Tatlong minuto bago mag-alas-kuwatro ay palabas na ako ng Xpose Bar. Sa
labas, hindi agad ako lumayo. Tiningnan ko ang kabuuan ng building ng mahigit
isang taon kung pinagtrabahuan. Nalulungkot akong magpaalam sa kaniya pero buo
pa rin ang loob kung tuparin ang pangarap ko sa ibayong dagat.
Naglakad ako palayo sa bar, ngunit hindi para umuwi kundi para pumunta
sa Cherry Blossoms Club. Hindi pa rin ako mapakali sa aking kutob. Naniniwala
akong si Lianne iyon. Doon siya nagtratrabaho.
Madilim pa nang narating ko ang club. Para di ako makilala agad, sinuot
ko ang black hoodie ko. Hindi na ako pumasok. Nag-abang na lang ako katapat na
establisyamento. Mula doon ay natatanaw ko ang mga lumalabas na parokyano ng
bar.
Mahigit isang oras akong naghintay at nagmatyag. Maliwanag na rin kaya
mas namumukhaan ko ang bawat babae o empleyadong lalabas ng club.
Maya-maya, isang dyip ang tumabing sa aking harapan. Nainis ako dahil
naharangan ang minamatyagan kong tatlong mga babae na kausap ang guwadiya. Kaya
lang, kumabog ang dibdib ko nang makilala ko ang lalaking bumaba mula sa dyip.
Si Paulo, naibulalas ko sa isip ko. Hinagilap ko ang panyo ko sa bulsa at
ipinantakip ko sa aking bibig.
Nag-abang si Paulo sa labas ng club. At tatlong minuto ang lumipas,
sumungaw si Lianne sa pintuan ng Cherry Blossoms Club. Maiksi ang kanyang suot,
kumikintab. Luwa rin ang kanyang malulusog at mapuputing dibdib.
Kumpirmado.. Si Lianne nga siya. Nanlumo ako.
No comments:
Post a Comment