Followers
Saturday, July 12, 2014
Red Diary 78: Dance Floor
Kahapon, uuwi na sana ako, pagkatapos ng Oath-Taking, kaya lang napansin ko si Riz, na papuntang comfort room. Natuwa ako. Biglang nagbago ang isip ko. Hindi na ako uuwi, sabi ng isip ko.
Pagkababa naming officers sa entablado, pinuntahan ko si Riz sa CR. Hinintay ko siyang lumabas.
"Hi, Riz!" bati ko nang lumabas na siya. Nag-ayos siya ng mukha. Nakapagbihis na rin siya. Ang ganda talaga niya. Lumutang ang kaputian niya sa suot niyang royal blue skirt.
"Hi, Red!" Todo pa ang ngiti niya. "Kumusta ang oath-taking nyo?"
"Ayos lang! Successful ang program."
"Sorry, di ako nakaabot..."
Naglalakad na kami pabalik sa covered court. "It's okay! Ang mahalaga, nandito ka." Whoah! Ang lakas ng loob ko. Nasabi ko ‘yun. Tiningnan niya nga ako. Ngumiti siya. "Nag-reply ka kasi na ‘di ka pupunta."
Tumawa siya. "Akala ko... ‘yung oath-taking ang tinatanong mo."
Nginitian ko rin siya. Ipinalabas ko ang dimples ko…
Nagsidatingan na rin ang tropa ko at tropa ni Riz. Naging maingay na kami. Tapos, nagbiruan ng mga suot. Kawawa si Gio. Naging tampulan siya ng tukso. Baduy daw kasi kung pumorma. Pero, para sa akin, ayos lang ang suot niya. Kaya, pinagtanggol ko siya. "Hindi pa uso ang mga get-up niyo, ang porma ni Gio, nauso na. Kaya, tigilan niyo siya. Baka mapahiya kayo." Tumawa rin ako.
Hindi naman para sa mga graduating students ang party na iyon. Para talaga iyon sa mga Grade 7. Kaya, nang sinimulan namin ang party, winelcome namin sila. May ilan-ilan ding transferees na aming winelcome.
Nagkaroon ng mga parlor games. Hindi ako kasali dahil officers ako. Pero, pinasali ko si Riz.
Sa ‘Trip to Jerusalem With a Twist’ siya nakasali, kung saan kailangang kandungin ng mga lalaki ang mga babae. Ang hindi nakakapagpakandong ay matatanggal. Bago natanggal si Riz, marami muna ang nakakakandong sa kanya. Shit! Selos ako. Hiyawan nang hiyawan ang mga estudyante sa tuwing uupo na si Riz. I wished ako na lang ang kasali…
Mabuti na lang hindi siya nanalo.
Pagkatapos nun, hinayaan na kami ng school faculty na magsaya at magkakila-kilala, gayundin ang magsayaw.
Sa dance floor, nagsayaw ang mga grupo namin ni Riz. Tapos, nang medyo lumalim ang gabi, saka nagpatugtog ng sweet music, kung saan puwedeng isayaw ng mga binata ang mga dalagang naroon.
Hindi ko pinalampas ang pagkakataon. Niyakag ko si Riz. Sa una, ayaw niya kasi nainis siya sa hiyawan ng mga barkada namin, pero pumayag na siya kinalaunan dahil kay Gio. Ang lakas talaga ng best friend ko. Napapayag niya si Riz.
Nang nagsasayaw na kami, dumiga na ako.
"Gusto kitang ligawan, Riz. Pwede ko na bang simulan ngayon?"
Nagbingi-bingihan si Riz. Hindi raw niya marinig. Tatlong beses kong sinabi, pero hindi raw niya marinig.
"Sabi ko, mahal na kita!"
"Ang bilis mo naman! Di ba sabi ko… pahihirapan kita?"
Tumawa muna ako. "Okay lang! Basta hayaan mong ligawan kita..."
"Walang problema, ligaw lang pala, e."
"Salamat, Riz... Ikaw ang dreamgirl ko... Ikaw ang inspirasyon ko."
"Salamat din..."
Pagkatapos, ninamnam namin ang music. Matagal kaming nagsayaw nang tahimik. Sweet. Naaamoy ko ang kanyang amoy-sanggol na natural scent, habang napakalapit niya sa aking katawan.
Nagdagsaan na rin ang mga nagsasayaw na magpartner. Hindi na kami nakikita ng mga grupo namin. Napagitnaan kami.
Maya-maya, dumikit na siya sa katawan ko. Ramdam na ramdam ko ang tibok ng puso niya. Alam ko, damang-dama niya rin ang kalabog ng puso ko.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Bato Serye -- Ep. 11
Ako si Froilan. Adik ako sa bato. Rockhounding ang hobby ko. Bawat batong kinokolekta ko ay may kuwento. Bihira lang naman ang suisek...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment