Followers

Saturday, July 26, 2014

Liham, Lihim #7

Dear Nanay,
       Nanay pa rin ang tawag ko sa inyo dahil hindi pa rin po nawala ang respeto ko sa inyo kahit katakot-takot na pag-aalimura ang inabot ko sa inyo. Hindi ko maikakailang naging mabuti kayong mother-in-law sa akin. Kaya nga po ni katiting na mura, wala akong iginanti sa inyo.
       Sa loob ng anim na taong magkakasama tayo, hindi man po ako naging pala-kuwento o pala-imik, sana naramdaman niyo po ang paggalang, pagmamahal at pang-unawa ko sa inyo. Alam niyo po marahil na hindi ako nagpabaya sa mag-iina ko. Hindi man po sapat, alam po nating nakatulong ang maliit na bagay na ibinigay ko. Iyan po sana ang ayaw kong mabalewala.
       Naiinis lang po ako sa mga salita ni Me-Ann na wala akong silbi at maipagmamalaki. Oo! Wala nga siguro akong ipagmamalaki. Pero kung tutuusin, meron akong dapat ipagmalaki. Isa pa, hindi pa ako inutil upang tawaging walang silbi. Kung hindi man guminhawa ang mga anak ko, iyon ay dahil maliit lang talaga ang suweldo ko. Alam ng Diyos, hindi ako nagdamot sa mga anak ko. Nilimutan ko nga ang sarili ko. Ako ang teacher na napakapayat, dahil ayaw gumastos para sa sarili.
       Kung tinulungan lang sana ako ni Mary Jane sa paghahanap-buhay, masaya pa sana kaming magkakasama ngayon sa isang bahay. Hindi ko po siya sinisisi ng husto. Nais ko lang po na ipaalam sa inyo na nasaktan ako ng labis sa ginawa niya sa akin.
       God knows, pinangarap ko na maibahay ko siya. Pero, bago ko po iyon nagawa, nasira na! Sa isang pagkakamali, naglaho lahat!
       Huwag niyo rin po sana akong sisihin kung bakit hindi ko kayo kinausap tungkol sa ginawa niya. Ang text niya kasi sa akin ay ganito: "Oo aaminin ko. Nagkamali aq mnsn. Alm nla d2. Kya nga itnigil q un. Dhil mli ung gngwa q. Nghhnap lng nmn aq ng atensyon at luv. Dhl hnd q un nrrmdamn sau ngaun." Ang salitang "Alm nla d2" ay nagngangahulugang may alam na kayo noon pa. So, dapat sa inyo nagmula ang rebelasyon. Gayunpaman, huwag na po tayo magsisihan, kasi kahit naman po pinagtapat niyo agad sa akin, hindi ko na rin naman talaga matatanggap si Jeng-Jeng. Umuuwi lang ako noon para sa mga bata. Tinapos ko lang po ang December, kasi iyon ang unang Pasko na may pambili ako ng regalo para sa kanila. Unang Pasko na may tarabaho ako. Pinilit kong paligayahin ang mga bata, nag-pretend ako na masaya ang Pasko ko.
       Tungkol po doon sa pag-alsa-balutan ko. Hindi ko po intensyon na makipaghiwalay na o tuluyang hindi umuwi para sa mga bata. Napilit lang akong magtapat ng problema. Three times niya akong tinanong sa text kung ano ang problema namin. Sabi ko: "Alam ko may mahal ka ng iba." At nagtapat na nga po siya. Sinubukan niyang magbalik ako sa kanya pero hindi na kako. Ikakasal na ako. Tapos, nagdesisiyon agad siyang lumayo, kasama daw si Zildjian at iiwanan si Hanna kay Mama. Okey naman iyon sa akin pero pinayuhan ko siyang mag-work na lang.
       Tapos, nag-iskandalo na nga po kayo sa school. Akala niyo po ay napakalaki ng sinasahod ko. Iyong ipinadala kong P1,000 sa pampaospital kay Zildjian ay tila nabalewala. Humihingi pa uli kayo para makabayad sa ilaw.. Wala na po talaga ako noon, dahil kasisimula lang ng klase.
       All of the sudden, na-terminate kami sa skul. Nagpadala pa ako ng P500 noong January 21, Ni hindi nag-text kung na-receive o hindi.
       Despeardo na ako noon. Wala kaming matuluyan. Kaya, hindi ko na naipadala ang P500 na pinangako ko kay MJ. Simula noon, hindi na rin siya nagparamdam. Inisip ko na lang na baka gusto niya munang i-establish ang buhay niya. Pero, hindi e! Nabalitaan ko na lang noong March 4 na nasa Bulan pala sila. Nainis ako dahil ni isa, walang nagtext sa akin kung nasaan si Hanna. Parang wala na akong karapatan sa anak ko. Noon, kapag gusto akong murahin ni Me-Ann, text ng text. Pero sa ikakabuti ni Hanna, hindi man lang nagtext. Nasaan po ang comcern niyo kay Hanna? Apo niyo rin siya. Kung nahihiya po kayong umuwi sa Polot, disin sana binalita niyo sa akin. Kahit may work ako ay talagang uuwi ako. So, almost a month na silang andun bago ko pa nalaman. Useless na para habulin ko. 
