Sa MOA kami dinala ni Daddy. Nag-almusal muna kami saka kami naglakad-lakad. First time ni Dindee doon kaya alam kong manghang-mangha siya sa mga nakikita.
Gusto ko siyang mapasaya kahit ako ang may kaarawan kaya umisip ako ng paraan para makahiwalay kami kay Daddy.
"Daddy, mahaba na ang buhok mo. Pagupit ka na po." sabi ko.
"Oo nga, e. Teka, saan ba dito ang salon?" Ayos! Kumagat si Daddy.
"Doon po! Tara.." Hinila ko si Daddy. Halos hatakin ko na sa pagmamadali ko. Bumuntot naman si Dindee. Natatawa sa akto ko.
Bago gupitan si Daddy, nakapagpaalam na ako sa kanya. Sabi ko, ililibot ko lang sandali si Dindee habang ginugupitan siya. Matagal pa naman kako ang turn niya. Maraming naunang customer.
Nasolo ko si Dindee. Kaya, kinuha ko ang kamay niya at naglakad-lakad kaming magka-holding hands. Di naman siya tumanggi. Sabi niya lang: "Umiiskor na ka naman, ha."
"Two points na ba?" Tumawa pa ako.
"Three points pa. Kasi birthday mo ngayon. He he"
"Yehey!" bulalas ko. Para talaga akong bata ngayong araw.
Tapos, napadaan kami sa isang boutique. Hinila ako ni Dindee papasok doon. Pinapili niya ako ng damit. Gift niya daw sa akin.
"Wag na. Ang mamahal, e. Mauubusan ka ng allowance.."
"Hindi. Akong bahala.. "
"Sa iba na lang. Wag dito.."
"Gusto ko dito, e, Heto o, maganda 'to. Bagay sa'yo.."
"Ayoko niyan.."
"Arte mo, ha! Sige, babawiin ko ang points mo!"
"Sige na nga, yan na!"
"Napilitan ka lang yata, e.."
"Hindi.. Okay na yan.. Kahit hindi pula, okay na yan.. Ayoko lang mabawi mo ang points ko."
Tumawa kami pareho. "Sige na nga, pili ka na lang ng gusto mong kulay."
Namili ako. Hindi rin ako makahindi.
Bumalik na kami sa salon. Tiyempo, patapos nang gupitan si Daddy.
Masayang-masaya ako ngayong araw. Nakasama ko na ang bago kong mahal, may regalo pa akong natanggap. Nagka-points pa ako. Suwerte.
Tumawag din si Mommy habang nagla-lunch kaming tatlo nina Dindee at Daddy. Kaya, kumpleto na ang 16th birthday ko.
No comments:
Post a Comment