Followers

Saturday, July 5, 2014

GUNI-GUNI: Embalsamo

Namatay ang aking ama sa di-inaasahang panahon. Hindi pa rin marahil siya handang mamatay. Kaya, ako mismo ay natakot sa kanyang pagpanaw.
Nasa Maynila noon ang aking ina. Nagtratrabaho para sa aming magkakapatid. Tinawagan na siya ng mga kamag-anak namin. Inasikaso ko naman ang bahay na alam kung dadagsain ng mga makikipaglamay. 
Hindi naman ako makalapit sa embalsamador habang ginagawa ang nakakatakot na operasyon. Inilayo ko na lang ang bunso kong kapatid. Ngunit, ipinatawag ako upang maghukay ng paglilibingan ng mga damit na ipinampunas sa mga dugong inialis sa katawan ni Papa. Kusa kasing nabasag ang botelyang gallon na may lamang dugo kaya umagos sa sahig ng aming kuwarto.
Halos manginig ako sa takot at sa iyak habang naghuhukay ako at habang nakikita ko ang mga damit na punong-puno ng pulang-pulang dugo. 
Hindi ako nakapaghukay ng malalim sa sobra kong takot. Pinagkasya ko lang ang mga damit at kinubabawan ko lang ng iba pang lupa na pinala ko sa ibang bahagi. Halos gusto pang lumabas ng ibang damit. 
Malapit nang magdilim, hindi pa ako tapos. Saka pa lang inilabas ang unang may dugo at ang papag na kanyang hinigaan habang iniembalsamo. 
Grabe ang takot ko. Alam ko, nagparamdam siya ng kanyang pighati. Hindi pa siya talaga handang mamatay.
Gabi, nabihisan na ang bangkay ng aking ama. Pero, hindi pa rin nailalagay sa kabaong dahil wala pang mahagilap na pera. Nasa biyahe pa lang si Mama.
Tinawag ako ng asawa ng kapatid ng tiyahin ko. Ilagay ko daw ang sampung pisong papel sa ulunan ni Papa para suwertehin siya sa sugal mamayang gabi. 
"Ayoko po. Kayo na lang po.." sabi ko. Takot na takot akong hawakan ang bangkay.
"Parang di mo naman siya ama." sabi pa ng duwag namang tiyuhin ko. Sana siya na lang ang gumawa. Tutal, sila naman ang madalas magkainuman.
Ginawa ko pa rin. Nanginginig ako nang iangat ko ang ulo ng bangkay. Ramdam ko ang bawat hibla ng kanyang buhok. 
"Ayan! Ayos! Suswertehin ako mamaya sa pusoy!" bulalas ng duwag. Mas matapang pa ako sa kanya.
Nailagay na sa kabaong ang bangkay ng aking ama. Tanging kandila at liwanag mula sa Petromax ang tumatanglaw sa buong kabahayan. Wala pang sampu ang nakilamay. Umuwi pa ang iba. Nakakatakot ang lugar. Parang walang gustong makiramay sa amin. Wala ring nagsugal. 
Sa sobrang pagod at antok ko, hindi ko pa ring nagawang matulog sa loob ng bahay. Pakiramdam ko, babangon si Papa. Sasakalin kami.
Wala na kaming papag. Inihiga doon kanina ang bangkay. Ayokong mahiga doon. Sobrang liit pa ng kapatid kong bunso. Grade six naman ang isa ko pang kapatid. Kaya, pinagkasya namin ang sarili namin sa love seat na monobloc sa labas ng bahay. Pinagtiyagaan ko ang lamig at ang kagat ng lamok. Hindi rin ako nakatulog habang himbing na himbing naman ang kapatid kong bunso.
Kinabukasan, dumating si Mama. Nanangis siya. Pero, tanggap na niya ang nangyari, sa biyahe pa lang daw siya. 
Sa mga sumunod na gabi, nakakatulog na ako sa loob ng bahay. Biglang lumiwanag sa paningin ko ang kabahayan sa pagdating ng aking ina. Totoo nga na ang mga ina ang siyang ilaw ng tahanan. Dumami na rin ang nakikilamay. Nagkaroon ng mga sugal sa bakuran namin. Nawala ang takot ko sa dilim. Ngunit, sa huling lamay, tinawag ako ni Mama, na nasa harap ng kabaong. Sumama rin ang pinsan ko. Tingnan daw namin ang mukha ni Papa. Nakita ko.. naaagnas. Hindi iyon katulad ng mga nakaraang gabi. Hindi kami nagsalita. Huwag daw naming pansinin.
Nang matapos ang libing saka ko lang tinanong ang pinsan ko kung napansin niya ang naaagnas na mukha ng bangkay. Hindi raw. Alam ko, isa iyong paraan para magparamdam ang aking ama. 
Kinahapunan, bumiyahe ako patungong Maynila kasama ang isa kong pang pinsan. Masalimuot ang nangyari kaya ipinalayo kami ng kuya ko sa lugar na iyon.
Ilang taon ang lumipas, bumalik ako. Masalimuot pa rin ang buhay. Natanggap man ni Mama ang pagkamatay ni Papa, pero hindi ang aking ama. 
"Muntik na akong mawalan ng malay.." pagkukuwento ni Mama. "Nadulas ako dito, isang linggo ang lumipas pagkatapos ng libing." Itinuro niya ang kanto ng semento kung siya nakatama. "Dumugo itong noo ko. Grabeng dugo. Gusto niya akong isama."
Hindi ako nakapagsalita. Naawa ako sa aking ina.
"Ayoko pa." aniya. "Marami pa akong obligasyon sa inyong magkakapatid. Kinausap ko na siya. "
Simula noon, wala ng kuwentong aksidente si Mama. Nagpaparamdam na lang daw sa kanya si Papa. Marahil ay tanggap na rin nito ang maaga niyang pagkamatay. 

No comments:

Post a Comment

Si Jess at ang mga Batang Alpha -- Martino #1

Bilang mag-aaral sa Grade 6, nahihirapan si Martino sa kaniyang mga aralin, lalo na’t apektado siya ng mga problemang pampamilya. Hindi siya...