Hulyo 1, 2014
Inagahan ko ang pagpasok sa eskwelahan para matapos ko ang LIS ko at magawa ko ang sa mga kasamahan ko. Pagdating ko, nagpapirma muna ako kay Mam ng minutes of the meeting kasi di niya napirmahan kahapon at nagpapirma ako sa mga trainer ng journalism. Kinuha ko rin kay Karen ang test questionnaire sa Filipino na ipapasa uli kay Mam Vale.
Natapos ko naman ang LIS dahil may Holy Spirit Mass na naganap kanina 10:30 hanggang 11:30.
Nag-summative test lang ako sa Math at Filipino. Hindi ako nagturo, siyempre. Mas napagod ako sa araw na ito. Idagdag pa ang pahabol na cover ng test questionnaire na tinext ni Mam Vale. Andaming hinihingi sa Filipino. Kainis! Mabuti na lang ay may certificate ako na natatanggap as coordinator, kung hindi, gi-give-up na ako.
Pumayag naman ang principal na magkakasama kaming tatlong Grade 5 teachers sa July 9-11 training. Sabay-sabay kaming mawawala sa klase.
Umalis na si Epr sa boarding house bago ako nakauwi. Kami na lang ni Eking ang magkasama. Si Ate Jennilyn naman ay nagtext kanina na makikituloy daw siya sa Huwebes ng gabi dahil maaga siyang pupunta sa PGH sa Friday. Pwedeng-pwede, ang sabi ko. Mabuti nga at wala na si Epr. Sikipan sana kami..
Hulyo 2, 2014
Medyo na-late ako sa pagpasok dahil sa okupadong banyo. Konti na lang tuloy ang nagawa ko sa school bago nagpasukan.
Nakausap ko lang si Mam Vi. Pinakita niya ang project niya at mga bata, na vegetable garden. Tapos, pinakiusapan niya ako na ituloy ko ang Tambuli. Sabi ko naman, itutuloy ko naman po talaga. Nainis lang ako sa isang taong paepal. Natuwa siya. Binigyan niya ako ng halamang nakapaso.
Malumbay ako buong araw. Masama ang dibdib ko. Nakapagturo lang ako ng Math sa Sections 1 at 2. Hindi na kasi nagpalitan.
Pinagpatuloy ko naman ang pagbabasa ng nobelang "Idolo" sa advisory class ko. Muntik na naman akong maiyak. Nakakaiyak talaga ang Part 2.
Natuwa naman ako pagkatapos ng klase. Iniabot sa akin ng principal ang invitation ng PETA (Philppine Educational Theater Association sa kanilang pa-contest sa storytelling. Kami ni Sir Erwin ang trainers. Ayos! Magkakaroon na naman ako ng panibagong opportunity at experience.
Pagod na pagod ako pagdating ko sa bahay. Nahiga muna ako. Mabuti at naisipan ni Eking na magsaing. Ipinahinga ko lang kaya nawala. Nakapag-online na ako.
Nainis naman ako sa text ni Emily. Humihingi ng panghanda ni Ion. Sabi ko, "Wala na nga akong makain, e." Kagabi lang may masamang balita siyang sinabi. May asthma daw si Ion sabi ng doktorang tumingin sa anak namin. Nakakapanlumo. Wala na ngang pera, may sakit pa..
Hulyo 3, 2014
Masama pa rin ang pakiramdam ko dahil sa sipon. Mabuti at nakabawi ako ng tulog kanina. Nang magising ako ng alas-sais, natulog uli ako. Alas-otso na ako nagising uli. Nagmadali naman akong pumasok para hindi ako ma-late.
Nagturo ako ng Math at Filipino nang pupungas-pungas. Masakit ang lalamunan ko pero pinilit kong maging klaro ang topic ko. Tapos, sinimulan ko na ang try-out para sa storytelling competition. Naging abala din ako sa kasasaway sa mga bata ko dahil nae-excite sila sa pagtulong kay Mam Rodel sa paggawa ng banderitas para bukas (opening ng Nutrition Month).
Hindi uli ako nagturo sa last section. Hindi ko alam kung kaya ko pa silang turuan. Hindi nila kayang tanggapin ang fraction. Changing Mixed Number to Dissimilar Fraction na kami. I think hindi nila kayang i-dig kasi multiplication nga ay hindi pa nila kaya. Back to basic talaga dapat kami. Mahihirapan talaga ako, lalo na't disturbed na sila dahil last period na. Uwian na ang nasa isip nila.
Ginabi ako ng uwi dahil, nagkabit pa kami ng banderitas. Tapos, natraffic pa ako.
Andito si Ate Jennilyn. Nakituloy siya dahil naka-schedule ang therapy niya sa PGH bukas. Hindi siya masasamahan ng pinsan niya. Nagkuwentuhan kami habang nagta-type ako. Naibida ko ang tungkol sa Wattpad ko. Sinabi ko rin na sana masimulan din ni Jing-Jing ang pagsusulat.
Hulyo 4, 2014
Muntik na akong ma-late kanina dahil nagising ako ng 5AM. Mabuti walang traffic. Kaya, nakapagkape pa ako bago nagsimula ang parada. Napicturan ko pa ang mga pupils ko na naka-head gear.
Medyo na-disaapoint ako sa head gear ng pupils ko. Walang artistically made. Wala ring nagdala ng maraming gulay at prutas. Gayunpaman, proud kaming nag-parade.
Pagkatapos ng parade ay may programa. Past nine nang nakaakyat na kami. Dahil may klase pa kami. Nag-recess muna sila at nagpagawa ako ng Math activity. pinasagot ko rin ang limang katanungan tungkol sa Nutrition Month habang nagsusulat ako. Nasimulan ko ang "Hijo de Puta", ang bago kong nobela sa Wattpad. Na-update ko rin ang "My Wattpad Pamangkin" dahil may nag-request na reader.
