Hindi pa rin ako tinext ni Mommy. Si Dindee ay hindi rin. Si Riz naman, pinaikutan na naman ako ng mga mata niya. Grabe rin kung makapagparinig. Tawa na lang ang ginaganti ko.
Nawala na ang galit ko kay Leandro pero bakas pa rin sa mukha ko ang pasa ng selos niya. Sinubukan ko ngang lagyan ng Band-Aid, pero awkward lang. Nakikita pa rin kasi, sa sobrang laki.
Hinayaan ko na lang. Gagaling din 'to. Sabi naman ni Sir Briones bakit daw ako pumayag na tanggapin ang sorry lang. Paano daw kung di pa gumaling hanggang sa competition na sasalihan ko?
"Okay lang po, Sir..Mawawala din po'to. One month pa naman po." Exaggerated lang ang concern ni Sir. Naawa lang siguro sa akin o kaya nanghinayang sa mukha ko.
"Hay, naku! Kung ako sa'yo ipinasuspend mo.." sabi pa niya. Di na ako kumibo. Bati na kami kaya di na niya uulitin iyon.
Si Mam Valbuena naman ay ininterbyu niya ako. Paano daw nangyari iyon? Kinuwento ko naman. Pero, hindi ko na sinabi ang issue ng pustahan. Nakakahiya sa iba naming kaklase na hindi pa nakakaalam.
"Ano ang sabi ng Daddy mo?" tanong pa ng adviser ko.
"Nagalit po. Parang mas gugustuhin niya pang lumaban ako kesa sa nagpatalo."
"Tama naman ang ginawa mo. Humanga nga sa'yo ang Guidance Counselor. Sinabi niya sa akin kanina. "
Salamat naman at may naka-appreciate sa ginawa ko. Naniniwala din pala siya na ang ginawa ko ay ang tunay na katapangan. Tiningnan ko nga si Riz. Medyo, napahiya siya. Sabi niya kasi duwag ako. Kay Mam Taballa na mismo galing na ako ang tunay na matapang. Hindi ako duwag!
He he.
Masaya na rin ako kahit paano, kahit hindi ako kinausap ni Riz ngayong araw. Kaso, tinext niya ako. Sabi niya: SIPSIP! Pati daw sa Guidance's Office ay nakapagsipsip ako. Cool lang ako. Di na ako nag-reply. Ayokong madagdagan ang galit niya sa akin kahit ako pa ang dapat magalit sa kanya..
No comments:
Post a Comment