DENISE' POV
Nakakaasar si Dennis! Hindi porket siya ang panganay sa aming dalawa ay lagi ko na siyang susundin. May karapatan din naman akong sumuway sa kaniya. Hindi naman siya ang magulang ko.
Oo! Nagsinungaling ako, na nasa school library ako, pero hindi naman iyon mahalaga. Ang importante ay makauwi ako bago mag-alas-siyete para hindi ako mahuli nina Papa at Mama. Kung isusumbong niya ako, aayawin ko siya.
Kasama ko sina Gerrie, Anna, Tom, Ricky, at Alexander. Nag-online games lang naman kami. Wala namang masama roon. Hindi ko naman ninanakaw ang panlaro ko niyon. Tinitipid ko ang allowance ko para may pambayad ako sa internet shop.
Mabuti na lang, hindi niya ka-close ang tropa ko. Although, magkakaklase kami, hindi namin siya tropa. Para kasi siyang nerd. Puro aral ang nasa isip. Ano kaya ang mapapala niya kung mapuno niya ng medalya ang bahay namin? Boring siyang kasama.
Kung magtanong man siya sa tropa ko kung ano ang ginagawa namin pagkatapos ng klase, tiwala akong hindi pipiyok ang mga iyon dahil matagal ko na silang na-orient. Nasa akin ang loyalty nila.
Alas-singko, nakauwi na ako. Nagwawalis siya sa sala. Sipag-sipagan na naman. Sipsip talaga. Gusto laging napupuri ng mga magulang namin. Kaya, siya ang paborito. Siya ang magaling. Siya ang masipag. Siya ang mabait. Siya ang matalino. Siya na. Kaniya na!
No comments:
Post a Comment