One-thirty, may meeting kami with Mrs. Deliarte. Tawa kami ng tawa nina Sir Erwin at Mam Diane. Ang kukulit talaga namin. Pero, gayunpaman, nakinig kami. Interesado ako dun sa part na 'Outstanding Teacher". Everybody daw is an applicant.
Nakauwi ako ng alas-kuwatro ng hapon. Puyat kaya nakatulog ako. Dumating lang si Eking kaya nagising ako at 6:30.
Nainis naman ako sa text ni Ate Ning. Nagtext na nga si Aileen na ibabayad ang P5000 sa tuition n Eking mula sa ipinadala nilang P15000, sinabi uli nila. Didoso! Nakakinis. Parang kukupitin ko. Diyos ko. Kung alam lang nila ang hirap na dinaranas ko sa anak niya.
Konting tiis pa. Ilang buwan na lang..matatapos na ang lahat ng ito. Magiging malaya na ako..
Hulyo 5, 2014
Nagbanlaw muna ako ng binabad ko kagabi saka ako umalis. Binayaran ko ang tuition ni Eking, gaya ng sabi nila, na paulit-ulit. Five thousand. Tapos, dumiretso na ako ng Gotamco. Doon ay naglinis ako ng classroom. Iniba ko ang seating arrangement. Medyo lumawak. Makakaikot-ikot ako sa bawat group.
Sumakit ang likod ko pagkatapos kong mag-gardening. Di na tuloy ako nakagawa ng iba maliban sa paggawa ng "Pupils' Corner". Nasimulan ko na ito. May mga naka-post na rin.
Umidlip din ako doon.
Panay ang text ni Emily. Humihirit ng five hundred. Alam ko gusto niyang maghanda bukas sa birthday ni Zillion. Naawa ako sa anak ko. Pero, kailangang kong tikisin para maturuan siya ng leksiyon. Isa pa, tiniripid ko ang pera dahil wala na. Hindi nga ako uuwi sa Bautista. Inaalala ko rin si Mama.
Nag-grocery ako sa Puregold bago ako umuwi.
Hulyo 6, 2014
Birthday ngayon ni Zillion. Apat na taon na siya. Parang kelan lang. Parang kelan lang--para kaming sina Maria at Josef ng Mama niya sa paghahanap ng matutuluyan. Nagsama-sama kami. Pero, naghiwalay din. That's life! Gayunpaman, umaasa akong magiging mabuting bata siya.
Nagtext ako kay Emily ng ''Happy Birthday, Zillion! I love you." Hindi nagreply si Emily. At nang subukan kong tumawag, hindi niya sinagot. Kaya, di na ako nag-try muli. Alam ko nagtampo siya dahil hindi ko siya pinagbigyan na padalhan ko kahit P500 lang.
Bahala siya..
Hindi naman ako masyadong naaalarma dahil hindi pa naman nauunawaan ni Zillion ang sitwasyon namin. Kahit paano ay nagkasama kami ng ilang birthday niya. Bongga nga ang first birthday niya. Kaya, hindi nila pwedeng balewalain ang mga effort at gastos ko.
Nag-Wattpad ako maghapon. Tapos, nasimulan ko ang bago kong book na Guni-Guni, isang koleksyon ng mga kuwentong katatakutan. Nakadalawang stories ako maghapon.
Hulyo 7, 2014
Maaga akong nakapasok. Nagbasa ako ng Wattpad stories ng ibang writers, habang naghihintay ako ng time.
Wala si Mam Diana at Sir Rey kaya walang palitan. Nagturo lang ako sa advisory class ko kahit mag halong Section 3. Umalis din si Sir Erwin, bandang ala-una dahil may meeting.
Nakaisip naman ako ng pampatahimik sa mga pupils ko. Pinagbabayad ko naman sila bawat grupo ng sampu kapag maingay. Ang maiipon namin ay gagamitin namin sa Christmas Party. Nakaipon kami ng P211 maghapon. Grabe! Gustong-gusto nilang mag-ingay para may party.
Nagustuhan naman nila ang groupings nila ngayon at ang bagong seating arrangement, as well as the Pupils' Corner. Inspired ang iba na maging behave dahil may nilagay akong pangalan ng Most Behave doon.
Nagpalitan kaming tatlo nina Sir Joel at Mam Nelly. Nakapag-Math ako sa Section Mercury.
Nang dumating naman si Sir mula sa meeting, halos malapit na mag-uwian.
Nang uwian na, tinawag ako ng principal. Gawa daw ako ng video presentation ng mga activities mula March hanggang sa kahuli-hulihan, na ipapakita sa mga HPTA Officers bukas sa kanilang meeting. Alam kasi niya na may mga pictures ako. Tinanggap ko naman ng maluwag ang trabaho. Kaya, pag-uwi ko, ginawa ko agad. Matagal nga lang, kaya di ako agad nakapag-update sa Wattpad ko. Ginawa ko pa kasi ang Minutes of the Meeting ni Sir Erwin.
Hulyo 8, 2014
Alas-dos ng madaling araw ay gising ako. Antagal kong nakatulog muli. Andami tuloy idea sa classroom ang naisip ko. Naisip ko ring ang mga clubs ko sa school at ang Pasyal-Aral. Nais kong buhayin uli ang mga iyon.
Six, gumising na ako para maaga akong makapunta sa Lakambini Diagnostic Center. Magpapa-medical ako. Required kami ng Division Office na magpasuri ng dugo, ihi at baga.
Ala-otso, nasa Lakambini na ako. Naabutan ko doon sina Mam Diana at Mam Roselyn. Umalis din sila pagkatapos ni Mam Balangue. Hindi na ako nagpahintay. Mabilis lang naman akong natapos.
