Followers

Saturday, July 19, 2014

IDOLO 10

Si Lanie
Kahapon, pagkatapos na magsagutan sina Mama at Lola ko sa kuwarto, hindi ako mapakali. Gusto ko uling lumabas ng bahay. Gusto kong samahan at tulungan si Lanie sa kanyang paglalaba. Gusto ko siyang makausap. Lalong sumama ang loob ko sa aking ina. Dati-rati, ang taas ng respeto at pag-iidolo ko sa kanya. Pero, ngayon, naglahong lahat ang mga iyon.
Mas masahol pa siya sa taong nanggahasa sa kanya. Mapangmata siya. Hindi porke't mahirap lang si Lanie ay hindi na ako bagay sa kanya. Pareho lang naman kaming tao.
Habang tinututulan niya ako para kay Lanie, lalo namang nagpupuyos ang damdamin ko para sa kanya. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito para sa kapwa ko. Si Lanie ang unang babaeng mamahalin ko, maliban sa aking ina at lola. Siya ang sa tingin ko ang magpapasaya sa malungkot kong buhay.
Ngayon ay nasa labas ako ng bahay. Nakaupo ako sa kawayang bench sa ilalim ng puno. Inaaliw ko ang sarili ko sa pakikinig ng musika mula sa pagaspas ng dahon dulot ng sariwang hangin at mga huni ng ibong nagliligawan.
Isang boses-babae ang naririnig ko na tumatawag sa lengguwaheng Waray. Katumbas ito ng "Tao po!" sa Tagalog. Si Lanie! Lalapitan ko siya. Nakita na niya ako ngunit gusto niyang umurong.
Magmamadali akong lalapit sa kanya. "Lanie, ikaw pala? Halika, tuloy ka."
Nagwawaray siya. Dito daw pala ako nakatira.
"Oo."
"Lanie, andito ka na pala." si Lola, parating na. "Halika na! Huwag ka ng mahiya ha. Siya ang apo ko na ikinukuwentonko sa'yo. Alam ko na, na nagkita at nagkakilala na pala kayo ni Roy sa ilog."
Lalong namula si Lanie. Hindi makatingin sa akin.
Nag-Waray uli siya. Kausap niya si Lola. Hindi ko yata naintindihan. Nag-Waray na rin si Lola.
Nagpapaalam na si Lanie kay Lola. "Uuwi ka na?" malungkot kong tanong kay Lanie. Tumango lang siya. "Sige, ingat!" Kumakaway pa ako habang nakatingin pa siya sa amin.
Nasa malayo na siya. Nagmamadali kasi siyang umalis.
Nakaakbay na ngayon si Lola sa akin. Tinutunton namin ang bench. Uupo kami nang magkaharap. "Roy, si Lanie at ang pamilya niya ang katiwala ko sa bahay na ito nang nasa Manila tayo. Masipag 'yan si Lanie. Siya ang nagmi-maintain ng garden ko."
Nalulungkot pa rin ako dahil alam kong nahiya si Lanie nang makita ako. "Kaya po siya pumunta dito ngayon?"
"Tama ka. Kailangan na niya kasing magdamo sa paligid natin... Kaya lang, nakita ka. Hindi niya alam na apo kita. Nahihiya raw siya sa'yo."
"Sabi ko na nga ba, e.. Pwede ko ba siyang sundan?"
"Naku.. wag na. Baka lalo lang mahiya sa'yo. Alam mo kasi, grabeng hirap ng buhay nila. Kaya nga para may kabuhayan silang mag-anak, pinapatulong ko na lang dito sa bakuran natin.."
"Sige na po, La.." Nag-smile ako para payagan ako.
"Kung ako lang ang masusunod, papayagan kita. Kaya lang... alam mo na.." Ngumuso pa siya sa direksiyon ng bahay. Na-gets ko na.
"May kontrabida!"
"Sssh. Baka marinig ka.."
Nagtawanan kami.
"Sige na po... Payagan niyo na po ako. Ang takot lang ni Mama sa'yo."
Natawa si Lola. "O, siya... siya. Sige na. Mag-ingat ka."
Lumalakad na ako gamit ang saklay ko. Hindi ko nga pala alam ang bahay ni Lanie. Nakangiti si Lola nang pumihit ako pabalik.
"Excited kasi. Hindi mo pa nga alam ang bahay, e."
Natawa rin ako. "Saan nga po banda ang bahay nila?"
"Diretso. Kanan. Kaliwa. Kaliwa uli. Liko sa kanan. Kanan pa. Tapos, diretso. Tapos liko sa kanan."
"Binibiro mo naman ako, Lola, e. Ang hirap naman ng direksyon niyo."
Mamamatay-matay sa kakatawa si Lola. Nakikita ko naman si Mama sa may pinto ng bahay namin. Nakasimangot siya at nakatiklop ang mga kamay sa may dibdib niya. Hindi ko siya papansinin kapag lumapit.
"Lola... sa'n nga po?"
"Nag-iisa lang ang bahay dito na yari sa pawid ang dingding. Madaling mahanap iyon. Mas maganda ang may thrill, apo." Kumindat pa si Lola. Nauunawaan ko naman siya. Tama naman. Kailangan kong paghirapan ang bawat bagay na aking minimithi. Hindi lahat ay ibinibigay ng Diyos.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...