Followers

Tuesday, July 8, 2014

Red Diary 43: Inspirasyon

Habang sarap na sarap kaming naghahapunan ni Daddy ng niluto niyang chopsuey at fried chicken, nag-open ako ng usapan. Gusto kong magkabalikan sila ni Mommy, sabi ko. Natawa at napangiwi siya nang bahagya. Imposible na raw mangyari 'yun. Tapos, iniba niya ang usapan. Itinanong niya kung gusto ko raw bang manuod ng sine sa Imax. "Gusto po, pero mas gusto ko pong magkabalikan kayo ni Mommy." Lalo siyang natawa. Magkano raw ba ang ibinayad sa akin ni Mommy? "Hala, si Daddy! Bakit po ako magpapabayad? Siyempre po, ako ang may kagustuhan nito. Hindi niya nga po alam ito, e. Gusto ko lang po na mabuo tayo." "Sa dami ng pinag-awayin namin, imposible na, Red... Kaya, huwag mo nang ipilit ang gusto mo kasi hindi na kami para sa isa't isa." Nalungkot ako. Hindi agad ako nakaisip ng isasagot ko. Mali bang maghangad ang isang anak ng buo at maligayang pamilya? Mali bang ang anak ang maging daan para mabuo uli ang nawasak na tahanan? Kung maitatanong ko lang sana ito sa aking ama... Kaya lang, hindi pwede. Ayokong masyado kaming madrama. "Gusto ko pong mag-valedictorian ngayong school year, Dad..." "That's good! I'll support you..." Tapos, nginitian niya ako. Bumalik na ang dati niyang mood, bago ko binuksan ang isyung pagbabalikan nila ni Mommy. "Who are inspiring you? Si Riz ba?" Mapang-asar pa siyang kumindat. Opo, si Riz! Pero, hindi iyan ang sagot ko. "Hindi po siya. Kayo po ni Mommy ang inspirasyon ko..." Tapos, naglungkot-lungkutan ako, para maawa si Dad. "Oh, well... that's right." Antagal niyang nakapag-react. Hindi na ako umimik. Tumayo na ako at nagsimulang magligpit ng pinagkainan, para ipakitang masama ang loob ko sa reaksiyon niya. Napaka-insensitive ni Daddy.

No comments:

Post a Comment

Booklet Project: Babasahin

  BOOKLET PROJECT   1.       Gusto Kong maging Guro Gusto kong maging guro balang araw. Gustong maging nars ni Amanda. Gustong mag...