Nagturo ako sa Section Mars at Mercury. Pero, dahil may GPTA Meeting, pinasabihan ako ni Mam Deliarte na i-take-over ang program dahil wala pa siya. Kaya, iniwan ko kay Mam Nelly ang pupils ko. Pero, bago ang GPTA, nauna muna ang Bethany Baptist Church. Nag-talk sila tungkol sa ''Parenting''
Naging photographer ako gamit ang Xperia ko.
Habang ginawa ko iyon, nakilala ko si Bro. Joel. Nilapitan niya kasi ako. Nagtanong-tanong tungkol sa akin, hanggang masabi ko na Baptist din ako at naghahanap ng magyayaya sa akin na magsimba. Kaya, Kinuha niya ang number ko at binigay niya rin ang number niya sa akin. Interesado talaga akong magbalik-loob sa Diyos.
Ipinakilala pa niya ako sa pastor nila pagkatapos. Binigyan din ako ng Bible at calling card.
Hulyo 9, 2014
Maaga akong umalis ng boarding house para hindi ako ma-late sa training ng Collaborative Writing. Natraffic pa ako sa Taft. Kaya, nag-tricycle pa ako papuntang PZES nang nasa Libertad na ako, kasi naroon na sina Mam Diana at Mareng Lorie. Kaya lang, postponed pala.
Nalaman namin sa kilala kong mukha at kay Mam Silva. Naroon naman ang coocrdinator ng EDSES na siyang pasimuno ng date na iyon pero hindi sila nag-inform sa akin o sa GES. Buwisit! Sinayang ang effeort ko at pamasahe ko. Bumaba bigla ang level ng excitement ko. Kahit pa matutuloy naman, iba pa rin kung sinabihan nila agad kami na hindi tuloy.
Gayunpaman, hindi kami masyadong nagpaapekto. Nag-almusal na lang kami sa Jollibee. Dumating naman si Sir Erwin habang kumakain na kami. Nagkuwentuhan at nagtawanan kami doon, hanggang sa dyip.
Kumpleto ang mga pupils ko. Natakot silang umabsent dahil sa head count na magaganap daw ngayong araw.
Nagturo ako sa klase ko ng Math at CBA although walang palitan. Nagpa-check-up din ako kay Dra. Rodriguez. Tama ako hula ko. May PTB na naman ako.
Nakita ko ang concern ng doktor na mapagaling ako. Niresetahan niya ako ng B-Complex. Ipapa-sputum test pa niya ako. Tapos, makikipag-usap pa siya kay Mam Deliarte. Later daw ay ipapatawag ako.
Ipinatawag nga ako. Nakaharap ko silang dalawa. Gusto ni Doktora na mabawasan ang gawain ko o wag na muna akong maghawak ng advisory class for one month. Recommendation niya lang daw iyon. Sinabi niya bago siya umalis.
Nag-usap pa kami ni Mam Deliarte. Inalam niya ang mga ginagawa ko sa bahay, ang kinakain at schedule. Sinabi ko na ayokong mabawasan ng gawain. Parang gusto niya kasing tanggalan ako ng mga trainorship. Kaya, sinabi kong mas nahihirapan ako sa Section 5 kasi pagdating sa time na iyon ay hinihingal na ako. Wala naman siyang final na decision. Sa akin pa rin nanggaling ang idea na gumamit ako ng vide presentation s apagtuturo para maka-cope-up ang Section 5 pupils. Gayunpaman, masaya ako dahil nakitaan ko siya ng concern sa akin. Paiinumin niya raw ako lagi ng malunggay shake. Ipangako ko daw na matutulog na akon ng maaga. I'll try po, sabi ko.
Sinabi ko sa mga bata ang tungkol sa planong pag-aalis sa akin as adviser for one monh. Ayaw nila. Aabsent daw sila ng one month. Kasi, maingay sila at magulo kaya tinatakot ko sila. Bigla naman silang tumahimik. Kaya, na-inspired naman akong mag-remedial reading bukas sa napili kong apat na pupils na nagtaas ng kamay. Gusto daw nilang pabasahin ko sila para malaman ko kung reader ba sila o hindi. Apat ag napili ko.
Nagkuwentuhan at nagtawanan na naman kami nina Sir Erwin at Mam Diana. Kinuwento ni Sir ang mga pangyayari sa panel interview at ranking niya kahapon. Naunawaan na namin siya.
Tumawag naman si ion sa akin. maingay ang mga bata kaya di ko naulinigan masyado ang sinasabi. Parang humihingi ng pang spaghetti at cake. Sabi ko na lang, pag may pera na. Natuwa naman ako kaya pinangakuan ko si emily na magpapa-LBC ako. Ipapadala ko sana ang Baguio City souvenir shirt at Cherry Mobile cellphone ko kaso cut-off na nang pumunta ako sa LBC.
Hulyo 10, 2014
Maaga uli akong pumasok. Magpapa-LBC kasi ako ng cellphone at damit ni Ion at magre-remidial reading sa pupils ko.
Hindi rin ako nakapagpadala dahil kailangang nakalagay sa plastic box ang ipapadala ko. Hindi naman ako nakabili dahil walang bilihan.
Natuloy naman ang remidial reading ko. Dalawa lang ang dumating --sina Evander at Marian. Kahit paano ay natuto sila sa remedial namin.
Nakapagturo ako sa dalwang unag period pero sa pangatlo, nag-walk out ako dahil naglabasan ang kalahati ng klase para mag-CR. Nainsulto ako. Pinagalitan naman sila ni Mam Diana. Kaya, naidlip na lang ako sa table ko. Naging tahimik naman ang mga pupils ko dahil maysakit daw ako. Hindi nila alam na antok lang ako dahil nagising na naman ako kagabi ng alanganing oras. Pero, masakit naman talaga ang dibdib ng mga oras na iyon.
