Dumating si Daddy sa school, bandang ala-una ng hapon. Tinotoo niya ang sinabi niya kagabi. Akala ko nagbibiro lang. Naabutan niya pa nga ako na naglilinis ng classroom, kasama ang mga kaklase ko.
"Red, ang Daddy mo." Si Gio pa nga ang nakakita sa kanya.
Nilapitan ko muna si Dad. tapos, nagbigay-galang naman siya kay Mam Valbuena. Walang alam ang mga kaklase ko. Alam lang nila na GPTA President ang ama ko.
Nang matapos ang paglilinis namin, iniwan na namin sina Mam at Dad. Hinintay ko siya sa may guard house. Nagbasa-basa muna ako sa bulletin board. Marami akong nalaman doon, gaya ng schedule ng Mr. and Ms. Campus Personality 2014 pati ng mga rehearsal, ang try-out para sa basketball varsity team, at marami pang iba.
Naalala ko din ang role ko sa school as SSG president. Tulad ni Daddy, kailangan ko na rin palang kumilos para maisakatuparan ko na ang mga pangako ko. Kailangan kong kausapin ang SSG adviser ko.
Interesado din akong mag-try out sa basketball. Kaya ko pa kaya?
Pagkatapos ng isang oras na paghihintay, dumating na si Daddy. Umuwi na kami. Hindi na daw siya babalik sa trabaho. Hindi naman siya nagkuwento tungkol sa kanila ni Mam. Nag-consult lang daw siya kay Mam.
Pagdating namin sa bahay, pareho kami ni Daddy na nagulat. Ang linis kasi ng bahay!
"Namali yata tayo ng bahay na inuwian, Dad!" biro ko nang makita ko ang sala namin na umaliwalas.
"Hindi! Tama tayo! Ayan si Dindee, o." Nagtawanan kami. "Swerte ng mapapangasawa nitong si Dindee. Ang sipag. Malinis sa bahay.." dagdag pa ni Daddy.
Nagtinginan kami ni Dindee. Namula ang pisngi niya. Paano ba namang hindi?! Itinuro ko ang sarili ko. Para kong sinabing ako ang mapapangasawa niya. Hindi ko naman iyon ipinakita kay Daddy. Kaya hindi nadugtungan ng biruan.
Sana may points ako kay Dindee...for telling my true feelings..
No comments:
Post a Comment