Followers

Sunday, July 13, 2014

Red Diary 88: Sumbong

Hindi kami nagkibuan ni Dindee kaninang umaga. Halos nga magbanggaan kami sa pagpasok sa banyo, pero pareho kaming ma-pride. Walang lumabas na salita mula sa aming mga bibig. Nagmadali rin siyang makaalis ng bahay.
            Stressed ako ngayong araw. Wala ako sa mood magkipagtalakayan sa klase. Hindi ko nga nabati si Riz at ang mga kaibigan kong iba. Mabuti na lang ay kailangan naming tumahimik dahil bantay-sarado kami ni Mam, habang siya ay may nire-record at habang kami ay may seatwork.
            Lalo akong na-stress nang magtext si Mommy at si Karryle. Nakapagsumbong na agad siya.
            Nauna ang text ni Mommy. Nagagalit siya sa akin dahil inaway ko raw si Dindee. Ano raw ang sasabihin ng Mommy niya, kapag nalaman ito? Paano raw ngayon 'yan na gusto nang humanap ng malilipatan si Dindee? 
            Nag-explain ako, ngunit hindi niya ako pinakinggan. Gumawa raw ako ng paraan para mapigilan si Dindee sa paglipat ng bahay dahil hindi raw makakabuti ang pagbukod niya. Hindi na ako nag-reply.
            Si Karryle naman, na pinsan ko at kaibigan ni Dindee sa Aklan ay nagtanong kung totoo nga ang away namin. Sinagot ko. Oo lang, ang sabi ko. Bakit ko raw inaway? Tanong mo sa kanya, sagot ko naman.
            Hindi ko masyadong inisip ang mga bagay na iyon, pero nagpupumilit pa rin sa isip ko. Apektado ako ngayong araw. Hindi ako maka-focus sa lesson. Hanggang sa mag-uwian kami ay malungkot ako. 
            Ikinalungkot ko pa ang pandededma na naman sa akin ni Riz. Inikutan na naman niya ako ng mata niya nang tanungin ko kung ano na ang desisyon niya sa offer ni Mr. Briones. Hindi pa rin siya maka-get-over sa nangyari kahapon sa may bulletin board with Michelle. 
            Tinawag ko si Roma. Mabuti lumapit naman. "Ano ang problema nun?"
            "Wala! Nagpapalandi ka lang daw." 
            Natawa ako. Iyon ngang kahapon ang dahilan ng pandededma niya. "Hindi, a," depensa ko sa sarili ko. 
            "Hindi nga... Sabi ko nga sa kanya, e. Sige na, baboosh! Naghihintay na siya sa akin. Ayun, o, namumula na sa galit." Tapos, kuminding na siya palayo.

            Hay! Ang hirap ispelingin ng mga babae. Lahat na lang yata ng babae ay galit sa akin ngayong araw. Bakit sila ganun?

No comments:

Post a Comment

Lakad na!

  Lakad na!     Kung kaya namang lakarin ang lugar na pupuntahan, huwag nang sumakay dahil ang paglalakad ay maraming benepisyo sa kat...