Hindi ako nagturo sa Section one, dahil updated naman kami sa lesson. Sa last section na lang ako nagturo. Nakapamalo ako ng stick dahil nagtayuan sila habang nagtuturo ako. Natakot din ako kahit paano dahil napalakas yata ang palo ko. Pero, ipinaliwanag ko na nabastos ako sa ugali nila.
Natuwa naman ako dahil naunawaan nila ang lesson naming 'Adddition of Similar Fraction". Halos perfect nga sila sa quiz.
Nagturo naman ako ng publisher kay Jens. Siya na kasi ang bagong contestant sa Collaborative Writing. Hindi na siya sa Lathalain. Nagtampo naman si Marijo dahil pinagpalit ko ang category nila.
Hulyo 11, 2014
Medyo natagalan ako bago nakaalis sa boarding house dahil naglaba pa ako. Mabuti na lang at hindi pa traffic.
Second day of remedial reading. Si Marian at Marco ang dumating. Pinilit kong enjoy-in ang ginagawa ko kahit time-consuming dahil gusto kong matuto sila kahit paano. Malaki talaga ang problema nila sa pagbabasa, lalo na si Marco.
Nag-summative test lang ako. Wala rin kaming palitan kaya nakapag-training ako kina Marijo, Jens, Crisela at Robena.
Pagkatapos ng klase. Pumunta ako sa HP para pagamitin ng credit card si Mam Ana. Bumili siya ng tablet. Mabuti at umabot ang balance ko.
Mag-a-alas-otso na ako nakauwi.
Hulyo 12, 2014
Nakabawi ako ng tulog. Alas-nuwebe na kasi ako bumangon para mag-almusal. Napanis na nga ang bahaw kaya ang tortang giniling na pinabili ko kay Eking ay kinain ko na lang ng walang kanin.
Nag-Wattpad naman ako maghapon. Balak ko sanang pumunta ng Antipolo kaya lang naisip ko ang budget. Kailangan kong magtipid. Naaawa ako kay Mama pero wala akong magagawa. Sana lang ay patuloy naman ang pagsuporta nina Jano at Flor sa kanya. Tinext ko nga ang huli na bahala na siya kay Mama.
May bago akong Wattpad story na inumpisahan ko kanina. Ang title nito ay "Double Trouble". Tungkol ito sa fraternal twin na sina Dennis at Denise na hindi magkasundo.
Natutuwa naman ako sa Red Diary ko dahil 4000 plus na ang nakapagbasa nito. Nasa "Undiscovered" pa siya ng Wattpad.
Tumawag si Padi Maurice. Makikitulog daw siya mamayang gabi dahil makikipila siya bukas sa Bombo Radyo para sa libreng reading glasses. Mabuti din ako nakapunta ng Antipolo.
Hulyo 13, 2014
Alas-onse na dumating si Padi kagabi. Nagkuwentuhan pa kami. Mga pasado alas-dose na yata kami natulog. Tapos, nagising naman kami ng alas-singko para maligo na siya. Before six, nakaalis na siya. Natulog uli ako. Sa sobrang puyat, bumangon ako ng 9 AM. Sulit ang puyat.
Nag-Wattpad ako maghapon dahil ngayong gabi na mae-expire ang internet load ko. Gumawa ako ng bagong Wattpad stories -- ang "True Conversation" at "Liham, Lihim". Ang una ay ungkol sa usapan namin ni Gelay, my Wattpad pamangkin. Ang pangalawa naman ay koleksiyon ng mga sulat. Nag-update din ako ng iba ko pang stories at nag-copy-paste from blog to Wattpad and vice-versa.
Nakitulog uli si Padi Maurice kasi hindi pa niya natapos ang pakay niya sa Manila. Kakapusin daw siya kung uuwi at babalik na naman siya kinabukasan. Kailanagan pa kasi niyang pumunta sa PGH para sa eye check-up niya. Mabuti wala pa si Epr.
Nagpabili si Padi ng isang grande. Nalasing din ako kahit paano.
Hulyo 14, 2014
Antok na antok ako kaya 8AM na ako bumangon. Mainit na nga nang makarating ako sa Pasay. Sinadya ko iyon para di ako makapunta sa Cuyegkeng Helath Center. Ayoko kasing magpa-sputum test. Una, dahil nakakahiya. Baka may makakilala sa akin. Pangalawa, wala naman akong plema at ubo. Magiging negative lang uli ako gaya ng dati.
Tinext naman ako ng school nurse namin tungkol doon. Sinabi ko na alas-10 na ako dumating. Tapos, sabi ko, gusto ko sa private clinic na lang ako magpasuri. Gusto niya akong samahan sa ABES kaso may broadcasting elimination kami bukas.
Kaya, nag-train ako kina Aila, Josh, Vie at Marijo. Naroon din si Mareng Lorie. Handa na kami bukas.
Kaso, walang pasok bukas dahil sa Bagyong Glenda. Postponed na naman. Nakakawala ng excitement!
Hulyo 15, 2014
Dahil suspended ang klase, masuwerte si Fatima dahil naharap ko ang LIS niya. Tinitext niya ang info ng students niya habang ako ang naka-online at nag-e-encode sa LIS account nila. Mabilis lang sana matapos, kaya lang matagal siyang mag-send ng info. Inabot kami ng hapon. Nagalit pa yata sa akin dahil minadali ko siya. Brown out daw sa kanila kaya madilim. Masakit na rin ang kamay niya. Ako rin kaya. Sumakit din ang mga kamay ko. Hindi rin ako nakatulog. Muntik ko na naman ngang di mabayaran sa due date ang bill ko sa RCBC. Mabuti nakaabot ako sa bukas na BDO.
Hindi na siya nagtext. Anim pang student ang dapat naming i-enroll. Nang miniskol ko naman siya, nag-ring ang cellphone niya. Hmm.. Bahala nga siya.
