Followers

Sunday, July 6, 2014

Red Diary 27: Throwback

Nag-enroll kami ni Gio kanina. Tapos, dumating naman sina Nico at Rafael. Nakapag-enroll na sila nang mas maaga. Gusto lang nilang maki-jamming sa amin. Sumama sila sa bahay. Nagkainan kami ng seefoods na dala ko. Mabuti at may natira pa, kundi napahiya ako. Naubos nga lang ang isang kalderong kanin na sinaing ko. Ang tatakaw talaga ng barkada ko! Pati iba pang stock sa ref, nilimas. Yari ako kay Daddy… Kaya, bago mag-alas-tres, tinaboy ko na sila. Sabi ko, darating nang maaga si Daddy. Nagpulasan. Akala mo mga dagang takot sa pusa. Hindi naman nangangain ng tao si Daddy, e. Alam kasi nilang pananamantala ang ginawa nila. Sa akin, okay lang naman… Hindi naman kami maramot ni Daddy, lalo na pagdating sa pagkain. Masaya nga kami, kapag may bumibisita sa amin. Malungkot naman kasi, ‘pag kaming dalawa lang lagi ang magkasalo sa hapag. Naitatanong ko nga sa sarili ko minsan, "Kailan kaya mag-uuwi si Daddy ng makakasalo namin araw at gabi?" Laos na ba si Daddy sa chicks? O baka bumubwelo lang? Kung ano man ang sagot, ‘di ko parehong gusto. Mas gusto ko pa rin na magkabalikan sila ni Mommy. Malulubos ang saya ko, kapag nangyari iyon. Nung isang araw, naisip ko na baka ang pagiging broken family ko ang dahilan, kung bakit ayaw na akong i-text ni Riz. Siguro ay mas gusto niya ang kasintahan na may buo at matibay na pamilya. Kahit ako naman siguro ang babae, mas pipiliin ko ang ganun. Nagkasya na nga lang ako sa pag-post ng family pictures namin. Throwback. Bata pa ako sa litrato, kaya throwback. Nag-a-assume na buo ang family ko. Makakatulong din marahil ito pagdating ng araw. Malay natin, ma-guilty ang Daddy at Mommy ko. Iisipin nila na naghahangad ako ng kanilang pagbabalikan. Idinadaan ko na lang sa ganun. Totoo naman. Gusto kong mapansin nila ang gusto kong sabihin sa kanila na hindi ko naman masabi sa personal.

No comments:

Post a Comment

Si Jess at ang mga Batang Alpha -- Martino #1

Bilang mag-aaral sa Grade 6, nahihirapan si Martino sa kaniyang mga aralin, lalo na’t apektado siya ng mga problemang pampamilya. Hindi siya...