       Tinext ko na lang siya na ibalik si Hanna pero ni isang reply, wala akong na-receive. Nag-aalala ako para sa bata. Alam kong tiyo ni Baduday ang kasama nila ngayon at may tendency na masaktan sila. Nakakaawa ang bata. Mapapanatag ang loob ko, kung alam kong mabait, may good job ang kinasama niya. Para lamang siyang kumuha ng bato na ipampupukpok niya sa ulo nilang mag-ina.
       Hindi na po ako makikipagtalo tungkol kay Zildjian. Pero, hindi ibig sabihin, hindi ko siya kayang buhayin. Hindi rin po masamang tao ang napangasawa ko. Willing siyang makasama sina Zildjian at Hanna. Since gusto niyong andyan si Zj, o sige..kayo na po muna ang bahala sa kanya. Ayoko pong dumating ang puntong magdedemandahan pa tayo, kahit alam natin kung sino ba talaga ang may mas karapatan. Kaya ko pong alisan si Mj ng rights sa mga bata dahil wala siyang financial capacity na buhayin ang mga ito. Hindi po ako nagmamalaki, pero ako po, kaya ko. By June, public school teacher na po ako.
       Sayang nga  po at hindi kami ang nagkatuluyan..
       Nagkasundo na po kami ni Mj na sa June magsisimula ang monthly support ko sa dalawang bata. Pero, paano 'yan? Hiwalay ang magkapatid. Ni ayaw niyang makipag-communicate sa akin.
       Pakiusap ko lang po, huwag niyo pong ipagdamot kay Mama si Zildjian. Apo niya rin iyan. Nasaktan din siya sa nangyari. Pero ang tangi na lang niyang hiling ay hayaan niyo siya na paminsan-minsan ay makasama. Sa akin din manggagaling ang ibibigay niya sa bata.
       Pakisabi rin po kay Me-Ann, mamili siya ng words na sasabihin niya sa akin. Magpakatao siya! Kung hayop ako, ano na lang siya? Huwag siyang makisawsaw. Kung gusto niya ng problema, manlalaki rin siya. Subukan niya ang bagay na iyon upang malaman niya kung gaano kasakit.
      Hindi ako nasasaktan sa sinasabi niya. Naaawa ako sa kanya. She didn't know what she's talking about. "Mag-isip din kasi."
       Hindi ako nakikipag-away. Pinipilit ko lang gampanan ang mga responsibilidad ko. Pero kung patuloy akong makakatikim ng mga foul words, aba, hindi ako uurong sa ganyan. Mas masakit akong magsalita.
       Ayokong mangyari iyon dahil baka mawala ang respeto ko. Gusto ko pa namang suklian ang mga tulong na nagawa niyo sa akin at sa aking mga anak. Hindi ko pwedeng kalimutan na nakapag-aral ako ng education dahil nandyan po kayo para sumuporta sa pamilya ko. Salamat din kina Lola, Tita Lo at sa lahat ng mga tiyo't tiya ni Mj. Hindi ko man masuklian ng pinansiyal, kahit sana paggalang at kababang-loob ang maisukli ko..
       Thank you! And, sorry.. Hindi ko po hinangad na masira ang pamilya ko. Pero, hangad ko na mabuo uli kayo. Concern ako kay Mary Jane dahil ina pa rin siya ng mga anak ko. Higit kaninuman, kayo po ang dapat nag-aalala sa kanya. Inaalala ko lang si Hanna. Pero, dahil magkasama sila, pareho ko silang inaalala ngayon.
        Pipilitin ko pong maging ama sa mga bata. At, hayaan niyo po ako na makasama ko si Zildjian paminsan-minsan. Tanggap ko na, na mahirap para sa inyo na ipagkatiwala sa amin ang bata. Huwag po nating gawing miserable ang mga buhay nila. Ayokong manahin nila ang pagkakaroon ng second family, lalo na kay Hanna. Naniniwala ako na hindi totoo ang 'Kasalanan ng magulang ay dadanasin hanggang ikapitong lahi." Gawin po natin ang lahat na mapaganda ang mga buhay ni Hanna at ni Zildjian. Tulungan niyo po akong mabawi si Hanna. Mag-aaral na siya this June. Ako ang magpapaaral, dito. Ayaw po mag-response ni Mj. Baka po ma-contact niyo siya. Pakisabi na lang po. Salamat!
       Hanggang dito na lang po.. Sana nauunawaan niyo po ako.

                                                                                                                                              Poroy,

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...