapansin ng ultimate crush ko. Malamang dedma ako lagi.

Suwerte ko dahil akin na ngayon si Krishna.

Hindi kami kaagad umuwi. Niyaya ko siyang magmeryenda sa paborito naming gotohan, malapit sa kalsada, kung saan kami sumasakay pauwi.

"Kris, paano ba ako magugustuhan ng isang katulad mo?" lakas-loob kong tanong sa kaniya.

Tumingin muna si Krishna sa akin. Medyo nangapa siya ng sasabihin. "H-hindi ko alam, Dennis."

"Ganito na lang... Bakit mo gusto ang kapatid ko?" Seryoso ako. Nataranta naman si Krishna. Hindi siya nakasagot at hindi rin makatingin sa akin. "Alam ko na ang lahat. Alam mo rin `yon. Kris, bakit hindi ako?"

"Dennis, nagkakamali ka..."

"Okay, sabihin na nating nagkakamali ako. Bakit `di mo masagot ang tanong ko sa `yo kanina?"

"Ano ba `yon?"

"Paano mo ako magugustuhan?"

"Gusto ko sa lalaki ang astigin. Ayaw ko ng malamya."

"Okey!'

"Nasagot ko na. Uwi na tayo... Ihahatid mo pa ba ako? O ako na lang uuwing mag-isa?" Tumayo na siya. Hindi na namin naubos ang goto.

"Ihahatid na kita."

Nagpara agad siya ng dyip. `Tapos, tahimik kaming bumiyahe hanggang makarating sa may lugar nila. Nagpasalamat lang siya sa akin at tumalikod na papasok sa bahay nila nang walang lingon-likod.


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...