Napanuod ko sa TV kung gaano kalakas ang bagyong Glenda. Kasinglakas daw ng bagyong Milenyo noong 2006. Kasalukuyan iyong nasa Cadcad kami nina Mary Jane at Hanna.. Naalala ko rin si Mama. Baka wala pa si Taiwan doon kaya wala siyang kasama. Wala akong magagawa. May alaga akong dapat bantayan.. God bless her na lang..
Hulyo 16, 2014
Mag-aalas-otso na ako nagising. Gumahagupit pa rin ang bagyo. Pero, parang mahina lang. Hindi nga ako nagising agad. Kung di lang maingay ang mga tao sa labas ay hindi ako magigising. Pero, nang mapanuod ko ang balita sa TV, marami pala ang nasalanta. Mas malakas pa daw sa Milenyo.
Maghapon akong nag-Wattpad. Apektado lang ng bagyo ang signal kaya medyo konti lang ang nagawa ko. Umidlip na ang ako. Paggising saka ko na lang ipinagpatuloy. Mabuti at bumalik ang malakas na signal ng net.
In-announce na, na wala na namang pasok bukas ang kinder hanggang high school kaya naisipan kong dalawin si Mama. Maya-maya, naalala ko ang birthday ni Hanna. Tiyempo ang punta ko. Nagdesisyon akong sunduin ang dalawa kong anak para magkaroon kami ng konting salu-salo. Tinext ko si Flor para masabihan niya si Mary Jane. Pumayag naman ang ina.
Sana magkasya ang pera ko. Two thousand na lang ang pera ni Eking. July 22 pa ang sahod ko. Bahala na. Gagawan ko na lang nga paraan. Ang mahalaga ay mabigyan ko ng selebrasyon si Hanna. Humihingi din kasi siya ng pambili ng girl scout uniform. Baka hindi ko na lang bigyan ng pera si Mama para sa pagkain niya. Tutal, darating na naman si Taiwan.
Hulyo 17, 2014
Alas-sais ay bumangon na ako para maghanda sa pagpunta sa Antipolo. Alas-siyete na ako nakaalis kasi nagplantsa pa ako ng polo ko. Alas-nuwebe, nasa Rancho na ako. Nakabihis na sina Hanna at Zildjian nang datnan ko sila sa bahay nila.
Nandoon si Nanay, Tatay, Mj at ang pinsan niya, na anak ni Tata Roming.
Hindi na kami nag-aksaya ng oras. Umalis agad kami. Kaya, 10AM, nasa Bautista na kami. Nagulat si Mama sa pagdating namin. Nakalimutan niya na birthday ngayon ng apo niyang panganay. Tuwang-tuwa siya.
Bumili lang ako ng Goldilocks cake at ube bread at Jollibee spaghetti. May pineapple din. Yun lang ang pinagsaluhan namin. Pero, masaya na kami. Kahit paano ay nairaos namin ang kaarawan ng anak ko. Nine years old na siya. Parang kailan lang.
Nakibonding ako sa kanila ng sandali. Pinaglaro ko ng tablet ko si Zj. Kay Hanna naman ang Xperia ko. Kaso, nalowbat agad ang tab kaya binawi ko na pareho. Si Mama na lang ang nag-aliw sa kanila. Naidlip naman ako.
Bago kami umalis, bandang 3PM, nag-pictorial muna kami ni Hanna. Kinuhaan ko siya suot ang mga nakatabing dress ni Mama para kay Hanna. Na-miss ko kasi siyang picturan. Gusto ko ring may picture siya sa mismong birthday niya. Ayos naman. Medyo nahihiya lang siya mag-pose.
Since, nagsabi si Mj na ipa-cleaning ko ang naninilaw na ngipin ni Hanna, kanina, ginawa ko. Dumaan kami sa dentist ko, bago ko sila hinatid. Nagbayad din ako ng P300. Hindi ko na nga binigyan si Mama. Naunawaan naman niya. Nagbigay pa kasi ako ang pambili ng girl scout uniform ni Hanna (P500).
Naubos din ang Mahigit P1600 ko ngayong araw. Bale, P600 na lang ang tira. Ilang araw pa namin iyon ni Eking. Sana di madelay ang suweldo ko. God bless us..
Okay lang. Masaya naman ako ngayon. Napasaya ko rin ang mga anak ko at ang pamilya nila.
Hulyo 18, 2014
Wala pa rin pasok kaya eight na ako bumangon.
Pagkaalmusal, Wattpad na ang inatupag ko. Nag-edit din ako ng mga pictures nina Hanna kahapon. Sumali din ako sa Mobile Photography contest.
Nainis ako sa ulam naming pritong daing na bangus. Amoy-gilik! Buwisit! Pati ang dighay ko ay amoy-gilik din! Putik! Ang tindi ng amoy.
Hindi pa rin ako tinitext ni Fatima. Nagtampo na siguro. Para yun lang. Pareho naman kaming napagod sa katetext. Ako nga, nag-encode pa sa laptop ko. Siya ay text lang. Bahala siya! Busy ako sa pagsusulat kaya hahayaan ko na ang siya.
Nang napagod ako sa pag-update ng blog at Wattpad ko, nanuod naman ako ng Voice Kids. Tulo ng tulo ang luha ko habang pinapanuod ko ang mga performances nila. Nanuod din ako ng dating Voice. Nakakatouch. Nahiling ko tuloy sa Diyos na sana isa man lang sa mga anak ko ay maging singer pagdating ng panahon.
Hulyo 19, 2014
Nagising na ako ng bandang alas-8, pero bumangon ako ng bandang quarter to nine. Binuksan ko kaagad ang laptop at nag-FB ako. Marami-rami na kaagad ang bumati sa akin. Pero, si Emily ang unang nagtext message sa akin.
