Followers

Friday, July 11, 2014

Red Diary 68: Lunch Date

Habang nagbre-breakfast kami sa Mc Do nina Daddy at Dindee, tinext ko si Mommy. Gusto kong magkita sila ni Daddy ngayong araw. Sinabi ko kay Mommy na hindi ko kasama si Daddy, kaya makikipagkita siya. Kinasabwat ko rin si Dindee. Bukas na ang Robinson's Mall, kaya pumasok kami pagkatapos naming mag-almusal. Doon kasi kami magkikita ni Mommy. Alas-onse ang sabi niyang oras ng pagdating niya, kaya may isang oras pa kami para magliwaliw. Niyaya ko si Daddy at Dindee sa isang arcade. Naglaro kami ng car racing. Panay naman ang picture ni Dindee sa amin ni Daddy. Tapos, magse-selfie kaming tatlo. Dalawang beses din akong naki-selfie na kasama si Dindee. Sa isang oras na iyon, pare-pareho kaming nag-enjoy. Napuno ko ng tuwa ang puso naming tatlo. Nalimutan ko ang mga nangyari sa amin ni Dindee. Halos, nakalimutan ko nga na darating si Mommy. Kung hindi nga lang siya nag-text na nasa mall na siya ay hindi ko maaalala. Nagpaalam ako kay Daddy na magsi-CR. Inutusan ko naman si Dindee na maghanap na sila ng puwedeng kainan ng lunch. Nai-text ko na iyon kay Dindee kaya alam na niya ang mga gagawin niya. Lihim ko na ring naiabot sa kanya ang pera na pambayad sa oorderin niya. Kasi darating kami ni Mommy na nakaorder na siya. Sa isang boutique ko sinundo si Mommy. Ang ganda niya! Pinaghandaan niya ang date namin. Kiniss ko siya, tapos naglakad na kami. "Sa’n tayo, Red?'' tanong niya. Nakahawak siya sa braso ko. "Ako pong bahala sa inyo. Relax lang, Mom!" "Hay, naku! Kinakabahan ako d'yan sa relax-relax na 'yan..." Hindi ako tumawa, kahit tumawa siya. Tiningnan ko muna ang cellphone ko, kung may abiso na mula kay Dindee. Wala pa, kaya dumaan muna kami sa panlalaking boutique. "Mommy, help me naman pong mamili ng neck tie para i-regalo ko kay Daddy mamaya..." "O, sure." Namili kami. Medyo, tinagalan ko ang pamimili. Andami kong comments kunwari para time-consuming. Until, magtext na si Dindee. Agad ko tuloy, binili ang red neck tie na hawak ko. Parang ‘di naman ako natulungan ni Mommy. Choice ko rin ang nasunod. "Lunch muna tayo, Mommy", sabi ko habang pumapasok kami kung saan naroon sina Daddy. Namali ng upo si Dindee. Nagkabaligtad sila ng upo ni Daddy. Nakaharap sa pinto si Daddy kaya pagpasok pa lang ni Mommy ay nakita na agad niya si Daddy. Nanlaki ang mata nilang pareho. "Red? Magpaliwanag ka!" Kinurot ako ni Mommy sa braso. Huminto siya. "Uuwi na ako. Pilyong bata ka!" "Mommy naman, e. Fathers' Day naman ngayon… Pagbigyan mo na ako… o si Daddy. Lunch date lang naman 'to. Ayun si Dindee, o. Kaya ‘di ka maa-out-of-place..." Pinandilatan muna ako ng mata ni Mommy at muling kinurot na mas masakit, saka siya pumayag na lumapit kina Daddy. Yes! Sabi ko sa isip ko. Nag-thumbs-up pa ako kay Dindee. Nakita naman iyon ni Daddy, na blangko naman ang mukha.

No comments:

Post a Comment

Bato Serye -- Ep. 11

 Ako si Froilan. Adik ako sa bato. Rockhounding ang hobby ko. Bawat batong kinokolekta ko ay may kuwento.   Bihira lang naman ang suisek...