Masakit pa rin ang ulo ko. Tapos, 38.8 pa ang body temperature ko, sabi ni Dindee. Nilalamig din ako. Masama pa rin ang panlasa ko. Wala tuloy akong ganang kumain.
Trangkaso nga ito.
Malamang hindi ako papayagang pumasok ni Daddy, bukas. Si Mommy naman, gustong ipahinga ko daw ang sarili ko ng one week. Hindi pwede. Marami akong mami-miss. Subjects. Lessons. Si Riz..
Hindi daw siya makakapunta para alagaan ako dahil busy siya sa mga forms at reports ng mga pupils niya sa school. Naunawaan ko naman. Saka, okay naman ako. Lagnat-laki lang ito. May Dindee naman na mag-aalaga sa akin.
Sa sobra niyang pag-aasikaso, hindi ko tuloy maiwasang maramdaman ang halaga niya sa akin. Kung tutuusin, mas tumimbang siya ngayon kumpara kay Riz.
Kung pagbabasehan ko ang mga nagawa nila, si Dindee ang pipiliin ko. Bukod sa maalaga, napapatawa niya pa ako. Naibibigay din niya ang mga gusto ko. May bonus pang kiss at yakap.
Si Riz? Puro galit at selos ang nasa dibdib niya. Lagi na lang niya akong di kinikibo. Minsan lang naman niya ako mapatawa. Napakaseryoso sa pag-aaral. Minsan nga, naisip ko, hindi naman yata ako niya gustong maging boyfriend. Mas gusto niya yatang may competition kami lagi sa pagka-first honors.
Oo, matalino siya. Maganda. Pero, maganda rin si Dindee. Hindi nga lang kasing talino niya. But, I believe, naa-acquire ang katalinuhan. Kaya, mas matimbang na ngayon sa akin si Dindee. Siya kasi ang madalas kong kasama at kausap. Isa ang tinutuluyan naming bahay. Saan pa ba ako?
Gayunpaman, hindi ko nakakalimutan ang kagustuhan kong magpari, lalo ngayong may sakit ako. Ipinaaalala marahil sa akin ng Diyos na kailangan kong pagsisihan ang mga kasalanan ko.
Magpapari ako.. Oo. Hindi ko tatalikuran ang pangarap ko..
Hindi pa ito alam ninuman. Ako at ang Panginoon pa lang ang tanging may alam.. Kaya, kung sinuman kina Dindee at Riz ang piliin ko, pareho pa rin silang mabibigo pagdating ng panahong iiwan ko na sila upang tuparin ang aking pangako.
No comments:
Post a Comment