Thirty-four years na ako sa mundo. Ang bilis ng panahon. Andami ko na ring pagsubok na napagtagumpayan at sinukuan. Marami na ring karanasan ang nagpahina at nagpalakas sa akin. Napakarami na rin akong laban na napanalunan at pinatalo. Gayunpaman, patuloy pa rin akong umaasa na balang araw nakakamit ko ang pangarap na minimithi ko. Masaya na ako dahil unti-unti ko nang nagagawa ang mga gusto ko, gaya ng pagsusulat. Dati-rati ay hanggang sa notebook lang ako o kaya sa likod ng bond paper na may sulat na, ako nagsusulat ng mga akda ko. Ngayon, direkta na sa internet. Wala na akong takot na baka mawala, mabasa, masunog o manakaw. Napakagandang pagkakataon para maabot ko ang pangarap ko.
Hulyo 20, 2014
Marami pa rin ang bumati sa akin. Nakakataba ng puso. Magahapon akong nag-thank-you sa bawat late greeter. Kahit late, nagawa pa rin nila akong pasayahin.
Marami-rami rin akong natapos na chapters ng mga Wattpad stories ko. Ang bilis ding dumami ang 'reads ng "Apokalipsis" at "Red Diary". Red number na rin ang screenplay ko. It means, umabot na ng isanlibo ang nakabasa. Malapit na ring mag-6000 reads ang "Red Diary". Nakakatuwa. Nakaka-inspire magsulat. Kaya, kahit anong mangyayari, kailangan kong mag-update. Hindi ako pwedeng walang internet connection.
Bandang alas-dos, dumating si Epr. Hindi man lang nagtext, kaya nagulat ako. Saved by the bell. may mauutangan ako bukas.
Hulyo 21, 2014
Maaga akong pumasok. Alam ko kasing marami akong aayusin sa classroom ko. Hindi nga ako nagkamali. Pinasok ng mga dahon ang silid-aralan ko. Nagkandahulog din ang mga nakapatong sa cabinet ko. Konti lang naman. Kaya, hindi ako nahirapan. Nakapag-print pa nga ako ng lesson plan. Ayoko na kasing magsulat. Nakapag-internet din ako sa baba at nakapag-install ng photo editor at nakapag-post ng photo as entry sa mobile photography contest.
Habang ginagawa ko iyon, dumating si Mam Evelyn. Kinumusta niya ang health. Kailangan ko pa rin daw talaga magpa-sputum test kahit wala akong phlegm. Huwag daw ako magpaka-stress at mag-isip palagi.
Maya-maya, maraming memo ang ibinigay sa akin ni Mam. Nag-text din ang district Filipino coordinator ko. May meeting daw kami ng 1:30.
Nakapagturo pa ako sa advisory class ko at sa Section 1.
Sa meeting, na-stress ako sa mga contests sa District Buwan ng Wika 2014. Sabayang pagbigkas ang napunta sa Grade 5. Ang hirap ituro, although nakapagturo na ako last year. Kaya pagdating ko, kay Mam Diane ko siya ibinigay. Tuwang-tuwa naman siya. Tutulungan na lang namin siya ni Sir Climacosa.Nagsimula na nga kaming magturo. Excited kaming tatlo.
Ako naman ang magti-train ng Tagisan ng Talino at Masining na Pagkukuwento. Nakuha ko sina Aila at Katherine.
Hulyo 22, 2014
Nagising ako sa tawag ni Mareng Lorie. Tumawag daw ang ABES. Tuloy ang broadcasting district elimination. Nagmadali akong naghanda sa pagpasok. Before 8 ay nasa school na ako, kahit kulang ako sa tulog dahil nahirapan akong makatulog muli kaninang alas-dos dahil sa ingay sa labas ng kuwarto.
Before nine ay nasa ABES na kami. Kaso, hindi pa umiinit ang puwet namin sa upuan, sabi ng Mam Jenny ay hindi daw tuloy dahil tour ng JRES. Hindi makakadalo ang mga kalahok. Alam naman daw ng principal namin. Hindi kami sinabihan. Nasayang ang punta ng mga bata. Bumaba na naman ang excitement ko. Mabuti na lang at nandun ang school nurse namin. Dun siya naka-duty kaya inindorse niya ako sa Leveriza Health Clinic para sa sputum test. Nagpakuha ako. Ipinauna ko na sina Mare at mga bata dahil kailangan kong maghintay ng isang oras para sa 2nd sputum specimen. Nakipagkuwentuhan ako habang naghihintay.
Nagturo kami ng Sabayang Pagbigkas maghapon. Medyo nakarami kami kanina ng natapos. Ilang araw na lang ay buo na.
Hulyo 23, 2014
Maaga akong umalis ng boarding house para makapagpadala ako ng maaga kay Emily through Palawan Express Pera Padala. Nagawa ko naman bago mag-alas-otso. Tapos, maaga kaming nakapunta sa ABES para sa Radio Broadcasting District Elimination.
Nagsimula ang elimination bandang 9:30. Habang tini-test ang mga kalahok sa kanilang typing skills, kami namang mga trainers ay nagkuwentuhan. Kami pa rin ang trainers, maliban kay Mare. Pinalitan naman si Mam Fatima ni Mam Shiela sa JRES. Sa umpisa pa lang ng broadcasting ay naging masaya na kami.
Masaya sana ako ng lubos kung nakuha rin pati si Marijo. Siya lang kasi ang hindi nakuha. Nakuha sina Aila, Vie at Josh. Nalungkot ako, gayundin si Marijo. Naiyak nga daw sabi ng mga kaklase. Wala naman akong magagawa dahil kailangan naming kunin ang nag-iisang lalaki na sumali sa elimination, na isa namang broadcaster last year ng West District team.
Ayaw niyang magsalita nang inaalok namin siya ng Science Reporting category.
Maya-maya, nag-practice namin kami ng sabyang pagbigkas. Gumaganda na. Isa't kalahati na lang bukas ang tatapusin namin. Masaya namin itong ginawa kaya kahit mahirap at nakakapagod sa boses ay nag-eenjoy kaming lahat.
