Followers

Thursday, August 21, 2014

Tatlong Uri ng Lata sa Paaralan

Ayaw na ayaw ng mga guro ang maingay na klase o mag-aaral. Gustong-gusto naman nila ang tahimik o kaya maingay pagdating sa pakikipagtalakayan sa klase.

Sa bawat silid-aralan, ang isang guro ay kumakanlong ang tatlong uri ng mag-aaral. Ang kanyang silid ay tila pagawaan ng lata, dahil ang mga bata ay may katangiang katulad ng sa lata-- may maingay, may tahimik.

Ang latang may laman ay halos walang tunog kapag binagsak sa semento. Swabeng-swabe. Gaya ng batang matalino, ang latang puno ay di-maingay. Sabi pa nga sa sikat na kasabihan na "Ang tubig na malalim ay tahimik." Tama naman. Ang tao, kapag tahimik ay malalim mag-isip. Minsan, siya pa ang marami ang ideya at kaisipan. Madalas, siya ang maraming kaalaman dahil siya ang nakikinig. Kahanga-hanga itong latang malaman dahil kapag tinanong mo ay may maisasagot.

Ang latang walang laman ay kawangis ng mag-aaral na maingay. Sila ang daldalero o daldalera sa klase. Ang masama dito, ang latang ito ay kabaligtaran ng latang may laman. Kung sino pa ang maingay, siya pa ang walang alam. Mabuti pa nga ang tahimik ay nakikinig at nakakaunawa. Pero, itong latang walang laman ay wala ring laman ang utak. Paano di naman nakikinig. Tapos, saka magtatanong kung ano ang gagawin. Inuna niya kasi ang daldal. Tinalo pa ang broadcaster. 

Kapag ang lata ay kinalawang, hindi na 'yan maingay. Tahimik na rin ito kapag iyong ibinagsak sa semento. Ngunit, kakaiba. Ibang-iba ang pananahimik niya dahil mayroon siyang tinatago--- ang kalawang. Ito ang dahilan kaya siya tahimik. Ikinukubli niya ang kanyang kahinaan. Sana kung ang latang ito ay magsasabi lamang ng kanyang nararamdaman o nararanasan, siya ay magiging isang panibagong lata. Hindi man niya magaya ang dalawang naunang lata, at least, magkaroon man lang siya ng panibagong anyo bilang isang lata. Kung ang pangangalawang niya ay tutuldukan niya, maaaring matalo pa niya ang latang may laman.

Ang lata, may laman , walang laman o may kalawang man ay lata pa rin. May silbi sila sa industriya, gaya ng mga mag-aaral. Tahimik o maingay man ang isang mag-aaral, siya pa rin ay bahagi ng paaralan. Ang guro ay nararapat lang silang pahalagahan at gamitin sa tamang paraan upang katahimikan at ingay nila ay makatulong para sa mabuting edukasyon.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...