Marami kaming napagkuwentuhan ni Humprey. Malaman ko sa kanya na
ikakasal na pala ang kaklase naming si Bob. Niyaya nga niya ako sa stag party
sa makalawa. Umuo naman ako. Gusto ko rin kasing magpatulong sa kanya kung
paano makasakay ng barko.
Dahil sa trabaho ko, ikinahiya ko ang sarili ko. Inilayo ko sa mga
kamag-anak, kaibigan at mga kaklase. Ngunit, ngayong sumusubok na akong magbagong-buhay,
unti-unti ko ng ilalapit ang sarili ko sa kanila.
Nag-inquire ako sa Axis. Madali lang pala. Kayang-kaya. Si Humprey naman
ay may pinasa lang. Kaya, umalis na kami. Nagmamadali namang umalis ang
kaibigan ko dahil makikipagkita pa daw siya sa girlfriend niya.
Bumalik ako sa Cherry Blossoms Club, kahit antok na antok na ako. Doon,
nagtanong ako sa matabang guard na nasa trenta y otso hanggang kuwarenta y uno
ang edad. "Sir, kilala niyo po ba si Paulo? Dito po ba siya
nagtratrabaho?"
Kumunot ang noo ng sikyu. "Walang Paulo dito, Boss!"
"Ah, ganun po ba? Sige po. Thank you!" Tumalikod na ako.
Hindi pa rin ako naniniwalang napadaan lang doon si Paulo. Ang babaeng kausap
niya ang nasa isip ko. Parang pamilyar ang balikat niya. Maputi. Perpekto ang
hugis. Pambabaeng-pambabae. Birhen na birhen. Parang si Lianne.
Naipangako ko sa sarili ko na babalik ako doon. Kung hindi man aminin ni
Paulo at Lianne, aalamin ko nang hindi nila alam.
No comments:
Post a Comment