Dahil siguro sa sobrang pagod, umuwi akong masakit ang ulo ko. Kaya ng dumating ako sa boarding house, uminom ako ng Paracetamol at umidlip. Kalahating oras lang ang lumipas, nawala na ang sakit. Nakapagbabad na ako ng mga damit.
Sa sobrang busy din, hindi ko na-reply-an ang mga text ni Emily. Ibinalita niya kasi ang magandang performances ni Ion sa school. Natutuwa naman ako. Kahit paano ay nawawala ang pagod at stress ko.
Hulyo 24, 2014
Nagbanlaw ako ng mga binabad na damit kaya medyo tinanghali ako ng dating sa school. Gayunpaman, nagawa ko ang mga dapat kung gawin, gaya ng pagkuha kay Alyssa bilang kalahok sa Tagisan ng Talino- District at pakikipag-usap kay Mam Evelyn tungkol sa demo teaching ni Mare at ang K12 training ng Grade 4 teachers.
Hindi pa time, nag-text ang District Filipino Coordinator ko. May meeting daw kami ng 2PM ngayong araw.
Sa meeting, nalungkot ako dahil hindi na magkakaroon ng district competiton para sa limang category. It means, masasayang ang mga efforts naming trainers, lalo na ang mga pupils namin sa sabayang pagbigkas. Nahalata ako ng mga co-coordinators ko. Pero, wala na akong nagawa. Mabuti na lang nabunot ko ang Tagisan ng Talino. Ako pa rin ang trainer. Masuwerte si Alyssa dahil naging-division ang level ng contest na sasalihan niya.
Nag-practice pa rin kami kahit tinatamad na kaming ipagpatuloy, since, gusto pa rin ng mga bata na ituloy namin ang performance para sa school celebration ng Buwan ng Wika.
Uwian, nalibre ako, si Mam Diane at Mam Jing ni Sir Erwin sa isang carinderia. Nagkaroon ako ng gana dahil sa aming bonding at tawanan.
Sobrang antok ko naman sa dyip habang pauwi ako dahil napuyat na naman ako kagabi. Marami na ang nakakapansin ng pagpayat ko. Grabe na ang ihinulog ng katawan ko. Dahil ito sa kakulangan ng tulog at pahinga. Kahapon nga ay masakit ang ulo ko nang umuwi ako. Uminom pa nga ako ng paracetamol.
Ngayon lang din nag-text si Paz. Nag-sorry siya. Bigla daw nawala ang signal kaya nahinto ang pagtext niya ng info ng students niya. Okay lang ang sabi ko.
Hulyo 25, 2014
Hindi kami nagpalitan dahil paalis si Sir Erwin. May practice sila sa JRES ng storytelling. Nag-summative test ako sa advisory class ko. Nagturo ng Character Ed. Tapos, binantayan ko sila maghapon habang nagsusulat ng info sa report card. Nag-train din ako kay Alyssa para sa Tagisan ng Talino.
After class, pumunta kami nina Mareng Lorie and his mag-ama, Pareng Joel at Mareng Joyce sa SeaSide dahil invited kami ni Mareng Mia sa kanyang blowout. Ipakikilala din kasi niya ang kanyang fiance na si Aldrin. First time namin siyang makikita at mami-meet. Dumating din si Pareng Lester nang nagkakainan na kami.
Nabusog ako. Nalasing. Natuwa sa tawanan at kulitan. Ayos talaga ang Spies Group. Pero, nasobrahan yata ako sa busog dahil sinikmura ako. Nawala lang ilang nang nakauwi na ako. Mag-aalas-diyes.
Maaga akong gigising bukas dahil may training kami nina Sir Erwin at Mam Diane sa Trece Martirez, Cavite.
Hulyo 26, 2014
Nagising ako ng bandang alas-tres kanina. Masyado pang maaga kaya natulog uli ako. Kaya lang alas-singko na ako muling nagising. Hindi ko narinig ang alarm. Ang ginawa ko, hindi na ako naligo dahil alas-sais ang usapan namin na magkikita sa EDSA. Hindi na rin ako nakapagkape.
Mabilis ang dyip. Nakarating ako ng quarter to 6. Ako nga ang nauna sa tagpuan.
Maya-maya lang nasa bus na kami nina Sir Erwin, Mam Diane, Mam Roselyn at Sir Arsenio. Maaga kaming nakarating sa Trece Martires, Cavite. Na-meet pa namin ang mga principals at ASEP President sa HE room ng school na pinagdausan ng training. Pinag-almusal kami. Swerte namin dahil hindi pa kami kumain.
Professor ni Sir Erwin ang nag-invite sa kanya sa tarining na iyon. Tungkol ito sa Damath, Sudoku, SIP, SIM at Rubic's cube. Lahat maganda. Pero, isa lang ang pinili naming pasukan--ang Science Investigatory Project o Science research.
Tuwang-tuwa kami kasi bago nagsimula ang kanya-kanyang training, binigyan na kami ng certificate ni Dr. Fruit Godoy, ang ASEP President at professor ni Sir Erwin sa EAC. Swerte!
Nakinig lang na kami ng konti sa speaker, tapos umalis na kami. Mahirapan lag kami dahil bumuhos ang malakas na ulan. Natagalan din kami biyahe dahil sa pahinto-hintong bus. Alas-una na kami nakapag-lunch. Alas-kuwatro naman ako nakauwi sa boarding house.
Naasar ako sa alaga ko. Iniwanan ko ng pambili ng tubig pero hindi bumili Pinang-computer lang ang pera. Nakakauyam na! Tapos, di man lang nakapaglinis ng kuwarto. Andaming buhok sa sahig. Nakakapuno na..Pero, pipilitin ko pang magtimpi.
