Followers

Tuesday, July 8, 2014

Red Diary 44: Gintong Medalya

Third Day. Medyo, umaayos na ang schedule. Nakilala ko na rin ang iba pa naming guro. May mga kilala na ako. May bagong lipat din sa aming year. May nagturo na. May nag-orient lang. May nagpa-assignment agad. Third day na rin ng pangdededma sa akin ni Riz... Ang katabi niyang si Romeo o Roma ang lagi niyang kausap. Nagtatawanan sila. At sa sobrang lakas ng boses ng bakla, naririnig o nage-gets ko tuloy ang usapan nila. Hindi ko naman sinasadyang makinig. Pinag-uusapan nila ang boyfriend ni Riz. Sinundo raw pala siya kahapon. Kaya pala, parang nakita ko silang dalawa na nakaangkas sa motor. Selos ba ako? O naiinis? Naiinis ako dahil nagpapasundo siya at sumasakay sa ganung klase ng sasakyan. Paano kung mapahamak siya? Paano kung saan siya dalhin ng mokong na 'yun? Paano ako? Oo, nagseselos ako... Dahil ni minsan, hindi ko siya naihatid pauwi. Samantalang matagal na siyang nagpaparamdam na ihatid ko siya. Ang hina ko, e. Tapos, magseselos ako ngayon. Hindi yata tamang nagseselos ako. Makakaapekto ito sa pag-aaral ko... Ayokong lamunin ako ng pag-big ko sa kanya. Pag nasa school kami, hindi ko napipigilan ang sarili ko na tingnan si Riz. Pero kapag nasa bahay na ako, dapat maiwaglit ko siya sa isipan ko. Gagawin ko na lang siyang inspirasyon. Abot-kamay na pangarap. Pangarap na kay dali sanang abutin, ngunit kusang lumalayo. Hindi na siya mahalaga sa akin. Mas matimbang na ngayon sa akin ang pangarap kung matamo ang gintong medalya sa graduation.

No comments:

Post a Comment

Booklet Project: Babasahin

  BOOKLET PROJECT   1.       Gusto Kong maging Guro Gusto kong maging guro balang araw. Gustong maging nars ni Amanda. Gustong mag...