Nag-explain ako sa Guidance Counselor.
Pinaniwalaan naman niya ako. Sapat na ang kuwento ko para maging maayos ang
lahat. Gusto sanang i-suspend si Leandro, kaya lang ayaw ko. Sabi ko kay Mam
Taballa, hindi naman makakatulong ang suspension sa problema namin. Nadala lang
marahil siya ng init ng ulo. Hindi ko na binanggit ang tungkol sa
pustahan.
Pinag-sorry ni Mam si Leandro sa akin at
pinapirma sa logbook. Nag-promise siyang hindi na niya uulitin ang panununtok
sa akin o kanino pa man dahil saka na niya makukuha ang suspension.
Nakipagkamay pa ako sa kanya, bago siya pinalabas sa Guidance's Office.
Nag-alala naman ang si Mrs. Taballa sa pasa ko sa mukha. Kung ‘di raw ako
magsasabi sa Daddy ko, paano ko ito ipapaliwanag? Bahala na po, sabi ko.
Sa bahay…
Nagkulong si Dindee sa kuwarto. Maaga yata
siyang dumating.
Si Daddy ay alas-sais na nang dumating.
Nagsaing na ako, kaya magluluto na lang siya ng ulam. Pilit kong itinatago ang
pasa ko sa mukha sa pamamagitan ng pagkukunwaring pagbabasa o pagsusulat. Kaya
lang nang kainan na, hindi ako makapag-alibi na busog pa ako. Ayaw ni Daddy na
hindi ako nakikisabay sa pagkain. Nakita niya. "Anong nangyari d’yan sa mukha mo?"
"A,
ito po? Wala po. Nakatama po sa pinto ng CR sa school. Hindi ko po
napansin."
"Hindi
ka nagsasabi ng totoo. Kelan ka pa natutong magbulid ng kasinungalingan?" Seryoso si Daddy. Alam kong galit siya sa
pagsisinungaling ko.
"Totoo
po, Dad.." Kinakabahan ako. First time kasing
nangyari ito sa akin. First time akong masuntok. Never pa ako nakipagbasag-ulo
sa buong buhay ko. Kaya, hindi rin ako sanay na magsabi ng ‘di totoo tungkol sa
pasa. Hindi pala congruent ang pasa ko sa pinto.
"Magsasabi
ka ng totoo o pupunta ako ng school mo bukas?" Noon ko lang din nakita si Daddy na ganun. Siguro ay ayaw
niya lang akong nasasaktan ng sinuman.
Nagtapat ako. Nakikinig lang si
Dindee. Hindi tuloy halata ni Daddy na ‘di kami magkabati.
"Nakipag-away
ka dahil sa babae? At nagpasapok ka lang? Ewan ko sa'yo, Red! Kung kelan ka pa
tumanda ng ganyan saka ka pa... " Tumayo na si Daddy. Hindi na niya tinuloy ang sasabihin
niya. Alam ko, nainis siya sa karuwagan ko. Pero, sana maunawaan niya, na may
karangalan akong gustong makamit. Hindi naman karuwagan ang hindi paglaban.
Katapangan nga ito. Kung lumaban ako at nakipagsuntukan, ako pa ang lalabas na
masama at tiyak ako hindi na ako makakasali sa honor roll.
Tahimik kong tinapos ang pagkain ko,
gayundin si Dindee. Hindi siya tumingin sa akin.
No comments:
Post a Comment