Hulyo 27, 2014
Alas-nuwebe na ako bumangon. Sa tingin ko, nakabawi na ako ng tulog. Kaya lang masakit ag likod ko. Andami kong lamig sa katawan. Pinahihirapan ako ng mga ito sa aking pagtulog.
Sinimulan ko ang paggawa ng test questionnaire sa Math. tapos, nag-update din ako ng Wattpad stories ko. Nasimulan ko na ang Alter Ego'. Ito ang nobelang natapos ko na noong 2000, ngunit nawala lang ang manuscript. Hindi ko man ito magaya, verbatimly, pipilitin ko naman na mas mapaganda ko ang kuwento ko.
Nakaidlip ako bandang alas-2 ng hapon, hanggang sa dumating si Eking, na galing sa pagko-computer.
Tinext naman ako ni Paz na tapusin ang LIS niya. Tinapos ko ito. Hindi niya daw alam kung paano ako pasalamatan. Wala na akong ganang makipagext sa kanya. Ramdam ko na gingamit niya lang ako.
Hulyo 28, 2014
Alas-siyete y medya ay nasa school na ako para sa Broadcasting Training namin sa ABES. Nag-almusal lang ako sa canteen, tapos umalis na kami nina, Josh, Aila at Vie. Kami ang pinakaunang dumating doom. Akala ko nga ay postponed na naman.
Nakapagsimula kami ng past 8:30.
Masaya ako dahil sina Aila ay international news presenter. Siya din ang scriptwriter. gaya ni Aila, si Vie ang international. Pero hindi siya ang scriptwriter sa English. Si Josh ay sportscaster. Masaya na ako dahil wala sa kanila ang nakuha bilang technical. Ayoko nang magdala ng magdala ng laptop at printer.
Pinakanta naman namin sina Vie at Josh. Natuwa ang lahat sa kanta ni Josh. Ganda ng boses. Sana magamit namin iyon sa infomercial.
Pagdating ko sa school, kinausap ko uli si Mam Evelyn kahit nakausap na ni Mareng Lorie. Nagtanong din ako tungkol sa Buwan ng Wika. Kaya, pag-akyat ko, gumawa na ako ng matrix of activities. Na-print ko na ito at ng iba pa. epro di ko pa napapirmahan dahil wala si Mam. Ready na ako sa Wednesday. Approval na lang ng principal at ng mga Filipino teacher lalo na ng mga guro na sinangkot ko sa programa. Ayokong masyadong mapagod kaya pinaghati-hati ko ang trabaho.
Hulyo 29, 2014
Walang pasok. Nakagawa ako ng questions sa Tagisan ng Talino both para sa division at school. Hindi ko nga lang natapos ang Madali. Tapos, 15 questions lang na madali ang nagawa ko para sa school Tagisan ng Talino. nakapag-update din ako ng stories ko. Natapos ko na rin ang test ko sa Filipino. Nainis nga ako dahil na-corrupt ang una kong gawa. Hindi na-save. Kaya twice akong nag-type.
Hindi tuloy ang training namin bukas. Mabuti naman para makausap ko ang mga kaguro ko sa Filipino. Masisimulan ko na rin ang paghahanap ng mga kalahok.
Hulyo 30, 2014
Kahit hindi tuloy ang broadcasting training namin ngayon, pumasok pa rin ako ng maaga. Paano bang hindi? E, andami ko pa lang gagawin. Deadline na ngayon ng Language Mapping, Tagisan ng Talino at List ng Teachers na mag-ti-training for K-12 Grade IV.
Pagdating ko, hinarap ko kaagad. Nagawan ko pa nga ng tula si Mam Milo. Para daw sa lolo niyang namatay.
Natapos ko naman lahat, pati ang mga papers about Buwan ng Wika na papipirmahan ko sa prinsipal. Grabeng trabaho ng Filipino Coordinator.
Hindi ako nagturo. Nakipag-cocoodinate kasi ako sa mga Filipino teachers na binigyan ko ng papel sa Buwan ng Wika. Tapos, naghanap na rin ako ng contestants. Nag-train pa ako kay Alyssa. Kumuha din ako sa klase ko ng folk dancers na tuturuan ko sa Linggo ng umaga para ipanlaban sa patimpalak sa pagsayaw
Pag-uwian, nag-practice namin kami ng sabayang pagbigkas.
Hindi ako napagod. Naramdaman ko lang na namamayat ako ng husto. Natatakot na naman ako sa mukha ko. Unti-unti na namang bumababa ang kumpiyansa ko sa sarili ko. I think, kailangan ko ng inspirasyon...
Hulyo 31, 2014
Maaga pa lang ay gising na ako para sa unang araw ng training namin sa division office about collaborative writing and science and health reporting. Nagbanlaw muna ako ng binabad na damit.
Ako ang pinakaunang dumating sa DO sa aming apat nina Sir Erwin, Mam Diane at Mareng Lorie. Gayunpaman. di sila late.
Nine na nakapagsimula ang seminar-workshop. Kuwela ang speaker na si Ms. Josephine Bonson. Inspiring siya at witty. Marami kaming natutunan. Mahusay siyang resource speaker. Kaya naman, napili ang science feature ko bandang huli, although bigo naman ako na mapili ang science news ko na mapili as isa sa mga magagandang gawa. Nakatulong talaga siya sa pagkakaroon ko ng panibagong idea. Nagkaroon din ako ng info about journalism, because she's not jus a MT II. She's also a journalist and blogger. Someday, mahihingian ko siya ng mga payo at tips on how to grow professionally as journalist and as blogger.
She also accepted my friend request sa FB.
Followers
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Si Jess at ang mga Batang Alpha -- Martino #1
Bilang mag-aaral sa Grade 6, nahihirapan si Martino sa kaniyang mga aralin, lalo na’t apektado siya ng mga problemang pampamilya. Hindi siya...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment