Date ni Daddy
Ngiting-ngiti si Daddy kaninang umaga. Halos umabot sa tainga ang ngiti. Habang nag-aalmusal nga kami ay panay ang text. Tapos, nagmamadali.
Nang naliligo siya, pinag-usapan namin siya ni Dindee.
"Pakinggan mo.." sabi ko kay Dindee. "..kumakanta pa sa banyo."
"Oo nga. Hindi kaya na-engkanto si Tito?" Nagtawanan kami.
"Baka nga! Kagabi lang nakabusangot ang mukha. Ngayon naman, sobrang aliwalas. Kakaiba.."
"Ganya ka din kaya, minsan.."
"Ako? Hindi, ah. Lagi akong nakangiti..lalo na pag nakikita kita."
"Nambola pa. Akala naman niya, magkakapoints siya."
Niyapos ko siya at kiniliti sa tagiliran. Panay ang pumiglas niya.Tigilan ko na daw siya. "Points ko muna.."
"Abusado ka, Redondo!" sabi niya nang binitiwan ko na. Halata namang kiniig sa ginawa ko.
Maya-maya, bumukas na ang pinto ng banyo. Nakangiti pa ring tumingin sa amin si Daddy. "Guys, may date ako."
"Whoaah! Astig ka, dad! Tinalo mo pa ako.."
"I know who's the lucky girl.." si Dindee naman ang bumanat.
Ngumiti lang si Daddy at pumasok na sa kuwarto. Tapos, sumilip siya sa pinto. "Abangan niyo na lang sa Yahoo." Narinig pa namin ang tawa niya sa loob.
Praning talaga si Daddy. Nagbibinata. Si Mam Valbuena pa ang naging biktima. Kawawang guro. Kawawa din ako pag nagkataon. Pag niloko niya si Mam, bagsak ako. Kakainisan ako. Hindi ako magkaka-honor.
Bahala na.
"Goodluck sa date mo, Daddy." Wala akong nasabi nang nakangiti siyang nagpaalam. Tapos, bumulong ako, "Goodluck kay Mam.."
No comments:
Post a Comment